0

Ang Pagpapakasakit ni Kabungsuan Makilala

Posted on Friday, 17 February 2017

ANG PAGPAPAKASAKIT NI KABUNGSUAN MAKILALA
Ni Apolinario Villalobos

Habang buhay na lamang ba tayong magpapaubaya-
Tuwing may buhay na nalalagas, nasasayang tuwina?
Tanong ng mga mahal sa buhay…nasaan ang hustisya?
Ya’y umalingawngaw para kay  Kabungsuan Makilala!

Ilan pang Kabungsuan Makilala ang dapat mamatay?
Ilan pang bagong bayani ang sa bayan ay mag-aalay-
Ng pinag-iingatan sana niyang bigay ng Diyos na buhay-
Inalay sa bayan, subalit ito kaya’y magkaroon ng saysay?

Ilang dekada na ring naghirap ang mahal nating bayan
Sa mga ganid… sila na lubos nating  pinagkatiwalaan
Ilang dekada na ring, tiwala nati’y kanilang pinaglaruan
Kaya ang bayang Pilipinas ay luray-luray ang kapalaran!

Ano ang nangyari sa nakagisnang itinuro ng simbahan?
Anong nangyari sa mga librong natutunan sa paaralan?
Masaklap isiping sa salapi’y pinagpalit ang karangalan
Ng isang salarin na naging kasangkapan ni kamatayan!

Naghahanap pa daw ng mastermind, sa may pakana
Huwag na!...siguradong wala naman kayong makikita
Kundi mga bayarang ipinagbili ang maitim na kaluluwa
Mga fall guys at kakutsabang halang ang mga bituka!

Saan hahantong ang pagpapaubaya ng mga Pilipino-
Na sa tagal ng panaho’y nagngangalit ang mga puso?
Hanggang kaylan nila dadanasin ang hirap at siphayo
Kung magkaroon na naman ng rebolusyong panibago?


Notes: pagpapakasakit – sacrifice
             tuwina – always
             nalalagas – fell
             umalingawngaw – resounded
             ganid – selfish
             salarin – murderer
             kakutsaba- cohort

             siphayo - sorrow

Discussion

Leave a response