Ang Bagong Sistema ng Edukasyon ng Pilipinas
Posted on Friday, 27 May 2016
Ang Bagong Sistema ng Edukasyon
Ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Nakakakuba ang mga libro ng mga bata sa
elementarya dahil sa bigat ng mga ito na kailangang dalhin araw-araw dahil
bawa’t katapusan ng tsapter ay may mga tanong batay sa mga napag-aralan. Kaya
mas angkop na tawaging “work book” ang mga ito. Pero, may magandang layunin ba
ang pagbago sa porma ng mga textbook? May magandang layunin – para pagkitaan!
Maliwanag ang dahilan na ito ay para pagkitaan ng mga tiwaling opisyal na
nakipagsabwatan sa mga suppliers. Pati junk shops kumikita dahil ang mga
librong ito na hindi na mapapakinabangan pa sa mga susunod na pasukan dahil sa
mga tanong sa bawat katapusan ng mga tsapter ay hahakutin sa kanila para ibenta
por kilo.
Dati, ang mga magulang ng mga bata na
magkakasunod ang pagtuntong sa mga antas o grado ay nakakatipid dahil namamana
ng mga nakakabatang mga kapatid ang mga librong nagamit ng mga nakakatanda
basta pag-ingatan lang, ngayon hindi. Obligado silang bumili ng mga bagong
libro o magbayad sa mga eskwelahan na siya na ring nagbebenta ng mga ito tuwing
pasukan. Bakit ang ganitong sitwasyon ay hindi maunawaan ng mga opisyal ng
kagawarang responsable? Malaking halaga ang dahilan!
Maraming librong ginagamit ngayon sa
elementarya, kaya sa halip na may matutunan ang mga bata, lalo lang nagdudulot
ng kalituhan kaya wala ring silbi. Ibig sabihin hindi makatotohanan ang sistema.
Bakit hindi tanggapin ang katotohanang ang mga magulang ang gumagawa ng mga
takdang aralin ng mga anak nila pati na mga project? Kung ang inaasahan ng mga
guro ay “follow – up instruction” itong maituturing, mali sila, dahil
kadalasan, habang nagtutuluan ang ganggamunggong pawis ng nanay sa pagsagot ng
mga tanong sa takdang aralin at paggawa ng project, ang mahal na anak naman ay
nagko-computer o di kaya ay nanonood ng TV!
Ang dagdag kalbaryo sa mga bata at mga
magulang ay ang karagdagang antas na kailangang tuntungan ng mga estudyante
pagkatapos ng Grade Six. Hindi pinakinggan ang reklamo ng mga guro na siyang
apektado, na hindi nakahanda ang sistema ng edukasyon. Una, kulang ang mga
silid aralan sa mga pampublikong paaralan, at pangalawa, walang nakahandang
kurikulum or “module”. May nakausap akong nanay na nagkwentong ang anak daw
niya ay tinuturuang mag-manicure at mag-pedicure, magamit lang ang panahon na
ginugugol nila sa paaralan.
Ang kailangan ay kagalingan sa pagtuturo na
makakamit kung may mga programa sa pagpapakadalubhasa ng mga guro at may
kaakibat na suporta ng sapat na budget, hindi dagdag na antas. Nakakalungkot
isipin na upang madagdagan ang kaalaman, may mga guro na para lang makadalo sa
mga training o seminar o makabili ng mga libro, ginagamit nila ang sarili
nilang pera. Hindi maaasahan ang budget ng mga eskwelahan dahil kadalasan,
pambili nga ng chalk ay inaabunuhan pa ng mga guro. Upang makabili ng mga walis
at iba pang gamit panlinis, nag-aambag ang mga estudyante at mga magulang.
Lumabas sa TV ang isang dokumentaryo
tungkol sa Kalayaan Island. Maganda na sana ang napanood dahil may ipinakitang
paaralan at klase ng mga estudyante pero nakakadismayang marinig sa guro na
hindi daw sila “credited” ng Kagawaran ng Edukasyon. Nguni’t dahil gusto ng
gurong ito na may matutunan ang mga anak ng mga sundalo at iba pang mga tao na
nagtiis tumira sa Kalayaan Island upang maipakita na pagmamay-ari ng Pilipinas
ang isla, tuluy-tuloy lang ang pagturo niya sa mga bata. Bakit hindi ito
inaasikaso ng Kagawaran ng Edukasyon?
Sa iba pang liblib na lugar, may mga
paaralang butas-butas na ang bubong, halos wala nang dingding. Mayroon ding mga
akala mo ay leaning Tower of Pisa ang porma dahil hindi diretso ang tayo, gawa
ng mga kung ilang bagyong humagupit. Kung interesado ang Kagawaran na makakita
ng iba’t ibang sitwasyon, maganda siguradong humingi sila ng kopya ng mga
dokumentadong report ng GMA7, ang istasyon ng TV na matiyagang gumagastos upang
maipakita at aktwal na maitala ang mga tunay na kalagayan ng mga eskwelahan sa
iba’t –ibang panig ng Pilipinas.
Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit
mahina ang pundasyong edukasyonal ng mga kabataan? Mga kahinaang madadala nila
sa paglaki nila at maging bahagi ng lipunan. May mga matatalinong bata ngunit
hindi nabibigyan ng pagkakataong ito ay malinang sa pamamagitan ng tuluy-tuloy
na pag-aaral. Ang dahilan ay kakapusan sa pera ng pamilya nila, wala silang
magawa kundi tumigil sa pag-aaral. Pinalala ito ng kawalan ng suporta mula sa
pamahalaan.
Ang mga kabataang nakakapag-aral sa
malalaking bayan at siyudad, bihira ang nakikitaan ng pagkaseryoso sa pag-aaral
dahil sa mga nakakalat ng computer shops na ang iba nga halos ilang dipa lang
ang layo sa mga paaralan. May mga batas na nagbabawal sa pagtatayo ng mga shop
na ito malapit sa mga paaralan, ngunit ano ang ginagawa ng mga lokal na
opisyal? Wala! Hindi nga nila maipasara ang mga bilyaran at beerhouses na animo
ay kapitbahay lang ng mga paaralan, computer shops pa kaya? Ano ang ginagawa ng
Kagawaran ng Edukasyon tungkol dito? Wala rin, dahil para sa kanila trabaho ito
ng mga alkalde. Ngunit kung tutuusin ang apektado ay mga estudyante na dapat
hinuhubog ng Kagawaran sa pamamagitan ng mga paaralan.
Kung may mga estudyante mang nagsisikap
matuto sa kabila ng mga problema sa sistema ng edukasyon at kahinaan sa
pagtuturo sa kanilang paaralan, iilan lang sila na maituturing na pag-asa ng
bayan. Sana bago maging huli ang lahat ay mabigyan ng kaayusan ang kasalukuyang
sistema sa edukasyon at pagtuturo na siyang inaasahan huhubog sa kasalukuyang
henerasyon ng mga kabataan. Mga ilang taon pa mula ngayon, ang mga henerasyon
na nakatamasa ng maayos na paghubog ng kanilang pagkatao ay mawawala na. Papalit
ang kasalukuyang henerasyon, nguni’t may maaasahan ba sa kanila ang ating
bansa? Nagtatanong lang.
Discussion