0

Huwag Magpa-impress sa Pamamagitan ng Facebook

Posted on Wednesday, 4 May 2016

Huwag Magpa-Impress
sa Pamamagitan ng Facebook
Ni Apolinario Villalobos

Malimit nakakabasa tayo ng mga balita tungkol sa mga tin-edyer na babaeng ginahasa. Ang matindi, bukod sa pinagnakawan na ay pinatay pa pagkatapos makipagkita o makipag-eyeball sa bagong kaibigan na sa facebook lang nakilala. Makikita ang larawan ng mga tin-edyer na maganda at sa pananamit ay halatang galing sa may sinasabing pamilya. Ang iba ay nakasuot pa ng uniporme ng kanilang eskwelahan. Sa ganitong mga pagkakataon, kalimitan ay ang kapusukan ng mga kabataan ang masisisi, at dahil ang gusto ay “adventure”, hindi nila pinapaalam sa mga  magulang ang kanilang mga ginagawa. Magtataka na lang ang mga magulang sa hindi pag-uwi ng kanilang anak ng kung ilang araw na at ang masakit ay makikita na lang nila ang larawan ng kanilang ginahasang anak sa diyaryo.

May mga tin-edyer at ilang nasa tamang gulang na ring mga babae ang sobrang bilib sa kanilang “kagandahan” kaya kung anu-anong selfie posing ang nilalagay sa facebook nila, dahil feeling cute nga sila, kaya inaasahang maraming magla-like at ang iba ay magpapadala pa ng “friend request”. Ang hindi nila naunawaan ay nagpapahiwatig ang mga nilalagay nilang larawan ng motibo na “game” sila dahil ang dating nila sa mga larawan ay animo nang-aakit. Ang masakit ay ang mga mga “comments” ng mga friends nila na “nice try”, o di kaya ay “take it easy”, etc., kaya sa bandang huli ay sama lang ng loob ang nakukuha nila hanggang kung minsan ay nagreresulta pa sa away. 

Kung para sa mga nabanggit, ang mga “naughty” na posing nila ay katuwaan lang at para sana sa mga kaibigan, iba naman ang pagkakabasa ng ibang browsers na hindi “friends” at  may masamang layunin na pagsa- “shopping” ng mga mabibiktima. Karamihan ng mga kriminal na ito ay mga lalaking masasabing mapoporma dahil kita naman sa mga larawan nila sa facebook. Malimit nilang gawin ang pagbukas ng kung ilang facebook account at nilalagyan ng mga larawan nilang iba-iba ang ayos ng mukha at pananamit upang hindi agad makilala sa biglang tingin. At, kapag may makitang mabibiktima ay saka magri-request ng friend, na susundan na ng ligawan kahit hindi pa personal na nagkita.

Ang iba namang gustong magyabang ng kanilang karangyaan upang inggitin ang mga kaibigan ay nagpo-post ng mga larawan ng kanilang bahay mula sa gate, garden, swimming pool kung meron, loob ng kanilang bahay, alagang mga hayop, pati collection nila ng mga alahas, damit, sapatos, bag, at iba pang mga gamit. Tanggap kasi ang katotohanan, batay sa mga survey, na marami ang nagpi-facebook upang magyabang o mang-inngit lang, at ang iba naman ay upang makaganti sa mga dating nang-api sa kanila noong sila ay mahirap pa at sa maliit na kuwarto lang nakatira.

Kung magbabakasyon naman ang mga nabanggit na nagyayabang ay kontodo post pa ng airline ticket at passport para masabing nagsasabi sila ng totoo. Sinasabi din nila kung gaano sila katagal mawawala, dahil para sa kanila, mas mahabang bakasyon, mas malaking gastos, kaya mas lalong nakakabilib ang yaman nila. Dahil sa ugaling yan, may lumalabas na mga balita tungkol sa mga bahay na nalimas ang laman nang ang buong pamilya ay nagbakasyon!

Pero kung minsan, ang kayabangan ng ilang gumagawa ng masama ang nagkakanulo sa kanila dahil sa mga post nila sa facebook. Ang isang pangyayari ay nang i-post ng isang babaeng taga-Norte ang daliring may singsing at brasong may pulseras. Ninakaw pala niya yon sa kanyang dating amo na kanyang nilayasan agad makalipas ang ilang buwan. Dahil alam ng amo na may facebook ang dating kasambahay, ang ginawa niya ay minanmanan ang facebook nito hanggang sa nai-post nga ang ninakaw na mga alahas kaya nagkaroon na siya ng batayan upang habulin ito sa probinsiya nila upang mahuli.

Ang dalawang magkaibigan namang “riding in tandem” ang istilo sa panghoholdap ay nahuli din dahil sa post nila sa facebook. Sa kuwento ng ninakawang bagong uwing seafarer, naglilinis daw siya sa labas ng kanilang gate nang dumating ang dalawang nakasakay sa motorsiklo, walang takip sa mukha ang isa at palihim na tinutukan siya ng baril habang itinutulak papasok sa bahay nila. Minamanmanan na pala ang seafarer ng kung ilang araw dahil halos araw-araw itong nagpapainom ng mga kaibigan sa bakuran nila. May kontak pala ang mga kawatang “riding in tandem” sa lugar ng biktima at nabistong may pera dahil sa halos araw-araw na pagpapainom ng mga kaibigan. Natangay ang seaman’s book ng seafarer, mga dolyar na pang-deposito sana sa bangko, bagong palit na peso, mga alahas, mga cellphone pati ng sa kasambahay nila, at dalawang laptop na isinilid sa backpack na ninakaw din.

Kaswal lang na lumabas ng gate ang dalawang magnanakaw at sa malakas na boses ay nagpaalam pa kunwari upang marinig ng mga kapitbahay. Ang mga tao naman sa bahay na pinagnakawan ay nakagapos at may mga takip sa bibig. Makalipas ang ilang araw, sa kaba-browse ng biktimang seafarer sa facebook upang maghanap ng kaibigan, may napansin siyang larawan sa isang facebook at nang busisiin niya ay napansin niyang kamukha ito ng holdaper na walang takip sa mukha. Nakita rin ng biktima ang diver’s watch niya na suot naman ng isa. Nagyayabang ang nag-post sa pagsabing nasa isang  beach resort sila sa Zambales at nagsi-celebrate. Agad  humingi ng tulong sa pulis ang biktima at hinanap ang beach resort sa Zambales na binanggit ng mga kawatan sa facebook. Ang masakit ay “ facebook friend” pa pala ng biktima ang “pointer” o “contact” ng dalawang kawatan, at nakatira ilang kanto lang mula sa kanilang bahay, kaya pati ito ay hinuli rin.



Discussion

Leave a response