0

Pagmamahalang Walang Hanggan (para kay Linda at Gil Carolino)

Posted on Sunday, 12 February 2017

Pagmamahalang Walang Hanggan
(para kay Linda at Gil Carolino)
Ni Apolinario Villalobos

Madali ang magpakita ng pagmamahal
Napakadali ring mag-alay ng mga regalo
At ang magpahiwatig ng tinitibok ng puso
Subali’t mahirap ang tumupad ng mga pangako.

May nangangakong pipitas ng mga bituin
Nang sa kandungan ng nililiyag ay maialay
May pangakong katumbas naman ay buhay
Mga pangakong halos kanilang iwinawagayway.

Subali’t iba ang namuong pagmamahalan
Sa pagitan nina Linda at Gil na napakatibay
Katatagan nito’y ‘di nangangailangan ng suhay
Dahil nakatakda sa kapalaran nila habang buhay.

Pag-ibig na walang hanggan ang natupad
May namayapa man, ang naiwa’y nangako
Na ano man ang mangyari, hindi siya susuko
Matindi man ang sakit, iindahin ng kanyang puso!

Ang walang hanggang pag-ibig at pagmamahal
At walang katumbas na makamundong yaman
Alay ni Gil sa nag-iisang Linda upang patunayan -
Ang nakaukit sa puso niya ay kanyang pangalan!








Discussion

Leave a response