May Silbi Pa Ba ang Mga Ahensiya ng Gobyerno?
Posted on Tuesday, 10 May 2016
SANA
SA PAG-UPO NI DUTERTE BILANG BAGONG PRESIDENTE NG PINAS AY MAGKAROON NG
KASAGUTAN ANG TANONG KO….
May
Silbi Pa Ba Ang Mga Ahensiya ng Gobyerno?
Ni Apolinario Villalobos
Nakakadismaya na sa halip na makatulong ang
mga ahensiya ng gobyerno sa mga Pilipino ay nagiging bahagi lang sila ng mga
anomalya lalo na sa maling paggamit ng pera ng bayan at pagbagsak ng kulturang
Pilipino. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa kanila:
·
Department of Social Welfare
Development (DSWD) – sa kabila ng paglobo ng budget nitong ahensiya, lalo pang
dumami ang problema ng bansa tungkol sa kagutuman, iskwater, population
explosion, mga batang lansangan, at sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng
kalamidad. Kumikilos sila upang ipunin ang mga natutulog sa bangketa tuwing may
darating na banyagang bisita at kunwari ay sini-seminar sa kung saan-saang gym,
basketball court, at mamahaling resot, hanggang umalis na uli ang bisita.
Hindi dahilan ang
pag-decentralize ng social services upang pabayaan na nitong ahensiya ang mga
responsibilidad na nakatalaga sa kanila. Dapat ay nakikipag-ugnayan pa rin sila
sa mga gobyernong lokal upang alamin kung tama ang pamamalakad ng mga ito lalo
pa at may nadiskubreng mga pasilidad para sa kabataan na hindi binabadyetan ng
maayos. Sa kabila ng mga mabulaklaking report ng ahensiya na wala nang mga
batang yagit at mga pamilyang pakalat-kalat sa kalye, makikita pa rin sila 24/7
sa lahat ng dako ng Maynila. Alam kong nakikita sila ng mga Social Workers
subalit ang mga ito ay nagbubulag-bulagan lamang. Lalong hindi kapani-paniwala
na “natulungan na daw” ng ahensiya ang mga biktima ng mga kalamidad…bakit may
nagrereklamo?
·
Department of Science and
Technology (DOST) – ilang imbensiyong Pilipino na ba ang pinalampas ng
ahensiyang ito kaya ang nakikinabang ay ibag bansa? Sinasayang lamang ng
ahensiyang ito ang mga dapat sana ay napapakinabangan ng mga Pilipino sa mga
panahon ng matinding pangangailangan tulad ngayon. May inimbentong ilaw na ang
gagamitin lang upang sumindi ay tubig-dagat o tubig na kinunawan ng asin.
Pagkatapos lumabas sa internet sa tulong ng mga banyaga ang anunsiyo ay wala
nang narinig tungkol dito. Hindi man lang narinig mula sa DOST habang ang mga Pilipino sa malaking bahagi ng
bansa ay pakapa-kapa sa dilim tuwing magkaroon ng blackout na inaabot ng
hanggang 6 na oras! Nang pumutok ang kuwento tungkol sa kotseng pwedeng
paandarin ng tubig, pinalampas din ito hanggang nitong huling mga araw ay
naglalabasan na sa internet ang mga sasakyang gawa sa Japan at Europe na ang
ginamit na prinsipyo ay hango sa imbensiyon ng Pilipinong hindi binigyang
pansin ng DOST. Magaling sila sa pagdaos ng mga exhibit ng mga imbensiyon…
·
Department of Health (DOH) - Maraming
Pilipino ang hirap sa pagbili ng gamot laban sa ubo, dengue, cholesterol,
cancer, diabetes at iba pa. Dahil sa kahirapan ay nagtitiyaga sa mga “gamot
alburlaryo” na hango sa mga halaman ang mga Pilipino. Kahit marami nang
patunay, iisa pa lang ang inaprubahan, ang lagundi, para sa ubo. Pero ang iba,
tulad ng luyang dilaw, papaya, tawa-tawa, bayabas, banaba, at iba pa ay hindi
man lang binibigyan ng pansin upang maging “opisyal” ang pagkilala sa kanilang
bisa. Niluwagan nga ang paglabas ng mga produkto subalit may pasubali na hindi
naman daw nakakapagbigay ng lunas o walang “therapeutic evidence” ganoong
marami na ang gumagamit dahil sa balitaang gamit ang bibig. Kung sa radio naman
ilalabas ang anunsiyo ay may karugtong pa na ang mga ito ay “hindi gamot at
hindi dapat gamiting panggamot”. Kung hindi ba naman katarantaduhan, bakit
pinayagan pang gumawa at magbenta ang mga PIlipinog laboratoryo ng mga ito kung
may “warning” ang DOH, na isang malaking panloloko kung tutuusin? Humaharang ba
ang mga banyagang laboratory upang hindi masapawan ang mga imported nilang
gamot?
