0

Ang Mga Pagsubok sa Buhay ng mga Pilipino

Posted on Tuesday, 20 December 2016

ANG MGA PAGSUBOK SA BUHAY NG MGA PILIPINO
Ni Apolinario Villalobos

Noong unang panahong saklaw ng Bibliya, gumamit ng mga pagano ang kinikilalang Panginoon ng mga “Piniling Nilalang” (Chosen People), upang mabuksan ang kanilang isip. Pinadanas sa kanila ang maraming uri ng paghihirap dahil sa ginawa nilang pagsuway ng Kanyang mga utos. Ang mga pangyayari ay hindi nalalayo sa mga nangyayari sa Pilipinas. May mga pangyayari at mga tao ring ginagamit ang kinikilalang Panginoon ng mga Pilipino upang magkaroon sila ng leksiyon, tulad ng mga sumusunod:

  • Paggamit ng kahirapan mula sa kamay ng mga korap na mga opisyal sa gobyerno. Dahil diyan, lalong umigting ang pananampalataya ng mga Katoliko, kaya noon, mistulang ginamit si Marcos upang magpahirap sa mga Pilipino, hanggang sa may lumutang na isang Cardinal Sin na nagbigay sa kanila ng inspirasyon. Subalit nasayang ang pagkakataong pinagkaloob ng People Power dahil makalipas ang ilang administrasyon, mula nang bumagsak ang Martial Law ay lalo pang namayagpag ang corruption dahil ang mga Pilipino ay hindi nagbago. Ibinoto pa rin ang mga tiwali, kapalit ang ilang pirasong perang papel.

  • Sa pag-usad ng panahon, unti-unting lumaki ang problema sa droga na mistula ding ginamit ng Panginoon upang magpahirap pa rin sa mga Pilipino. Nagdatingan ang mga dayuhang drug lords na nagtayo pa ng mga laboratoryo sa paggawa ng shabu. Subalit sa kabila ng mga nakikita na sa paligid na pagdami ng mga drug addict at drug pusher, HALOS WALANG MAGAWA ang gobyerno dahil mismong mga ahensiya at opisyal na dapat magpatupad ng batas ay sangkot na rin, pati mga mambabatas at insititusyon tulad ng Bilibid na dapat sana ay ginagamit sa pagbabago ng mga nahuli. Pati ang ilang mga magulang ay adik na rin kaya nakikisalo sa mga anak na adik kung suminghot ng shabu. Sa kabuuhan ay tila walang pakialam ang mga Pilipino, lalo na ang mga kaya sa buhay dahil hindi naman sila nabibiktima, at lalung-lalo na ang mga “moralista” na walang kibo. Ang problema sa droga, mga adik, drug lords at drug laboratories ay pagpapakita ng mga naipong pagkakamali pero hindi pa rin pinansin.

  • Nagkaroon ng presidente, si Duterte, na nagkalakas ng loob upang sagupain ang bisyo ng droga at korapsyon, pero may mga taong sakim sa pulitika at makasarili, lalo na ang mga “moralista” kuno na pumipigil sa kanya. Kaya sa kabila ng mga ginagawa niya para sa pagbabago at kabutihan sana ng lahat, may mga pumapanig pa rin sa mga pinatay na kriminal sa ngalan ng mga batas kuno, na puro naman may butas dahil gawa lang din ng mga mambabatas na tiwali. Ang mga “moralista” kuno ay pumanig pa sa mga pinatay na mga kriminal sa halip na mga biktima nila.

Samantala, ang mga sumusunod ay mga hudyat na nagpapakitang dapat ay lalo pa nating pag-isipan ang kalagayan nating mga Pilipino sa panahon ngayon:

  • Ang pagkabisto ng pakikiapid ni de Lima sa lalaking may asawa. Dapat ay maisip natin na pwede palang gawin ng isang kapita-pitagang abogadang senadora ang karumal-dumal na pakikipagrelasyon na nabanggit, kaya siguradong marami pang mga mambabatas na may kahalintulad na ginawa, subalit dahil hindi maingay tulad ni de Lima, ay hindi napapansin.

  • Ang pagtuturuan ng mga sangkot sa droga – mga kilalang drug lord at kakutsaba nila sa gobyerno. Dapat ay maisip natin na TOTOO PALA ANG ISYU SA PAGKALAT NG DROGA NA NABISTO LANG DAHIL KAY DUTERTE, AT HINDI TSISMIS.

  • Ang anomalya sa Bureau of Immigrations tungkol sa big- time illegal casino operator na si Lam. Dapat ay maisip natin na hindi malayong mangyaring nagkakaroon din ng big time na suhulan at kutsabahan sa iba pang ahensiya lalo na sa Bureau of Customs na noon pa man ay kinikilala nang isa sa nuknukan ng pagkakorap na ahensiya dahil sa mga nabistong big time smuggling….at, paano na iba pang mga ahensiya? Kaylan tuluyang ibubunyag ang kanilang mga katiwalian?

  • Ang mga anomalya tungkol sa illegal na paggamit ng pork barrel at mga karumal-dumal na mga krimen tulad ng Maguindanao Massacre na inuupuan pa rin ng mga mababagal kumilos na mga opisyal…at dahil sa kakapalan ng mukha ay kapit-tuko pa rin sa mga puwesto.

Kaylan magkakaroon ng talagang mapagkakatiwalaang tauhan ang presidente, dahil kahit ang mga niluklok niya ay unti-unti nang nagpapakita ng tunay na kulay at kalamyaan?


Kaylan tayo magbabago, lalo na ang mga pumipigil ng mga hakbang tungo sa pagbabago? Hihintayin ba nilang sila mismo ay maging biktima na rin ng mga kriminal?

Discussion

Leave a response