0

Hindi lang Dapat sa Passport Ibatay ang Isyu sa Nasyonalismo

Posted on Thursday, 27 August 2015

Hindi Lang Dapat sa Passport Ibatay
Ang Isyu sa Nasyonalismo
Ni Apolinario Villalobos

Walang kapalit ang damdamin at puso sa pagpapatunay ng saloobin ng isang tao pagdating sa isyu ng nasyonalismo. Sa panahon ngayong talamak ang kagutuman sa buong mundo, lahat ng naghihirap na tao ay nakatutok sa ano mang bansa na makakatulong sa kanila, kahit  pa umabot sa puntong isuko nila ang nakagisnang pagkamamayan o citizenship kapalit ng sa bansang kasasadlakan, na kalimitan ay Amerika. Isang malaking sakripisyo para sa isang tao ang magpalit ng citizenship dahil ang nakasalalay ay pangangailangan ng pamilyang naghihirap. Nakakadanas pa siya ng kantiyaw na “mukhang pera” at “mababaw ang kaligayahan”. Subalit lahat ay tinitiis niya sa ngalan ng kanyang mga mahal sa buhay.

Nailabas ko ang ganitong pananaw dahil sa komento ng isang nakabasa ng isinulat ko, na nagsabing kahit nasa ibang bansa daw siya at ang hawak ay hindi na passport ng Pilipinas, nasa puso, damdamin, at isip pa rin daw niya ang pagiging Pilipino. At, ano man daw ang mangyari o nangyayari sa Pilipinas ay handa siyang tumugon. Kahit pa raw sabihing korap ang gobyerno, naniniwala siya na may mangyayaring pagbabago, dahil tao lang naman ang papalitan. Ganoon katindi ang kanyang pagka-Pilipino! Naramdaman ko ang kalagayan niya kaya hindi siya nagkukulang sa pagpahiwatig ng kanyang pagka-Pilipino sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan niya sa facebook at pagko-comment tungkol sa mga usaping may kinalaman sa mga nangyayari sa Pilipinas. Talo pa niya ang mga nasa Pilipinas na hanggang tanaw lang ang ginagawa, hindi nagpapahiwatig ng kanilang nararamdaman at iniisip – ugaling “parang wala lang”.

Nais ko lamang ipabatid na ang mga sinusulat ko ay tungkol sa korapsyon ng mga taong nagpapatakbo ng gobyerno. Ang kinakalaban ko ay ang sistemang ginawa nila at ang mga batas na pinanukala nila na sinadyang lagyan ng mga butas upang maikutan nila sa paggawa ng mga kaaliwaswasan upang sila ay makapagpayaman. Pinapalabas ko sa mga isinusulat ko na biktima ang Pilipinas kasama na ang mga mahihirap at ordinaryong Pilipino. Hindi nangangahulugang anti-Pilipino ako dahil galit ako sa mga Pilipinong korap. Nagpapasalamat ako at may mga taong nasa ibang bansa na nagpahiwatig din ng kaparehong damdamin, kahit pa ibang passport ang hawak nila ngayon.


Para sa akin, ang passport ay libreta lamang na maaari namang palitan sa anumang pagkakataon, at ito ay gawa lang ng tao….subalit ang pagmamahal sa bayan na nakaukit sa puso, damdamin, at isip ay hindi mawawala hanggang  kamatayan, dahil gawa ito ng Diyos!

Discussion

Leave a response