0

Si Eboy at ang Kanyang Musika (para kay Eboy Jovida)

Posted on Wednesday, 1 February 2017

 SI EBOY AT ANG KANYANG MUSIKA
(para kay Eboy Jovida)
Ni Apolinario Villalobos

Sa dami ng gustong niyang gawin
Upang maibulalas ang nasa damdamin
Musika ang piniling maging kasangkapan
Upang ang pakikibahagi ay sa kaaya-ayang paraan.

Sa pagitan ng isinulat na mga talata
Na binigyang buhay ng makukulay na nota
Nakapaloob ang mga nais niyang ipahiwatig
Umaalagwa mula sa pusong buhay ang pinipintig.

Sa pagtipa ng gitara at hihip sa pluta
Ligaya ay mababanaag sa kanyang mata
Na animo ang musika ay kanya na ring buhay
Kaya para sa kanya, ito ay hindi dapat mawalay.

Marami sanang nais niyang maibahagi
Musikang buhay na talagang katangi-tangi
Naudlot ng kapalaran, nakalaan para sa kanya
Hindi kayang iwasan dahil sa palad ay nakaguhit na!

Alaala niya, sa diwa nati’y di mawawala
Mababanaag ito sa bawa’t himig ng musika
Na naging kasingtunog na ng kanyang pangalan
Pahiwatig na kapiling natin siya magpakaylan man!

(pluta – flute)





Discussion

Leave a response