Ang Iba Ko Pang Escapades dahil sa Katakawan ko sa Adventure
Posted on Thursday, 29 December 2016
ANG IBA KO PANG ESCAPADES
DAHIL SA KATAKAWAN KO SA ADVENTURE
Ni Apolinario Villalobos
Ang “kagubatan” ng Maynila ay puno ng
adventure para sa mga taong matakaw dito….at isa na ako diyan. Ang ilan pa sa
mga adventure ko ay ang mga sumusunod:
- Nang pasyalan ko noon ang kababayan ko sa Dagat-dagatan, Malabon ay inabot ako ng gabi dahil nakipag-inuman pa ako. Habang nilalakad ko ang papunta sa jeepney stop, may nadaanan akong grupong nag-iinuman at ang isa ay kilala ko lang sa mukha dahil nadadaanan ko ang bahay nila tuwing pupunta ako sa kababayan ko. Mababait naman at magagalang dahil nag-alok pa, pero tinanggihan ko. Hindi pa ako nakakalayo ay nagbago ang isip ko kaya bumalik ako at nakipag-inuman na lang para ipakitang marunong akong makisama. Panay payo ang sinasabi ko sa kanila habang nag-uusap kami kung paanong kumita ng maayos. May tumayo at lumayo ng kaunti upang magsindi ng marijuana nang palihim pero dahil alam ko ang amoy ay nagalit ako kaya sinaway siya na pinagalitan nama ng iba. Sa inis ko ay pinagbawal ko na rin ang pagsigarilyo, pero hindi ko alam kong paano ko silang napasunod. Dahil pasado hatinggabi na nang maghiwalay kami ay pinaunlakan ko ang imbitasyon ng katabi kong sa kanila na matulog, Bisaya daw ang misis niya. Kinabukasan ko na lang nalaman na ang nagpatulog sa akin sa bahay niya ay lider ng Sputnik Gang sa lugar na yon at ang mga kainuman namin ay mga kasama niya na ang ilan ay inamin niyang mandurukot sa Divisoria! Mabuti na lang at hindi ako nakatay sa lugar na yon!...hindi na ako nakipag-inuman uli sa kanila, pero namamasyal na lang sa lider ng Sputnik upang mag-abot ng kaunting biyaya upang paghatian nila. Dahil sa ginawa ko ay napalapit ako sa kanila. Hindi na ako bumalik nang umalis ang kababayan kong babae dahil pinasok ang bahay nila at nasaksak silang mag-ina.
- Sa Quiapo ay may nadaanan akong parang pinagkakaguluhan. Babae palang umiiyak at nagwawala at may hawak na “blade”…nagbabantang hihiwain ang kanyang pulso habang sinisigawan ang boyfriend na nabisto niyang may asawa pala. Waitress ang babae sa di-kalayuang restaurant. Nabisto kong Bisayang Cebuana ang babae kaya naglakas-loob akong kausapin siya at sumagot naman. Nang medyo humupa na ang galit niya at parang nagsusumbong na sa akin ay nilapitan ko siya at niyakap, sabay kuha ng “blade” sa kanya na ibinigay naman. Niyaya ko siya sa restaurant na pinagtatrabahuhan niya pati ang boyfriend niyang may asawa daw. Doon ay pinagalitan ko ang lalaki at tinakot na ipapakulong kaya nagmakaawa sa akin. Kinausap ko ang amo ng babae at inihingi ng pasensiya at nakiusap na pahingahin muna ito…pumayag naman. Pinangakuan ko ang babaeng babalikan ko siya kinabukasan at ang lalaki ay napilit kong isama ako sa pamilya niyang nasa Recto lang pala, malapit sa Regina Reinte River kung saan ay may barung-barong sila. Kaya daw niya nagawang makisama sa waitress ay binibigyan siya nito ng pera na binibili naman niya ng pagkain para sa dalawa niyang anak. Kargador siya sa isang bodega ng soft drinks at maliit lang ang kita kaya nag-sideline siya ng pagko-call boy!
