0

Walang Pambili ng Gamot Pero Namumutiktik sa mga Herbal Medicine ang Paligid ng Bahay

Posted on Tuesday, 31 May 2016

Walang Pambili ng Gamot Pero Namumutiktik
sa mga Herbal Medicine ang Paligid ng Bahay
ni Apolinario Villalobos

May isa akong kaibigan na namatayan ng mga miyembro ng pamilya dahil sa iba’t ibang uri ng sakit, kasama na ang kanser. Mahirap lang daw kasi sila kaya hirap sa pagbili ng gamot at walang pambayad sa doktor. Nasa bandang Montalban (Rizal) sila at bulubundukin ang tinitirhan kaya presko. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi man lang niya nalamang ang mga tanim sa paligid nila ay pwedeng pang-iwas sa mga sakit basta tuluy-tuloy lang ang pag-inom ng pinaglagaan at pagkain ng kanilang prutas. At, imposible ding hindi niya alam na ang ibang mga dahon at damong panggamot na tinitinda sa Quiapo ay galing sa Montalban.

Noong pasyalan ko siya ay panahon ng tagbunga ng mangga. Subalit dahil Indian mango ang uri, ay hindi nila pinapansin kaya ang mga nahinog sa puno ay nagkakalaglagan na lang. Ganoon din ang guyabano sa likod ng bahay nila na ang mga nalaglag na mga hinog na bunga ay nilalangaw lang. Sa tabi ng kanilang poso ay napakakapal rin ang tubo ng luyang dilaw at tanglad. Sa gilid ng maliit na kanal na dinadaluyan ng tubig galing sa poso ay makapal rin ang mga kumpol ng “lupo”, “takip-kuhol”, at ulasiman. Ang “makabuhay” namang pumupulupot sa puno ng langka ay kumapal na rin ang mga ugat na nakabitin. May alogbate sila pero ang turing nila ay pangdekorasyong halaman.

Ang mangga daw ay itinanim nang ipinanganak siya. Ang langka  at guyabano ay basta na lang itinanim ng kanyang tatay. Ang tanglad daw ay itinanim para may magamit sila kung mag-litson ng manok, at ang luyang dilaw ay basta na lang din daw itinanim ng kanyang tiyahin. Ang “makabuhay” naman daw ay itinanim upang magamit na “panglatigo” sa kanila tuwing Biyernes Santo.

Namatay daw ang nanay nila dahil tinubuan ng bukol sa bahay-bata nito. Ang nakababata naman niyang kapatid na babae ay tinubuan din ng bukol sa suso hanggang sa ito ay pumutok at na-impeksiyon na ikinamatay niya. Ang tatay naman niya ay namatay dahil sa alta-presyon. Ngayon, ang bunso nila ay hirap sa pag-ihi at pagdumi kaya lumubo na ang tiyan. Ang kaibigan ko naman ay may diabetes.


Noong madalas akong mamasyal sa kanila na halos apat na beses sa loob ng isang buwan, napansin kong ang ulam nila, kung hindi sinampalukang manok ay ginisang sardinas sa itlog at miswa, di kaya ay pata ng baboy na inadobo. Ni minsan man lang sa aking pamamasyal ay wala akong nakitang gulay na niluto nila. Ilang beses na akong nagpayo sa kanila tungkol sa mga biyaya ng mga halaman na pwedeng pang-iwas sa mga sakit, na nasa paligid lang nila at panay naman ang kanilang pagsang-ayon…yon pala ay hanggang doon lang, hindi nila ginagawa. Noong huli ko siyang pasyalan ay naghihintay ang kaibigan ko sa perang ipapadala ng kanyang anak na domestic helper sa Hongkong, upang pambili ng gamot niya sa botika sa bayan.

Discussion

Leave a response