0

Ang Pasko at Bagong Taon

Posted on Monday, 19 December 2016

ANG PASKO AT BAGONG TAON
Ni Apolinario Villalobos

Paulit-ulit…paulit-ulit, tuwing sasapit ang pasko at bagong taon ang pagsabi na, “tayo ay magmahalan, magbigayan, magpatawaran, at tumulong sa kapwa”. Ni wala man lang masambit na “alang-alang kay Hesus dahil birthday niya”. Para sa KARAMIHAN, ang lahat na dapat gawin ay dahil sa nakasanayan nang bahagi ng espiritwal na kultura. Ganyan din ang nangyayari pagsapit ng bagong taon na hinihintay pa para gawin ang  pagbabago. At, ang nakakalungkot, para sa KARAMIHAN, ang pasko ay kasingkahulugan ng bonus, regalo, pagkain, caroling, party, bagong damit, bagong laruan, atbp. Marami ang dumadalo sa Misa de Gallo na animo ay nagpa-fashion show…nagpapakita ng legs at cleavage.

Sa Pilipinas kung saan ay may pinakamahabang pasko dahil nagsisimula  na Setyembre pa lang, ang gawi ng mga taong masama ay ganoon pa rin. Ang mga kurakot sa gobyerno ay kurakot pa rin. Ang mga adik at pusher ay ganoon pa rin. Ang mga mandurukot at akyat-bahay ay nagnanakaw pa rin. Ang napapansin lang ay ang pagsigla ng mga negosyo ng mga kalakal lalo na ng mararangyang pagkain at laruan para sa mga bata. Ang mga may pambayad sa kuryente ay halos maglagablab ang bahay dahil sa dami ng Christmas lights.

At, nagkakaroon pa ng countdown, pati Misa de Gallo hanggang sa pagsapit ng pasko. Pero habang nagka-countdown, ang KARAMIHAN naman ay tuloy pa rin ang paggawa ng hindi maganda at hihintayin na lang daw nila ang katapusan ng Disyembre para maisama sa listahan ng New Year’s Resolution ang dapat baguhin. Ang nakalista naman, kalimitan ay nasusunod hanggang ikatlo o ikaapat na buwan lamang ng sumunod  na taon.  Ang masaklap, ILAN sa mga kabataan ay ginagamit na dahilan ang Misa de Gallo upang magkita silang magbabarkada at makapagdi-display ng bagong damit, sapatos, at iba pa. Nag-iingay sila sa pamamagitan ng malakas na halakhakan upang makakuha ng atension sa halip na pumasok sa simbahan.

Pagkalipas ng bagong taon, hindi nasunod ang pagdidiyeta…masarap kasi ang adobo, menudo, atbp. Hindi nasunod ang pagtitipid…sayang kasi kung hindi bilhin ang na-sale na handbag, damit, ang promo na tiket para sa Boracay o Hongkong. Hindi nasunod ang pagtigil sa pag-inom ng alak….nakakahiya kasi sa mga barkada kung hindi pagbigyan. Hindi nasunod ang pagtigil sa paghitit ng sigarilyo….nakakapanginig kasi at nakakalagnat kapag walang matikmang usok sa maghapon. Hindi hiniwalayan ang kabit dahil kawawa ang dalawang anak at mas masarap kasi ang luto ng kaysa tunay na asawa. Tuloy pa rin ang pangungurakot dahil ang iba ay hindi rin tumigil. At, napakarami pang ibang “nabali” na pangako!

Kung maging bahagi lang sana ng ating pagkatao ang paggawa ng kabutihan sa kapwa, hindi na kailangang maghintay pa ng pasko at bagong taon para gawin ito. Magiging “routine” na lang sa isang tao ang paggawa ng kabutihan kung mula sa paggising niya sa umaga hanggang sa nakatulog siya sa gabi ay walang bahid ng kasamaan ang kanyang mga sasabihin at ikikilos. Kung walang perang pantulong sa iba, halimbawa, huwag na lang mang- alipusta o magyabang, o di kaya manglamang ng kapwa. Huwag ding maging ganid o kamkam upang walang maapi at maghirap dahil sa epekto ng ginawa.

Ang mga binabalak na gawin tuwing pasko at bagong taon ay pwedeng gawin araw-araw. Ang regalong ibibigay, halimbawa, ay hindi kailangang materyal na bagay.  Ang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa ay walang katumbas na anumang salapi at hindi na kailangang bilhin pa…maging totoo lang sa pagmahal ay okey na. At ang pinakamahalaga, kung araw-araw ay maganda naman ang ginagawa, ibig sabihin ay wala nang dapat baguhin pagdating ng bagong taon….hindi na kailangan pang ipunin ang mga masamang ginawa sa loob ng isang taon upang ilista sa New Year’s Resolution na dapat baguhin KUNO dahil pakitang tao lang pala! Pero dapat isipin na hindi tayo ligtas sa pagmamasid ng ISANG PINAKA-MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT na tinatawag sa iba’t ibang pangalan!

Discussion

Leave a response