0

Mga Berdugo ng Sangkatauhan at Kalikasan

Posted on Tuesday, 21 February 2017

Mga Berdugo ng Sangkatauhan at Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos

Isang uri ng dugo ang nananalaytay sa ugat ng mga berdugo ng sangkatauhan at kalikasan – kulay itim na dugo ng kasakiman. Sila ang mga kurakot sa gobyerno, mga drug lords na pasimuno sa illegal na droga, mga illegal loggers at kapitalista ng minahan…mga ganid sa yaman na wala na yatang kasiyahan sukdulan mang masagasaan nila ang karapatan ng ibang tao at masira ang kalikasan.

Dahil kahit papaano ay may konsiyensiya din kuno, nagtatago sila sa likod ng maskara na abot-tenga ang ngiti para masabing may busilak silang puso. Upang makapagkunwaring sila ay maka-Diyos, may mga iskolar kuno na pinapaaral, yon pala ay kinakalabaw sa pagtrabaho sa kanilang kumpanya bilang kontraktwal na mga empleyado. Nagpapatayo din sila ng mga simbahan at namimigay ng mga donasyon tuwing may kalamidad, yon nga lang karamihan ay expired o pa-expire na kaya kailangang makain agad at kung hindi ay ibabaon ng DSW na naman sa lupa tulad ng ginawa nila sa Tacloban. Sila yong may mga “Foundation” na itinayo upang magamit lang palang pang-discount sa buwis na dapat nilang bayaran!...mga wise talaga!

Mas masahol pa sa on-the-spot na kamatayan ang dulot ng mga berdugong ito dahil unti-unti nilang pinapahirapan ang mga biktima hanggang sa hindi na makagulapay at bumigay….kung hindi dahil sa pagka-adik sa droga ay natokhang nang maging drug runner dahil ang lupang sinasaka sa probinsiyang iniwan ay kinamkam ng mga banyaga upang mapagminahan ng ginto at iba pang likas na yaman.

Sila yong nagkakalbo ng dating luntiang kagubatan, ang naghuhukay ng mga lupang nilason ng kemikal na ginamit nila sa pagmimina, na ang tagas ay dumaloy sa mga ilog hanggang sa mga baybaying dagat at pumatay sa mga isda at iba pang yamang-dagat. Sila rin yong nagko-convert ng mga dating sakahan o taniman ng palay at mais upang maging mga subdivision kaya ang bansa na dati ay isa sa mga exporter ng bigas, ngayon ay importer na lang, kaya ang halaga ay halos hindi na kayang abutin ng malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas.

Ang mga berdugong ito ay maaaring kapwa Pilipino o mga banyagang dumayo sa ating bansa, nagpundar pero ang kinita ay pinapadala naman sa pinagmulang bansa.



Discussion

Leave a response