- Sa Sta. Cruz, tapat ng simbahan ay may nakita akong dalawang tin-edyer na parang pinipilit abutan ng isang lalaki ng bagay na nakabalot sa diyaryo. Mukhang takot ang dalawang tin-edyer kaya nilapitan ko. Pinipilit pala silang bentahan ng kausap nila ng estatwang maliit ng isang santo pero ayaw nila. Pinakiusapan ko ang nagbebenta na huwag silang pilitin pero nagalit at sinabihan akong huwag makialam. Sa inis ko ay naitulak ko siya at dahil naunahan ko siyang sindakin ay tumakbo pero tumigil at akmang babalikan kami habang kunwari ay may binubunot sa likod. Ginaya ko rin siya kaya kunwari ay parang may binubunot din ako sa back pocket ko habang patakbo kong nilapitan siya pero dahil may sindak pa rin siguro ay tumakbo na lang papunta sa Chinatown.
- Sa Libertad, Pasay ay may nakita akong parang “mag-ina”, babaeng hindi naman katandaan at isang batang babae, na lumapit sa akin upang humingi ng pamasahe dahil hindi nila inabutan ang pinuntahan daw nilang kamag-anak. Inasahan daw nila itong magbibigay ng perang pamasahe nila pauwi. Binigyan ko naman, pati pangkain nila. Lumipas ang dalawang buwan ay nakita ko na naman sila sa parehong lugar, pero gabi na noon, bandang alas nuwebe, kaya nagalit ako dahil napag-isip kong niloko lang pala ako. Galit akong lumapit sa kanila at habang nasa tabi nila ako ay pinagsabihan ko ang ibang tao sa paligid tungkol sa panloloko nila sabay sabi sa babaeng hindi ako aalis hangga’t hindi sila umaalis. Lumayo at sumakay sila sa jeep papuntang Maynila pero sumunod pa rin ako at sumakay din sa jeep at sinabihan ang mga pasahero tungkol sa raket nila. May sumakay na dalawang lalaki sa isang kanto at tumingin sa akin ng masama pero hindi ko pinansin. Ang balak ko ay alamin kung saan sila umuuwi para isumbong sa pulis. Pagdating sa tapat ng Philippine Women’s Universtity sa Taft Avenue ay bumaba ang “mag-ina” at sumunod ang dalawang lalaki, pero ang isa ay sinadyang itaas ang laylayan ng t-shirt sa likod upang ipakita ang hawakan ng kutsilyo sabay tingin sa akin. Hindi ko na sila sinundan. Madalas gawin ang raket na nabanggit ko at ang istambayan ng “mag-ina” ay palengke.
- Sa Kalaw St. naman kung saan ay maraming mga seaman na tumatambay habang nag-aaplay ng masasakyang barko ay may nakita akong lalaking “grasa” na nakadapa, gulanit ang damit at may hawak na latang lagayan ng limos. Pagapang kung kumilos siya kaya naawa ako at binigyan ko ng pera at sandwich. Ilang linggo ang nakalipas, nakita ko ang lalaking naglalakad pero ganoon pa rin ang ayos sa tapat ng Isetan-Recto at sa porma ay matino dahil naninigarilyo pa. Sinundan ko siya hanggang sa Quiapo, sa tapat ng Mercury Drug, umupo muna at unti-unti ay inayos ang sarili sa pormang nakita ko noong nasa Kalaw St. siya. Lumapit ako upang pigilan ang babaeng magbibigay sana ng limos at sinabihang nanloloko lang ang “lumpo”. Pinagbantaan kong sisipain ang “lumpo” kapag hindi siya tumayo, at ang mga taong nakiki-usyuso ay sinabihan ko kung anong uring tao siya. Ayaw pa sanang umalis pero may lumapit na pulis at sinabihan siyang, “ikaw na naman?”
Iyan ang Maynila…masaya kung may pera ka,
masalimuot at puno ng pagsubok para sa mga “curious”. More pa next time!
Discussion