Mga Kuwento ng Tagumpay at ang Inutil na Educational System ng Pilipinas
Posted on Tuesday, 21 February 2017
Mga Kuwento ng Tagumpay at ang Inutil na
Educational System ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Dahil sa pagputok ng balita tungkol sa
disgrasyang inabot ng mga estudyanteng patungo sana sa Tanay (Rizal),
kanya-kanya na namang hugas-kamay ang mga ahensiyang may kinalaman sa
edukasyon. Sa tindi ng pagkawalang puso ng may-ari ng eskwelahan, nagsalita pa
ang isa sa kanilang opisyal na ipagpapatuloy pa rin daw ang sinasabi nilang
leadership training. Mabuti na lang at may kumilos upang ito ay mapigilan dahil
sa tindi ng ngitngit ng mga magulang ng mga namatay, nasugatan, at mga
nakaligtas.
Wala na talagang pinagbago ang CHED at
DepEd dahil hanggang ngayon ay wala pa rin silang ginagawa upang matigil na ang
walang silbing mga field trip at kung anu-ano pang kataranduhan ng mga private
schools na hatala namang ginagamit lang para sa junket. Pwede namang gumamit ng
documentary films na kuha sa aktwal na pasilidad na gusto nilang pasyalan,
bakit hindi nila gawin? Ang sinasabi ng iba ay nakakalibre daw ang ilang titser
at opisyal ng eskwelahan sa pagsama sa mga estudyanteng gumagastos ng kung
ilang libong piso para lang “makapasa”. At ang matindi, ay ginagamit pa ito ng
ibang eskwelahan upang pagkitaan! Kung pinatigil man ang mga walang silbing
“field trips”, ito ay PANSAMANTALA na naman!
Walang silbi ang diploma sa panahong ito
dahil karamihan ng meron nito ay wagas na nagsasabing pampayabalang lang daw
naman nila, at sa pag-apply ng trabaho, bahala na daw kung may makita o wala .
May alam akong walang interes sa pag-apply kaya apat na taon mula nang
makatapos ay istambay pa rin. Kung babae naman, nagkandalosyang na sa
kapapanganak ay ni hindi man lang nakapasok maski probationary job. Ang
kailangan sa panahong ito ay tiyaga at sipag na maaaring dagdagan ng diskarte.
Yong iba ay namumuhunan lang ng laway o “sales talk”, pero kumikita….pero wala
silang diploma. Hindi nangangahulugang ayaw ko nang mag-aral o makapagtapos ng
kurso ang mga kabataan. Ang ibig kong sabihin dito ay baguhin ang pananaw
tungkol sa edukasyon at ang sistema upang hindi mahirapan ang mga estudyante at
mga magulang…hindi yong eskwelahan lang ang kumikita.
Merong mga eskwelahan na sumisingil ng
“security fee”, pero wala naman silang security guard. Ang para naman sa mga
magulang, kung hindi kaya ang gastos sa kolehiyo halimbawa, bakit hindi ipasok
ang anak sa TESDA? Ang masaklap pa dito, dahil sa K-12 program, sa halip na 4
na taon lang ang high school at pagkatapos ay pwede nang mag-vocational school
na mura, nagkaroon pa ng dagdag na gastos sa extended high school na tinawag na
“senior high school” na bukod sa mahal na tuition ay halos wala ring
napapag-aralan ang mga bata.
May isa akong kaibigan na nagkuwentong ang
nanay nila ay hanggang Grade Four ang inabot subalit naging matagumpay bilang negosyante
na ang inumpisahan ay isang maliit na sari-sari store. Lahat silang pitong
magkakapatid ay nakapagtapos ng mga matataas at mamahaling kurso tulad ng
“Engineering”. Noong nasa elementary pa daw siya, tinuturuan niya ang nanay nila
kung paano isulat ang tamang spelling ng mga pangalan ng produktong tinitinda. At,
ang nakakatuwa, madalas daw umutang sa kanila ang principal ng kanilang
eskwelahan…at lahat ng mga titser niya! Ang sabing pabiro sa kanya ng nanay
niya minsan, “….kita mo na, kung naging principal ako, hindi ko kayo napag-aral
lahat…”.
Yong isa ko pang kilala, hindi rin
nakatapos ng high school kaya nagtanim ng palay at mais at namili pa ng mga
ito, pati bigas bilang negosyo. Ngayon, may gilingan siya ng palay at mais at
dumami na rin ang mga taniman ng palay, at may international resort pa na sikat
sa internet!
Yong nakausap kong babae sa isang
karinderya sa Sta. Cruz (Manila), akala ko ay katulong, yon pala ay may-ari.
Hanggang Grade Two ang inabot subalit may karinderya pa sa Blumentritt, Cubao,
Pasay at Baclaran. Yong isa namang akala ko ay driver ng isang SUV na
mamahalin, yon pala ay mismong may-ari at ang malaking junk shop sa di-kalayuan
ay kanya….hindi rin siya nakatapos ng high school.
Masama mang sabihin, pero karamihan sa mga kabataan
ngayon ay lulong o adik sa mga gadget at barkada kaya maski simpleng report na
gagamitan ng English ay hindi magawa….at karamihan ay mayayabang pa. Makapag-submit man ng project na ni-research
daw ay kinopya pa pati tuldok (period) at kudlit (comma) sa internet. Kaya
pagkatapos gastusan ng magulang, pagkakuha ng diploma at maisabit sa dingding,
balik uli sa mga bisyo – barkada, basketball, lakwatsa, at gadgets. Ang mga
masisisi diyan ay mismong mga magulang at ang inutil na educational system ng Pilipinas!
Discussion