0

Talagang Mabait ang Diyos...

Posted on Monday, 2 May 2016

Talagang Mabait ang Diyos…
Ni Apolinario Villalobos

Noon ay may nai-blog akong tin-edyer na nagpo-prosti sa Avenida upang makapag-aral, at nang malaman ng kaibigan kong mag-asawang retirado ay inampon nila upang pag-aralin. Katatanggap ko lang ng email mula sa lalaking asawa na foster father ng bata upang ibalita na tuluyang nawala ang lumalaking bukol niya sa colon. Ang prostrate naman niya ay nabawasan ang pamamaga at nakawala na siya sa warning para magkaroon ng cancer kaya hindi na itinuloy ang operasyon na dapat sana ay noong nakaraang buwan. Nawala naman ang panginginig ng kanang kamay ng kanyang misis na inakala nilang dala ng katandaan. Nakakahawak na daw ito ng mga bagay at hindi nahuhulog. Itinuturing nilang ang mga ito ang kapalit sa kabutihang ginawa nilang pag-ampon sa batang prosti.

Ang isa pang mag-asawang nai-blog ko rin at inabandona na ng mga sariling anak kaya hirap sa pagbili ng mga gamot na pang-maintenance ay nagbalita naman na unti-unting bumabalik ang loob ng mga anak nila sa kanila. Tuwing Linggo ay pinapasyalan na sila ng mga anak at apo nila upang mag-bonding sa tanghalian. Masama ang loob ng mga anak nila noon nang mag-ampon ang mag-asawa ng isang batang namumulot ng junk sa kanilang subdivision. Kung bakit daw nag-ampon pa kahit wala nang pera, kaya tinikis sila ng mga anak nila. Masipag ang bata at nakatulong pa sa mag-asawa dahil nagtanim ito ng mga gulay sa mga bakanteng lote upang makapagtinda ng talbos sa Zapote market. Dahil nakitaan ng magandang ugali ang bata ay pinangakuan siya ng tulong ng mga anak ng mag-asawa para sa kanyang pag-aaral. Noon, kahit hirap ang mag-asawa sa pera ay hindi nila pinabayaan ang bata na bandang huli ay nakatulong pa sa kanila dahil nagpatuloy pa rin ito sa pamumulot ng junks at nagtinda rin ng mga gulay mula sa kanyang mga garden.

Ang nabiyayaan naman ng maliit na halaga upang madagdagan ang niluluto niya sa maliit niyang karinderya sa Luneta, si Myrna, ay nag-ampon rin ng batang gala (street child) na pakalat-kalat sa Luneta. Sa pasukan ay magi-enroll ang bata sa isang elementary school sa Paco, sa tulong ng nakilala niyang titser dahil walang birth certificate ang bata. Samantala, pilit pa ring hinahanap ang mga magulang ng bata na hanggang ngayon ay nagsasabing ayaw nang umuwi sa kanila dahil sinasaktan siya palagi ng tatay niyang lasenggo at ng kabit nito. Ang nanay naaman daw niya ay may iba na ring asawa.

Si Imelda naman, ang babaeng “barker” sa Lawton na natagpuan ng mga kamag-anak dahil sa ginawa kong blog, ay nakatulong sa isang istambay sa lugar na yon, na gustong umuwi sa Masbate. Nilapitan ni Imelda ang isang kaibigan na taga-Masbate at pinakiusapang baka pwedeng isabay ang istambay sa pag-uwi at pumayag naman.

Ang mga nabanggit ay ilan lang sa mga patunay na hindi bulag ang Diyos…na Siya ay mabait.



Discussion

Leave a response