Ang Basketball Tournament ng JPLS TODA (Barangay Real 2, Bacoor City)
Posted on Saturday, 10 December 2016
ANG BASKETBALL TOURNAMENT
NG JPLS TODA (BARANGGAY REAL 2, BACOOR
CITY)
Ni Apolinario Villalobos
Ang Justinville/Perpetual/Luzville/Silver
Homes Tricycle Operators and Drivers Association (JPLS TODA) ay nagsikap na
magdaos ng simpleng basketball tournament sa abot ng makakaya nito. Hindi sila
gaanong nangalap ng mga donasyon, maliban na lang sa mga tropeo. Ang kaunting
pagkain at mineral water ay gastos ng mga miyembro at opisyal. Ang bayad naman sa
professional na mga referee ay may malaking discount. Nakatulong din ng malaki
ang basketball court ng Silver Homes 1 na walang bubong at libreng nagamit. Nagtiis
man sa init ng araw ay enjoy pa rin ang mga team na naglaro sa elimination rounds
dahil idinaos sa hapon kung kaylan
matumal ang biyahe. Ang championship game lang ang idinaos sa gabi ng Sabado,
December 12 upang malaman kung alin sa natirang tatlong team na “White”, “Green”,
at “Blue” ang magiging champion. Inabot din ng apat na Sabado at Linggong
palaro o mahigit isang buwan, bago umabot sa araw ng championship na paglalabanan
ng nasabing tatlong team.
Nakakamangha ang pagkamasigasig ng mga
organizers at mga miyembro dahil sa kabila ng halos walang pahinga nilang
biyahe na kung minsan ay inaabot ng gabi ay pinilit nilang maidaos ang
tournament. At, sa kabila pa rin ito ng
pinagkasyang budget. Pagpapakita nila ito ng kanilang tapat na
pakikipagtulungan sa programa ng lokal na pamahalaang lunsod ng Bacoor na sa
ngayon ay nasa pamamahala ni mayor Lani Mercardo-Revilla. Ang nasabing programa
ay idinaan sa Barangay Real 2 na nasa pamamahala naman ni Kapitan BJ Aganus. Sagot
din ng samahan ang tournament sa panawagan ng bagong presidente, Rodrigo
Duterte na gamitin ang libreng panahon sa mga bagay na makabuluhan sa halip na sa
droga.
Tulad ng mga drayber ng jeep at bus, silang
mga traysikel naman ang minamaneho ay hindi rin ligtas sa mga hinalang
gumagamit ng shabu dahil sa paniwalang nakakatulong ito upang makatagal daw
sila sa puyatan. Totoo man o hindi, ang mahalaga ay pinapatunayan ng asosasyon
na wala ni isa mang adik sa kanila o talamak ang pagkagumon sa nasabing bisyo.
Wala ni isa mang kasong may nawalan ng katinuan mula sa kanilang hanay dahil sa
droga, tulad ng mga nababalitaang nangyayari sa ibang lugar.
Ang mga opisyal ng JPLS TODA ay sina, Danny
Sagenes (Presidente); Freddie Casil (Bise-Presidente); Davis Sagenes (Kalihim);
Rolly Guevarra (Ingat-yaman). Si Danny Sagenes ay nakaka-siyam nang taon bilang
presidente dahil nakitaan siya ng sigasig na ang hangad ay maisulong ang
kasiyahan at kapakanan ng mga miyembro. Bukod sa tournament, nagdadaos din ang
samahan ng Christmas party kung kaya ng budget mula sa buwanang ambag ng mga
miyembro dahil sa mga bibilhing pagkain at regalong ipapa-raffle. At, dahil
maganda ang kanilang layunin, kalimitan ay may mga homeowners na nagkukusang
magbigay ng donasyon. Hindi rin nawawala ang donasyon mula sa barangay at
pamahalaang lunsod ng Bacoor.
Ang mga ginagawa ng samahan ay ikinatutuwa
naman ng mga homeowners ng barangay Real 2 na panatag ang nararamdaman…taliwas
sa mga nangyayari sa ibang barangay kung saan ay atubili ang mga umuuwi ng
dis-oras ng gabi at sumasakay sa traysikel.
Discussion