Napapabalitang isasara na
ang Fabella Center na mula pa noong panahon ng mga Amerikano ay ginagamit nang
paanakan. Ang lupang kinatitirikan nito ay pag-aari ng gobyerno, subalit
pinapaalis ang isang pasilidad din ng gobyerno na kailangang-kailangan ng mga
taga-Maynila. Ang balak yata ay ibenta sa negosyanteng Intsik na mahilig
magtayo ng mga malls! Wala man lang ginawa ang ahensiyang ito upang pigilan ang
plano. Ni wala man lang narinig na plano mula sa DOH kung saan ililipat ang
pasilidad o kung tuluyang bubuwagin na at ibenta sa junk shop ang mga gamit!
Kung sinasabi ng DOH na marami nang sira ang building, bakit hindi i-retrofit,
isang makabagong paraan upang mapatatag ang isang lumang gusali?
·
Department of Trade and
Industry (DTI) - Tuwing sumirit pataas ang mga presyo ng mga bilihin sa
palengke at grocery, lulusob ang mga taga-ahensiyang ito, karay-karay ang
sangkaterbang taga-media, habang kunwari ay nagti-check ng mga presyo, kodakang
umaatikabo para mailabas sa TV at mabanggit sa radio ng field reporters, press
conference….hanggang doon lang, dahil sa bibig nila mismo nanggaling ang
kawalan nila ng kapangyarihan upang pigilan ang pagtaas ng mga presyo…wala daw
sa mandato nila. Bakit hindi sila magpadala ng “instruction” sa Congress kung
anong klaseng kapangyarihan ang ibigay sa kanila upang maisabatas batay sa kung
ilang dekada nang karanasan nila sa pagmamatyag ng presyuhan? Tutunganga na
lang yata sila habang naghihintay ng palpak na batas na gagawin ng Kongreso
dahil sa dami ng butas! Dapat kusa silang nakikipagtulungan sa Kongreso noon pa
man upang makagawa ang mga kongresista ng mga angkop na batas.
·
Department of Energey (DOE) –
taga-announce na lang yata sila ng mga plano ng mga nagbebenta ng langis kung
kaylan magtataas ng presyo ang mga ito.
Tulad ng DTI, wala rin daw silang kapangyarihan upang kontrolin ang pagtaas ng
mga presyo dahil sa batas tungkol sa “deregulation”. Kung ang ibang batas ay
nababali ng mga tiwali upang makapagnakaw sa kaban ng bayan, bakit hindi
mag-isip ng paraan ang mga taga-ahensiyang ito upang masilip ang mga butas ng
Deregulation Law upang matapalan? Hindi kapani-paniwala ang pinagpipilitan
nilang wala na silang magagawa!
·
Department of Education and
Culture – na-komersiyalays na lang at lahat ang mga textbook na karamihan ay
maraming mali tuwing ilalabas sa limbagan, hanggang nagkaroon ng problema sa
pagbago ng sistema dahil ang anim na antas ay madodoble na sa pamamagitan ng
K-12 program, ang napapansin pa rin sa mga “produkto” ng mga eskwelahan sa
panahon ngayon ay tila paurong nilang pag-usad. Ang mga bata ay ni hindi kilala
ang mga bayani, nawalan sila ng tatak-Pilipinong pagkapitagan sa matatanda, at
ang simpleng letrang “R” ay hindi mabigkas ng maayos ayon sa tamang pagbigkas
sa wikang Pilipino. Masakit sa tenga ang pagbigkas ng mga estudyante na
pa-English ng letrang “R”, at ang lalong masama ay pati mga titser mismo ay
gumagawa nito! Ano ang ginagawa ng DEC?...wala! Malamang ang mga nagtatrabaho
mismo sa loob ng opisina nila ay ganoon din ang pagagong pagbigkas ng letrang
“R”
Upang mabawasan ang hinanakit natin,
kailangan ang marubdob pang pagdasal at pagngiti o pagtawa, dahil hindi naman
natin pwedeng itanggi ang ating pagka-Pilipino. Nag-iisa lang itong lahi sa
mundo na kahit papaano ay nakilala sa larangan ng pag-awit, boksing, at pagandahan
ng mukhang tisay at may pangalang banyaga! Tanong lang….kaylan kaya magkakaroon
ng Pilipinang Miss Universe na ang pangalan ay Pilipinong-Pilipino tulad ng “Mayumi Tingkayad”?
Discussion