May Isang Santakrusan....
Posted on Monday, 23 May 2016
May Isang Santakrusan…
Ni Apolinario
Villalobos
Ito’y kuwento ng
isang kaibigan ko tungkol sa nangyaring Santakrusan sa kanilang bayan. Una,
nag-away daw ang mga mapopormang babaeng nagsisilbi sa simbahan dahil sa isyu
ng kung sino ang magiging Hermana Mayor. Ang mga magkakaibigan ay nagkasamaan
ng loob. Bandang huli ay nanalo ang isang taga-Amerika na ka-facebook ng parish
priest, na biglang nagbalikbayan. Maski
kasi sa Amerika itong babae ay nakakapagpadala pa rin sa pari ng pera para daw
sa simbahan, kaya give her a chance daw.
Nang mapag-usapan daw
noon pa lang na magkakaroon ng Santakrusan ay ibinalita agad ng pari sa
kaibigan niyang nasa Amerika kaya bigla itong nagpa-overhaul ng katawan at nagkumahog na umuwi. Dahil sa dami yata ng
inineksiyung gamot o botux sa mukha upang mawala ang mga wrinkles ay namanhid
na ito at nawalan ng reaksiyon dahil hindi na makangiti man lang sa mga
kapitbahay nang dumating kaya nagkasya na lamang sa pagkaway na ala-Miss
Universe at flying kiss. Umalsa rin daw ang boobs at puwet.
Ang nakakamangha daw
ay parang inilublob sa isang drum na arina ang katawan dahil biglang pumuti, at
upang malubos ang mga retoki ay nagpatangos din ng ilong!...ang resulta ay
halos hindi siya nakilala ng mga kapitbahay dahil naging golden brown din daw
ang buhok! Siya ay halos sisenta anyos na sabi ng kaibigan ko….”halos” lang daw
dahil ayaw sabihin ang tunay na edad, ganoong binata pa lang siya (kaibigan
ko), naalala niyang nagdiwang ang babae ng ika-55 years na birthday! Ngayon ang
kaibigan ko ay may apat nang apo! At, ayaw din daw magpatawag na “lola” sa mga
apo…ang gusto ay “mommy”, at ang magkamali ay may isang lumalagapak na palo.
Saktung-sakto ang
Santakrusan dahil bilang Hermana Mayor ay may choice siya kung gusto rin niyang
sumali sa prusisyon. Siyempre, upang ma-display ang kanyang bagong anyo ay
nagdesisyon siyang sumali kaya nagpa-rush daw ng gown sa pinagyabang na halagang Php120,000. Ang
tuwang-tuwa ay ang pari dahil umapaw na naman ang donation box ng simbahan sa
abuloy ng babae.
Kahit umaambon
nang araw ng prusisyon ay nag-decide silang ituloy ang Santakrusan kaya kung
ilang dosenang itlog daw ang inialay sa estatwa ni Santa Clara na pag-aari ng
isang kapitabahay. Natuwa naman daw ang may-ari ng santo dahil nagkaroon naman
ito ng negosyong leche flan! Ang swerte nga naman!
Dahil ang ibang kalsada
sa bayan nila ay hindi sementado, lahat ng laylayan ng mga gown ng mga naglakad
na sagala ay nakulapulan ng putik at ang ilang miyembro ng banda ay nadulas sa
kaiiwas sa mga lubak. Ang buhok naman daw ng iba ay nagkalaylayan o biglang
dumiretso dahil nabasa ng ambon. Ang eye shadow naman daw ng iba pa ay nalusaw.
Ang masaklap,
nalubak ang traysikad na sinasakyan ng balikbayan na Hermana Mayor at siya ay
napamura daw ng pagkalutong-lutong na, “Ay, putang ina”. Hindi man lang inisip
na ang prusisyon ay para sa birheng Mariang ina ni Hesus! Pero nakabawi daw
naman sa pagsori dahil nagpahabol ng, “ay sorry, SHIT pala!!!” Naalala sigurong
galing siya sa Amerika kaya dapat kung magmura siya ay sa Ingles. Nagalit yata
si Lord sa kanya kaya nalubak uli ang tryasikad at siya ay nauntog sa kawayang
pinagtalian ng payong – swak na swak ang kanyang retokadong ilong at tumabingi
dahil bagong repair lang! Tumayo pa kasi upang idespley siguro ang pinatambok
na puwet at nagyayabang na dibdib dahil sa silicone kaya chest out na chest out
daw!
Bandang huli, nagbunga
rin daw ang pamimilit ng retokadong balikbayan na maging Hermana Mayor dahil
hinding-hinding-hindi na siya makakalimutan ng kanyang mga kababayan bilang
babaeng tumabingi ang ilong!
ANG LEKSIYON:
Huwag nang magpilit na sumali sa Santakrusan at hayaan na lang ito sa mga
kabataang may karapatang mag-display ng kanilang tunay o likas na kagandahan,
hindi yong pinaputi lang glutathione. Kung maging Hermana Mayor, magpakain na
lang ng mga bisita at banda.
PAALALA: Kung ang buwan
ng Mayo ay itinuturing na panahong inaalay kay Maria, dapat ito ang
pagkakataong turuan ang mga kabataan tungkol sa kanya habang sila ay
nakabakasyon, hindi yong magpilit na magkaroon ng Santakrusan makapag-display
lang ng gown at katawang niretoki ….kaya tuloy kinakarma ang Pilipinas dahil sa
ugali ng ibang mahilig gumawa ng mga karumal-dumal na bagay! Napansin ko lang
kasi na hindi na ginagawa ang pagturo ng katekismo sa mga bata tuwing Mayo at
ang nakagawiang pag-alay sa Birheng Maria. Dati ito ang palaging inaabangan ng
mga bata tuwing bakasyon nila sa eskwela.
Discussion