Simpleng Tanong na Ikinahihiyang Itanong ng Iba: May Loud Speaker o Sound System na Kaya Noong Panahon ni Moses?
Posted on Thursday, 5 May 2016
Simpleng
Tanong na Ikinahiyang Itanong ng Iba:
May
Loud Speaker o Sound System
Na
Kaya Noong Panahon ni Moses?
Ni Apolinario Villalobos
Huwag sanang magalit sa akin ang makakabasa
ng titulo lang. Hindi ako namimilosopo dahil ang tanong ko ay simple at maaaring
kinahihiya lang na itanong ng ibang nagbabasa ng Bibliya dahil baka pag-isipan
silang “simple minded”…o bobo. Hindi ko rin kinokontra ang Bibliya dahil isa
ito sa pinakapaborito ko, pati Koran, Webster Dictionary, at National
Geographic.
Kaya ako nagtatanong nito ay hindi ko
maunawaan kung paanong narinig halimbawa si Moses ng libo-libong mga Israelitas
na tumakas mula sa Ehipto at naglakbay sa disyerto sa loob ng 40 taon hanggang
sa sila ay pumirmi sa “Pinangakong Lupain”. Hinati ang mga Israelita sa 12 na
tribu noong nagreklamo si Moses sa tinawag niyang “Lord”. Nahirapan siya sa
pamamahala sa kanila dahil sa katigasan ng kanilang ulo na humahantong sa
maingay na pagreklamo. Upang mabawasan ang kanyang pasanin ay pinasailalim ang
mga tribu sa kani-kanilang “prinsipe”. Subalit ito ay nangyari sa bandang
huling yugto na lang ng kanilang paglalakbay sa disyerto. Ganoon pa man, kahit
nahati na sila, malaking hindi hamak pa rin ang kanilang mga numerong
daan-daang libo. Kung sa grupo ngang wala pang isang libo ang mga miyembro ay
hindi na nagkakarinigan, paano na kung daan-daang libong katao pa?
May isinasaad sa Bibliya na gumamit daw
sila ng tambuli at bawat tribu ay may kanya-kanyang uri ng tunog nito. May mga
tunog ding naghuhudyat ng dapat nilang gawin tulad ng pagtigil sa paglakad,
pagtayo at pagbaklas ng tent nila at ng tabernakulo, pagsimula uli ng lakad,
etc., pero sapat na kaya ang tunog ng tambuli o trumpeta? Kung walang loud
speaker, gumamit kaya sila ng “message relay system”, isang sistema na pagpasa
ng mga mensahe mula sa nakarinig na nasa unahan at nagsasabi sa mga nasa likod
nila, na pinapasa naman nila sa nasa likuran nila, hanggang makarating sa mga
nasa pinakalikurang bahagi?
Kung ginabayan sila ng “pillar of fire” o
sa literal na translation ay isang animo’y “nag-aapoy na haligi” kung gabi, at
sa araw naman ay ulap na animo ay nagliliwanag….. ang mga ito kaya ang
nakatulong upang magkarinigan sila…paano?
Noong nagsalita si Hesus sa isang burol
kung saan ay nagkaroon ng milagro na pagkasya ng pagkain para sa mga
libo-libong tagasunod niya mula sa iilang piraso ng isda at tinapay, gumamit
kaya siya ng mikropono upang marinig ng lahat ang mga sinabi niya? Kung sumigaw
man siya sa pagsalita, umalingawngaw kaya ang kanyang boses kahit walang
mikropono upang marinig ng lahat?
Maraming sinasabing milagrong nangyari noong
panahon ng Bibliya na pinaniniwalaan ng mga nanalig, subalit ang tila
nakaligtaan ay ang aspeto ng komunikasyon, lalo na kung paanong magkarinigan
ang mga daan-daang libong tao kung magsalita ang kanilang mga lider at nang
panahong namahagi ng kanyang mga salita si Hesus.
Marami pa yatang sikreto sa archive ng
Vatican ang hindi pa naipapamahagi sa mga nananampalataya upang hindi masira
ang tiwala nila sa mga namumuno, lalo na sa santo papa.
Dapat nating isaalang-alang na hindi
kawalan ng tiwala o pananampalataya ang pagtatanong bagkus ito ay
nangangahulugan ng interes sa panig ng nagtatanong. Paano mo halimbawang
mamahalin ang isang tao kung hindi mo lubusang kilala ang kanyang pagkatao? O
di kaya ay, papaano mong masasabing ligtas na kainin ang isang pagkaing hindi
pamilyar sa yo kung hindi mo aalamin kung ito ba ay nakaka-allergy, or
nakaka-LBM (nakakatae o loose bowel movement), etc?
Discussion