Benjamin Surbano: "Aguado" o Taga-igib sa Gulang na 61 Taon
Posted on Sunday, 1 May 2016
Benjamin
Surbano: “Aguador” o Taga-Igib sa Gulang na 61 Taon
Ni Apolinario Villalobos
Isang Linggo, mula Baseco (Tondo) ay
naglakad uli ako papuntang Sta. Cruz. Binaybay ko ang kahabaan ng C.M. Recto
Ave. at tulad ng nakaugalian ko, bago makarating ng Avenida ay kumanan na ako
sa F. Torres upang magkape sa paborito kong kapihan sa isang bangketa. Noon ko
natiyempuhan si Benjamin (Ben) Surbano na nagbababa ng konti-container na tubig
para sa may-ari ng kapihan. Puting-puti na ang buhok ni Ben at inakala kong
nasa gulang na siya na 70-pataas, lalo pa at ang kanyang mukha ay marami na
ring gatla (wrinkles). Tinulungan ko siya sa ikalawang container dahil muntik
na siyang matumba at nang makabawi ng lakas ay hinayaan ko nang ibaba niya ang
ikatlo. Sa bawa’t container ay kumikita siya ng sampung piso para sa paghakot.
At, nang araw na yon dahil Linggo ay iilan lang ang nagpaigib.
Buong linggo ang pag-igib ni Ben ng tubig
para sa mga kostumer niya. Pagdating ng hapon ng Linggo ay umuuwi silang
mag-asawa sa Baseco (Tondo). May tatlo silang anak na ang mga gulang ay mula 19
hanggang 12 taon, lahat ay nag-aaral, at nagdidiskarte na rin para kumita. Ang
asawa naman ni Ben na si Mariel ay nagpa-parking ng mga sasakyan sa isang
maikling bahagi ng Soler St., kanto ng F. Torres, na katapat ng mga tindahan ng
mga pandekorasyon at pambahay na ilaw. Sa umaga ay nililinis ni Mariel ang
bahaging yon ng kalye upang ipakita ang kanyang pagmamalasakit sa mga may
puwesto. Kung walang nagpapa-park ng sasakyan ay nagtitiyagang magbenta si
Mariel ng ilang pirasong gadgets tulad ng maliliit na ilaw na nabibili niya sa
mga puwesto na rin pero may discount upang mapatungan pa niya ng tutubuin.
Ang isang bahagi ng sidewalk na pababang
hagdan ng isang puwesto ay nagsisilbing tulugan ng mag-asawa sa gabi. Karton
ang sinasahig nila sa semento at wala silang kulambo kundi iisang kumot.
Mayroong “sidecar” (maliit na traysikad)
ang mag-asawa subalit ito ay ninakaw, apat na araw nang nakaraan. Nagising na
lang daw sila na wala na ang “sidecar”. Ito sana ang dapat na ginagamit ni Ben
sa pag-igib ng tubig upang hindi siya nahihirapan. Subalit dahil ninakaw,
nagtitiyaga na lang siya sa hinihiram na kariton. Masuwerte kung hindi
ginagamit ng may-ari ang kariton, dahil kung magkaganoon, ay hihintayin pa ni
Ben na mabakante ito bago niya magamit at hindi niya alam kung anong oras sa
buong maghapon kaya hindi tuloy siya nakakapag-igib ng maramihan. Nagulat ako
nang sabihin ni Mariel na apat na beses na daw silang ninakawan ng “sidecar”,
kaya ang mangyayari ay pag-iipunan na naman daw nila ng kung ilang taon bago
makabili uli ng bago o second hand man lang.
Taga-Boac, Marinduque si Ben at 12 taong
gulang pa lang daw siya nang makarating sa Maynila dahil sa kahirapan ng buhay
sa probinsiya. Tulad ng iba pang galing sa probinsiya na nakipagsapalaran sa
Maynila, nakitira din muna siya sa mga kamag-anak at dumiskarte upang kumita.
Ang Baseco ay malapit sa Divisoria at basta pairalin lang ang tiyaga at
kasipagan ay hindi magugutom ang isang tao, at ito ang nangyari kay Ben
hanggang sa magka-pamilya. Upang maiba naman ang diskarte ay sinubukan nilang
makipagsapalaran sa Sta. Cruz, kaya nauwi sa pagpa-parking ng sasakyan si
Mariel at pag-iigib ng tubig si Ben. Tulad ni Ben, maliit lang din ang kinikita
ni Mariel dahil umaasa lang siya sa kusang iaabot ng mga nagpapa-park, mula
lima hanggang sampung piso, at pinakamalaki na ang dalawampung piso.
Sa kabila ng kahirapang pinagdadaanan ng
mag-asawa upang kumita sa malinis na paraan ay hindi sila nakikitaan ng pagkabagot.
Tulad ng ibang naging kaibigan ko na nasa parehong kalagayan, pinapahiwatig
nila na ang mabuhay at magkaroon ng mga anak ay maituturing nang malaking utang
na loob sa Maykapal na dapat ipagpasalamat.
Discussion