0

Dapat Bigyang-pansin din ang pag-abuso sa pag-appoint ng mga opisyal sa mga puwesto

Posted on Wednesday, 5 August 2015

Dapat Bigyang-pansin din ang pag-abuso
sa pag-appoint ng mga opisyal sa mga puwesto
ni Apolinario Villalobos

Maliban sa Anti-political Dynasty Bill, dapat ay bigyang pansin din ang pag-abuso sa pag-appoint ng mga kaibigan at kamag-anak sa mga puwesto sa gobyerno. Nagkakagulatan na lang kapag nalamang magkakamag-anak o matalik na magkakaibigan pala ang mga nasa maseselang puwesto ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kung ang isa ay nagkakaso dahil sa imbestigasyong ginagawa. Ang isang halimbawa ay nang magkakaso si Vitangcol. Nang mag-imbestiga, nabistong marami pala siyang malalapit na kamag-anak na nakatalaga rin sa mga maseselang puwesto at ganoon din ang kalihim ng DOTC na si Jun Abaya, dahil nalamang malapit sa isa’t isa ang dalawa.

May batas tungkol sa bagay na ito subalit napakaluwag, kaya wala ring saysay – inutil, kaya napapalusutan. Ang Kongreso at Senado ay malamang hindi maaasahan sa bagay na ito dahil ang mga bumubuo sa dalawang kapulungang ito ay apektado lahat.

Isa sa mga pangakong binibitiwan ng mga tumatakbo sa Kongreso at Senado ay ang pag-appoint sa mga tutulong sa kanila sa panahon ng eleksiyon, kaya ang kumakagat ay talagang gumagawa ng paraan upang maipanalo ang kanilang kandidato. Dahil sa ganyang sitwasyon, paano pang gagawa ng pagbabago ang mga nakaupo sa nabanggit na mga kapulungan?

Ang pinakahuling paraan ay dapat manggaling sa Civil Service Commission at Department of Labor na dapat magtulungan kung paanong mabigyan ng pangil ang mga nakatakda nang batas, upang maski papaano ay maipakitang may nagawa, kaysa naman tutunganga na lang sila at magsisihan, o di kaya ay umasa sa pagkukusa ng mga mambabatas na talagang hindi kikilos tungkol sa nabanggit na pangangailangan.


Ang isa pang nangyayaring pag-abuso ay tuwing magtatapos ang termino ng Pangulo…na ang  tawag ay midnight appointment. Maraming leksiyon na ang nangyari pero ni isa ay wala man lang natututunan dahil nagtuturuan ganoong ang talagang diperensiya ay kawalan ng tamang batas. Kawawa at napapahiya tuloy ang mga na-appoint ng bumabang Pangulo dahil natatanggal pag-upo ng bagong Pangulo.

Discussion

Leave a response