Ang Batas
Posted on Thursday, 8 December 2016
ANG BATAS
Ni Apolinario Villalobos
Tulad ng sinabi ko sa mga nauna kong blogs,
sa sarili kong pananaw WALANG BATAS NA
PATAS PARA SA LAHAT, at kasama na diyan ang mga batas ng ibang bansa na
sumasaklaw sa ibang bansa…ibig sabihin, batas nilang MAY PAKIALAM sa ibang
bansa. Nadanasan yan ng Pilipinas mula sa Amerika kung saan nilitis si Marcos,
at hindi sa Pilipinas, kaya hanggang sa ibalik ang bangkay ni Marcos ay walang
kasong naihain laban sa kanya sa Pilipinas. Paanong kakasuhan ang isang
bangkay? Kapabayaan yan ng mga administrasyong humawak sa gobyerno na pumalit
sa pinairal na Martial Law ni Marcos. Noong nilitis sa America si Marcos ay
first time na gumamit sa korte nila ng “TRO” (temporary restraining order) na
palasak o pangkaraniwang ginagamit sa Pilipinas. Pagpapakita lang ito na sa
Amerika ay diretso at walang liku-liko, walang delay ang paglilitis kaya
mabilis ang paghatol, hindi tulad sa Pilipinas na lahat ng paraan upang
magkaroon ng delay ay ginagamit, lalo na ang TRO ay ginagamit….YAN ANG BATAS SA
PILIPINAS!
Pagbalik ng
demokrasya kuno pagkatapos ng Martial Law, nagkapatung-patong uli ang
mga katiwalian dahil sa mga kapabayaan at pagkamakasarili at pagkagahaman ng
mga tiwali sa gobyerno na nagkanya-kanya sa pangungurakot. Hindi namalayang nalilimas
na pala ang kaban ng bayan at ang droga ay kalat na sa buong bansa. Mahina ang
hustisya at naglitawan ang magagaling na abogado kaya mahirap patunayan ang mga
kasalanan ng mga tiwali. Ang dahilan?...hangga’t hindi napatunayan sa korte ang
kasalanan, inosente ang mga mambabatas, opisyal, at mga empleyadong
pinagbibintangan…YAN ANG BATAS!
Sa Samar, sa tagal ng panahon ay nagtiis
ang mga nasasakupan ni mayor Espinosa at ng kanyang anak na si Kerwin. Masama man ang loob lalo na ang mga buhay pa
na naging biktima at mga kaanak ng mga namatay na mga biktima ay walang magawa
kundi manahimik dahil pader ang mababangga nila. Naglabasan ang mga text ng mapatay ang
matandang Espinosa sa loob ng kulungan, at nagsasabing totoo nga na drug lords
sila. Pero sa korte ay hindi ito pwedeng gamitin kung hindi magsasalita ang mga
testigo mismo. Kung totoo man, ang konsuwelo na lang ay patay na ang isa sa
kanila, pero ang isa ay buhay pa at may mga binabayaran pang mga tauhan sa
Samar. Kung sasabihin ng detractors na hindi makatarungan ang pagpakatay kay
mayor Espinosa na kilalang sangkot sa droga, ang tanong ko: makatarungan ba ang
pagpakalat niya ng droga? Samantala, ang buhay na si Kerwin, kung hindi mismo
umaming drug lord siya, may magkakalakas-loob bang tumayo laban sa kanya sa
korte kung saan siya dapat patunayang guilty?...YAN ANG BATAS!
Nang mangyari ang kalunus-lunos na
Maguindanao Massacre, sa kabila ng pagdagsa ng mga witness sa korte laban sa
mga Ampatuan, AYAW pa rin ng huwes na sila ay patawan ng parusa dahil
hinihintay pa ang ibang sangkot na HINAHANAP PA UPANG DAKPIN, class suit daw
kasi kaya nabinbin ang kaso at inabot ng siyam-siyam. Ang mga taong nadedehado dahil sa hindi patas
na mga batas ay kailangang magsakripisyo at tanggapin ang katotohanang yan,
lalo pa at may kasabihan sa Ingles na, “you cannot please everybody”….YAN ANG
BATAS!
Ang mga nangurakot na mga mambatatas at mga
sinasabing involved sa maling paggamit ng pondo nila, sa kabila ng
kawing-kawing na ebidensiya ay hindi man lang nakasuhan dahil sa mga
“technicalities”. May nakulong man pero
hindi pa convicted ay nangyari dahil sa pulitika. “Technicalities” din ang
binabanggit upang maabsuwelto sa kanilang kaso ang ang mga mayayamang suspek na kayang magbayad
ng magagaling na abogado. Ganyan din ang nangyayari sa mga holdaper at drug
pusher na may mga financier at protector na dapat ay nagpapatupad ng
batas…palaging absuwelto dahil sa “technicalities”… YAN ANG BATAS!
Ang “pinsan” ng “technicalities” ay “due
process” na palaging binabanggit ng mga human rights advocates dahil NAAAWA
sila sa namamatay na mga drug lords at drug addicts na kalaunan ay naging drug
pusher…mga asal-hayop na nawalan ng katinuan kaya hindi maituturing na tao.
PERO HINDI NAMAN NAMAN NAISIP NG MGA HUMAN RIGHTS ADVOCATES NA ITO ANG KAPAKANAN NG MGA INOSENTENG BIKTIMA.
Nakailang dekada na at ilang presidente na ang sinasabi nilang “due
process”…may nangyari ba? Lalo pang lumala ang kriminalidad dahil nagkaroon ng
dahilan o palusot ang mga kriminal para sila maabsuwelto. Kung ipipilit naman
nila na dapat ay igalang ang “justice system”…ilang dekada na bang nirespeto
ito magmula ng kasarinlan ang Pilipinas mula sa America, pero may nangyari
ba?...WALA!
Ngayon, ang mga detractors ni Duterte ay
nagpipilit na siya ang promotor ng extra-judicial killings. Sa mga rally yan
ang sigaw. Yan din ang sinasabi ng mga taga-media na bumabatikos sa kanya. Ang
hamon ni Duterte…patunayan nila sa korte dahil…. YAN ANG BATAS!
Discussion