Magno Padua: Matatag na Ama ng Tahanan at Mapagkakatiwalaang Kaibigan
Posted on Tuesday, 11 August 2015
Magno Padua: Matatag
na Ama ng Tahanan
At Mapagkakatiwalaang
Kaibigan
Ni Apolinario Villalobos
Ang pagkatatak ng pangalang nabanggit sa titulo ay hindi na
maaaring mawala sa diwa ko. Simula nang ako ay tumira sa isang bahagi ng dating
Barangay Real 1, at ngayon ay Real 2 na, siya ay naging kaagapay ko bilang
presidente ng aming homeowners’ association, na ang mga miyembro ay iilang
pamilya lamang noong dekada otsenta. Iilang bahay pa lamang ang may kuryente at
ang paligid namin ay bukid, kaya balot ng pusikit na kadiliman kung gabi.
Isa si Magno sa mga tumatanggap ng kontrata noon sa pag-ayos
ng mga low-cost housing shell na ipinasa ng developer sa aming mga homeowner.
Kasama ang mga kapatid na sina Budjo, Emo, at Tura, naglalatag sila ng tiles,
mga kawad para sa electrical connections, at nagpipintura.
Hindi kalaunan ay inimbita niya akong mamasyal sa kanilang
bahay sa “bukid” na nasa likod ng subdivision, na upang marating ay kailangang
dumaan sa mga pilapil. Dahil mahilig ako sa kalikasan, napadalas ang pasyal ko
sa kanila, lalo na naging malapit na rin ako sa kanyang nanay, si Inang Bidang
at yumaong kapatid na si Mely. Lalo akong nawili dahil tuwing nasa kanila ako,
pinagluluto nila ako ng upo na sinahugan lamang ng bawang. Sa kanila ko rin
natikman ang manggang inatsara sa bawang, hugas-bigas, at asin. Ang ibang gulay
na inihahanda nila para sa akin o pinapadala sa bahay ay galing naman sa
taniman ng namayapa niyang kapatid na si Tomas.
Sinadya kong dalasan ang pagpasyal sa bukid upang ipakita sa
mga kapitabahay ko na kailangang makisama sa mga taong nakapaligid sa amin
upang hindi kami pangilagan o pag-isipan na mapangmataas. Sa kagustuhan kong magkaroon ng magandang
samahan sa pagitan namin at nina Magno, pinangunahan ko ang pagpakita ng tiwala
sa pamilya at mga kapitbahay niya, na tinumbasan din nila ng kahalintulad na
tiwala. Dahil dito, madalas kong sinadyang umuwi ng dis-oras ng gabi mula sa
bukid upang ipakita na ligtas ang paligid namin.
Si Magno ang ang naging tulay namin sa pakikipag-ugnayan sa
iba pang mga nakatira sa aming paligid na karamihan ay may kaalaman sa pag-ayos
ng bahay. Dahil sa nabuong magandang samahan, sa pangunguna ni Magno,
nakipag-bayanihan ang mga kapatid, kamag-anak, at kumpare niya nang gawin ang
unang basketball court, multi-purpose hall, at tulay na gawa sa dalawang
malaking poste ng kuryente.
Sa pakikipag-usap ko sa mga nauna sa amin at nakatira sa
isang katabing subdivision, nalaman kong itinuturing pala nilang “kuya” si
Magno. May nagkuwento pa na pinapasakay raw siya ni Magno sa kalabaw tuwing
mamasyal siya sa bukid, na ginagawa niya tuwing hapon pagkagaling sa
eskwela. Pahingahan din daw nilang
magbabarkada ang bahay nina Magno kung sila ay manghuli ng ibon, gagamba at dalag
sa mababaw na ilog. Marami pa akong kuwentong narinig tungkol sa magandang
pakisama sa kanila ni Magno at ng kanyang pamilya.
Hindi nakatapos sa kanyang pag-aaral si Magno dahil sa
kakapusan ng pantustos, at lalong dahil kailangang pagtulungan nilang
magkakapatid na linangin ang malawak na lupang kanilang sinasaka noon bilang
mga “tenant” nang mamayapa na ang kanilang ama. Pagkatapos ng taniman ng palay,
upang kumita ng dagdag na pantulong sa kanyang pamilya dahil siya ang panganay,
namasada rin siya ng dyip.
Makulay ang buhay ni Magno, subalit naging tapat siya sa mga
kinasama niya lalo na sa kanyang asawang si “Baby”. Wala siyang inilihim, kaya
nitong huling mga araw ay nagkakakontakan sa isa’t isa ang kanyang mga anak.
Nakita ko ang katatagan ni Magno bilang ama ng tahanan, nang panahong naghirap
sila dahil sa madalang niyang trabaho at si “Baby” naman ay may diabetes at
sakit sa puso. Maliban sa pag-eekstra sa pagpasada ng dyip, tumanggap din siya
ng kontrata sa pagmaneho ng kotse, na nagpahina ng kanyang pulmon, subalit
hindi niya pinaalam sa kanyang pamilya. Nalaman ko lang nang pinilit ko siyang
magtapat nang minsang mag-usap kami dahil napansin ko ang pagkahulog ng kanyang
katawan at pamumutla.
Nang pumanaw si “Baby”, lalo pang nagpakita ng katatagan si
Magno sa kanyang mga anak. Pinilit niyang ipagpatuloy ang pagtanggap ng mga
kontrata sa pagmaneho kahit nararamdaman niya ang patuloy na panghihina ng
kanyang katawan. Ang mga anak naman niya, maliban sa bunso, ay tumigil sa
pag-aaral upang magtrabaho.
Ngayon, nakakaraos ang pamilya niya kahit papaano dahil sa
isang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi na siya pinayagan ng kanyang
mga anak na magmaneho, at upang malibang ay tinuruan siyang mag-facebook ng mga
ito gamit ang cellphone na bigay ng isa niyang anak. Napabuti rin ang pagpi-facebook
niya dahil nakontak siya ng iba niyang kamag-anak na nasa ibang bansa at
probinsiya.
Tiwala at respeto sa isa’t isa ang pundasyon ng pagiging
magkaibigan namin ni Magno na bilang pinakamatanda sa kanilang angkan sa
barangay ay itinuturing nilang “ama”. Dahil sa nasabing pagkilala, nilalapitan
siya upang mamagitan sa mga hindi nagkakaunawaang mga kamag-anak pati mga
kaibigan. At ang nakakabilib ay ang ugali niyang hindi mapang-abuso sa mga
kaibigan na hindi man lang nakarinig sa kanya ng kapirasong himutok kung siya
ay may problema….tanda ng katatagan ng kanyang kalooban!
Discussion