Si Jomong...scavenger na may ginintuang puso
Posted on Friday, 2 December 2016
SI JOMONG…scavenger na may ginintuang puso
Ni Apolinario Villalobos
Una kong nakita si Jomong sa F. Torres
mahigit sampung taon na ang nakaraan. Malinis at maayos pa ang kanyang
pananamit at ang buhok na hindi pa gaanong mahaba ay nakapungos na. Parang napadayo
lang siya noon upang magbenta ng relos at pilak. Madalas din siyang ngumiti
noon habang nakikipagtawaran. Subalit makalipas ang ilang taon ay unti-unti na
siyang naging madungis, yon pala ay sa bangketa na siya natutulog. At, nitong
mga araw ay may kariton na rin siya kung saan ay nakatambak ang mga gamit
niyang dala niya saan ma siya pumunta.
Nang umagang nagkakape ako sa isang
bangketa ay nakita ko si Jomong na tumutulong sa pagbukas ng puwesto ng isang
sidewalk vendor. Pagkatapos ay nagwalis siya sa kalsada kaya makalipas lang ang
halos isang oras ay malinis na ang bahaging yon ng F. Torres St.
Hindi na masyadong nagsasalita si Jomong at
halos hindi na rin ngumingiti, pero dahil namumukhaan na niya ako ay malakas
ang loob kong tanungin ko siya tungkol sa kanyang pinanggalingan. Nabanggit
lang niya ang isang lugar sa Zambales at dahil hindi ko sigurado ang pagbaybay
ay hindi ko na lang isusulat. Sa kabila ng katipiran niya sa pagsagot ng mga
tanong ko ay nalaman kong wala siyang naiwang pamilya sa probinsiya.
Nagbakasakali lang daw siya sa Maynia pero kahit naging palaboy dahil hindi
sinuwerte ay hindi na siya bumalik sa probinsiya.
Kumikita siya sa pamumulot ng mga kalakal
sa basurahan na nabebenta sa junk shop. Ang madalas niyang tulugan ay ang
bangketa sa Avenida dahil hindi gaanong istrikto ang mga guwardiya doon.
Napansin kong totoo nga dahil tuwing dadaan ako sa madaling araw sa Avenida ay
nakikita ko ang mga helera ng mga natutulog na mga “babaeng Avenida” na ang
tawag ko ay “mga hamog” dahil para silang dew drops na nakikita sa mga bangketa
pagdating ng umaga sa paglipas ng malamig na magdamag.
Isang umagang dumaan uli ako sa
tinatambayan ni Jomong ay natiyempuhan ko siyang nagpapakain ng isang batang
babae na sa tantiya ko ay dalawang taon gulang, anak daw ng babaeng nagtitinda
ng “buraot” o junk items sa bangketang yon. Ipinagbilin sa kanya ang bata dahil
titingin lang ito sa basurahan ng isang popular na nagtitinda ng sandwich at
baka may makitang pwedeng pang-almusal nilang mag-ina. Bumili siya ng pan de
sal at kape para sa kanila ng bata mula sa kinita niya sa pagbenta ng kalakal
(junks). Bumili na rin ako ng kape ko at ibinili ng Milo at ilang balot ng
biscuit ang bata na pwedeng itabi para sa tanghali.
Habang nagkakape kami, tinanong ko siya
kung may balak pa siyang umuwi sa probinsiya, ang sabi niya ay “oo”…kaya ang
sabi ko sa kanya ay may pag-uusapan kami sa susunod naming pagkikita dahil
balak ko ring kausapin ang ina ng bata.
Discussion