0

Ang Mga Pagtanggi o Denial

Posted on Friday, 20 May 2016

Ang Mga Pagtanggi o Denial 
by Apolinario Villalobos

Maraming dahilan ang pagtanggi… tulad ng pagtanggi ng isang tao tungkol sa tunay niyang pagkatao o identity para sa kanyang kaligtasan, pagtanggi sa pagdanas ng kahirapan sa nakaraan, pagtanggi sa pinaparatang na krimen, at ang hindi pagkilala sa Diyos na isang napakabigat ng pagtanggi.

May mga taong nagpapalit ng pangalan at kung minsan ay umaabot sa pagpapa-plastic surgery upang mapalitan ang mukha masiguro lang ang kanilang kaligtasan pagkatapos nilang tumayo bilang saksi upang malutas ang isang malaking kaso. Ang mga nagpipilit namang pagtakpan ang nakaraan nilang kahirapan sa buhay ay itinatanggi pa ang mga kamag-anak na mahihirap upang palabasin na sila ay galing sa mayamang angkan. May mga nagpapalit din ng apelyido upang malubos ang pagtakas nila sa maralitang nakaraan.

Matindi naman ang mga tumatanggi sa pinaparatang na krimen dahil nakasandal sila sa batas na nagsasabing hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang isang kasalanan, ang pinaparatangan ay itinuturing na inosente. Dahil dito ay nagkaroon ng bahagi sa proseso ng korte kung saan ang pinaparatangan ay gumagawa ng “plead for innocence” dahil pantay daw ang turing sa lahat ng tao, ng hustisyang sinisimbolo ng babaeng may piring sa mga mata. Ito ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mayayaman at maimpluwensiyang umupa ng magagaling na abogado upang malusutan ang ginawa nilang krimen.

Subalit ang pinakamabigat na pagtanggi ay ang tungkol sa kaalamang may isang Pinakamakapangyarihan na siyang dahilan kung bakit tayo naririto sa mundo. Para sa kanila, hindi sapat ang mga nakikita sa paligid upang patunayan ito dahil kailangan pa nila ng mga mabibigat pang mga batayan.

Lahat ng uri ng pagtanggi ay karapatan ng isang tao at wala ring karapatan ang ibang magsabi na ito ay mali. Hangga’t kaya ng isang taong makipagbalitaktakan sa paglahad ng kanyang mga paniniwala, dapat ay hayaan siya sa ganitong pagpipilit dahil ito ang patunay na siya ay may dunong o karunungan. Pero kung sa bandang huli ay napatuyang siya ay mali talaga, dapat ay tanggapin niya ito ng maluwag sa kanyang kalooban….tulad halimbawa ng pagkatalo sa eleksiyon. Sa Pilipinas kasi, malakas ang loob ng ibang kandidato sa pagtangging sila ay natalo, at sa halip ay nadaya lamang daw kahit may pruweba nang ipinapakita ang COMELEC….na sa kasamaang palad ay itinatanggi din ng iba na patas dahil sa madilim nitong nakaraan!


Asahan din ang pagtanggi ng iba na ibinoto nila ang mga opisyal na papalpak sa kanilang trabaho pagdating ng panahon! 

Discussion

Leave a response