Salvador Caburian, Jr....."Cabu" ng Philippine Airlines
Posted on Tuesday, 6 December 2016
Salvador Caburian, Jr.
…”Cabu” ng Philippine Airlines
Ni Apolinario Villalobos
Ang unang pag-usap namin ni “Cabu” ay
nangyari noong bigyan niya ako ng Trip Pass papuntang Tablas station na first
assignment ko nang matanggap ako sa PAL. Akala ko ay istrikto siya hanggang
biruin niya ako tungkol sa unang karanasan ko sa pagsakay sa eroplano.
Nagkuwento pala sa kanya si Ludwig “Bud” Aseoche tungkol sa kung paano akong
gininaw ng todo sa flight mula Davao dahil wala akong jacket na suot noon,
kundi manipis na t-shirt lang. Si Bud ang “escort” ng mga recruit galing sa
Davao at mismong sa tabi niya ako nakaupo. Sa awa niya, ay pinagamit niya sa
akin ang suot niyang jacket. Mga fresh graduates kami noon at dahil nag-alala
rin siguro para sa amin si Mr. James Hannen na Director ng Mindanao Sales Area,
ay pinasamahan kami kay Bud Aseoche.
Nang mag-apply naman ako sa Tours and
Promotions ay kay “Cabu” ko ibinigay ang mga dokumento ko para i-submit sana
kay Mr. Vic Bernardino, pero iniwala naman niya, kaya lalong hindi ko siya
nakalimutan. Ang sama ng loob ko ay nawala nang malipat na ako sa Manila dahil
nalaman kong maawain pala siya. Ang Tours and Promotions Office ay nasa lumang
Domestic Airport, at ang Regional Office naman kung saan siya nag-oopisina ay
katapat lang ng Administrative Offices Building (AOB) na ngayon ay Data Center
Building (DCB) na. Madalas akong pumunta sa kanya para kumuha ng Trip Pass na
gagamitin sa mga biyahe ko bilang Editor ng TOPIC Magazine. May mga
pagkakataong wala akong pocket money dahil umasa lang ako sa regular per diem
na mawi-withdraw ko sa istasyon kung may nabenta nang mga tiket, kaya pinahihiram
niya ako ng kahit kaunting halaga.
Pinapayuhan din ako noon ni “Cabu” tungkol
sa mga istasyong pupuntahan ko lalo na ang mga maliliit upang makapaghanda ako
tungkol sa mga pwede kong makain. Alam kasi niyang kung isda ay hanggang sapsap
o dilis lang ako. Lalo akong napalapit sa kanya nang lumipat ang mga opisina
namin sa Vernida building 1 (Legaspi St., Greenbelt, Makati) mula sa AOB dahil
siya ang nagbibigay sa akin ng tip kung nasa mood si Mr. Paloma na pumirma ng
mga dokumentong “handcarried”, hindi na kailangan pang ilagay sa “incoming
tray”. Alam din kasi niya ang ugali kong apurado at makulit. Nang ipakita sa
akin ni Mr. Paloma ang mga na-clip na contributions ko sa mga diyaryo at
magazines, sinabi niyang si “Cabu” ang ang nagbanggit sa kanya tungkol sa mga
ito kaya inutusan niya ang secretary niyang si Bill Trinidad na palaging
mag-check sa mga sinu-supply na mga diyaryo sa office niya. May mga pagkakataon
din noong hindi ko natututukan ang mga Travel Order na dapat mapirmahan agad ni
Mr. Paloma, kaya sa kanya ko pinagbibilin, at panatag ang loob ko dahil kahit
nakauwi na ako, kinabukasan, siguradong ang mga ito ay nakapaloob na sa brown
folder at nasa ibabaw na ng mesa ko.
Si “Cabu” na Administrative Manager ang
pinaka-“kanang kamay” ni Mr. Paloma noon na Regional Vice-President naman ng
Philippines and Guam. Ang hindi ko alam ay popular din pala siya sa iba pang
opisina sa Vernida Building 1, kaya kilalang-kilala ang tandem nila ni Mr.
Paloma. Sa puntong ito, ewan ko lang kung maaalala ng pinakahuli kong boss na
si Mr. Archie Lacson, nang sabihan niya akong alalayan ko siya….ako kunwari ay
si “Cabu” at siya (Lacson) naman ay si Mr. Paloma o “Tatang”. Kapo-promote lang
ni Mr. Lacson noon bilang Regional Vice-President ng Philippines and Guam.
Dalawa kasi sila ni Mr. Dave Lim (ngayon ay Senior Vice-President), na Director
naman ng ISP ang pinagsisilbihan ko bilang Assistant. Gusto ni Mr. Lacson na sa
kanya na lang ako mag-concentrate sa pag-alalay dahil sa nadagdag na trabahong
sumasaklaw sa mga domestic stations.
Dahil sa nangyari ay nakiusap naman ako sa namayapa na naming kasama na
si Miguel Estrada na pumalit sa puwesto ko upang umalalay kay Mr. Dave Lim. Nang banggitin ni Mr. Lacson si “Cabu” ay
noon ko lalong naunawaan ang impact ng kanyang pagkatao dahil pati si Mr.
Lacson ay napabilib niya. Mula noon ay pinandigan ko na lang ang naging
tradisyong tandem nina Mr. Paloma at Mr. Caburian…na ipinagpatuloy namin ni Mr.
Lacson, at sa palagay ko ay hindi naman yata kami napahiya.
Discussion