Ang Iba't-ibang Relasyon sa Mundo
Posted on Sunday, 1 May 2016
Ang
Iba’t-ibang Relasyon sa Mundo
Ni Apolinario Villalobos
Iba’t- ibang relasyon mayroon sa ibabaw ng
mundo…mayroong relasyon sa pagitan ng mag-asawa, mga anak, at mga kamag-anak
nila….mayroong relasyon sa pagitan ng mga bansa….mayroon ding sa pagitan ng iba’t-
ibang hayop at mga halaman…at ganoon din ng tao sa iba’t-ibang negosyo.
Ang relasyon sa pagitan ng mga tao, lalo na
sa magsing-irog ay inaasahang nakaangkla sa pagmamahalan at pagtitiwala,
subali’t nagkakaroon ng problema kung ang pagmamahalan ay bawal sa mata ng
Diyos at lipunan dahil hindi sila kasal. Sa mga halaman, ang relasyon ay may
kinalaman sa pakikipagtulungan nila sa isa’t isa, tulad ng baging na
nagpoprotekta sa mga bunga ng punong kahoy na kanilang ginagapangan laban sa
mga ibon, dahil sa lason at masamang amoy na taglay ng kanilang dahon. Sa
karagatan, may mga maliliit na isdang naglilinis ng ngipin ng mga pating at
balyena, kaya protektado sila ng mga ito basta huwag lang silang lumayo.
Pagdating naman sa relasyon ng mga bansa,
kalimitan ay may bahid ng lamangan at lokohan. Kunwari ay pinoproteksiyunan ng
malaking bansa ang maliit na kaalyado subalit ang kapalit ay sobra-sobrang
katumbas ng panlalamang. Pagdating sa kalakalan, palaging lamang ang malalaking
bansa. Ganoon din ang pagmimina ng malalaking bansa sa likas ng yaman ng
malilit na bansa. Ang sinasabing “aid” ng malalaking bansa sa maliliit na
kaalyado ay utang pala. At, kung may kusa man silang ibigay sa mga kawawang
maliliit na kaalyado na animo ay mga timawa, ang mga ito ay pinaglumaan na
tulad ng gamit pandigma, tangke, helicopter, barko, at iba pa.
Ang relasyon ng tao sa mga negosyo ay nakakaakit
dahil sa malaking kikitain. Halimbawa, upang tumuloy lang ang paglakas ng
bentahan ng mga armas na pandigma, dapat ay hindi matigil ang mga labanan sa
loob mismo ng mga bansang customer o buyer. Kapag ganito ang sitwasyon,
tuluy-tuloy ang pagbili ng mga bala at armas ng mga bansang may problema sa
terorista, kidnap-for ransom, at rebelde mula sa mga malalaking bansa na
gumagawa ng mga ito, na ang turing pa naman sana ay mga “big brother” at
inaasahang mangunguna sa mga hakbang upang magkaroon ng kapayapaan sa buong
mundo. Ang mga agawan ng teritoryo ay ginagatungan din ng malalaking bansa
upang magkaroon ng labanan upang siguradong pumatok ang negosyo nila ng mga
armas na pandigma!
Kung tahimik ang isang bansa, hihina ang
negosyo sa pag-eembalsamo o cremation. Pati mga ospital ay hihina dahil
kakaunti ang gagamuting nasaksak, nabaril, naputukan ng granada o tinamaan ng
bala o in-ambush. Kung maraming mga gamot na nagpapagaling ng sakit ang
maiimbento, kakaunti din ang maoospital at dadalang ang mamatay agad, kaya
hihina ang negosyo ng panggamot at punerarya….malamang ang ilan sa kanila ay
magsara.
Samantala, kung umabot sa sukdulan ang
galit ng mga taong inaapi dahil sa mga desisyon ng mga huwes na binayaran ng
mayamang akusado, ay hindi malayong ilalagay na lang ng mga naaapi ang hustisya
sa kanilang mga kamay. Ibig sabihin, sa halip na asahan pa ang mga ilalabas na
desisyon ng mga bayarang huwes, ang mga naaapi na lang mismo ang gagawad ng
sentensiya sa mga umapi sa kanila, kaya tuloy lang ang patayan. Kung malinaw na
kung “matamis” ang relasyon ng mayayamang kriminal sa mga bayarang huwes,
kabaligtaran naman ang relasyon ng mga tiwaling huwes sa mga naaaping
akusado…dahil wala namang kasing-pait ito!
Yan ang iba’t-ibang relasyon ng tao sa mga
pangyayari sa kanyang paligid at kapwa nilalang, at mga epekto sa kanya at sa
mundong kanyang ginagalawan…mga relasyong nakakalito!
Discussion