0

Ang Kaibigan kong Nahimasmasan at Nagbago nang Masupalpal Ko

Posted on Friday, 16 December 2016

ANG KAIBIGAN KONG NAHIMASMASAN
AT NAGBAGO NANG MASUPALPAL KO
Ni Apolinario Villalobos

Nagkaroon ako ng isang kaibigan dahil sa pagsusulat ko sa internet. Follower ko siya nang mahigit isang taon na ngayon pero ibang sites ko ang binubuksan, wala kasing facebook dahil “wa klas” (walang class) daw itong site. Mayaman kasi kaya matapobre. Pero nang sabihan ko siyang tatlong grupo ang kakonek ko sa facebook, tulad ng mga kababayan at dating classmates, mga kasama dati sa PAL at mga kaibigan nila, at mga taga-ibang bansa na nakakonekta sa pamamagitan ng email ko, tumahimik siya…yan ang una kong pagsupalpal sa kanya.

Ang pangalawa kong pagsupalpal ay nang murahin niya ang driver niyang mas nakakatanda sa amin, sa harap ko pa. Na-late lang ng ilang minuto ang driver na tumae muna dahil sa naramdamang LBM, nagalit na ang kaibigan ko kahit pa sinabihan ko siyang hindi naman kami nagmamadali. Nakakausap ko ang driver at naidaing niya na hindi lang siya ang madalas bulyawan kundi pati ang misis at mga pamangkin nito. Nagulat ako dahil bukod sa maganda ay mabait pa ang misis na mas bata sa kaibigan ko ng 20 taon. Ang mga pamangkin naman ay masisipag at seryoso sa pag-aaral. Pinagyayabang pa niya na “napulot” lang daw niya sa isang night club noon ang kanyang misis na nagbigay sa kanya ng 4 na magagandang anak, puro babae at matatalino pa.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon ay kinausap ko siya nang masinsinan. Malakas ang loob ko dahil madalas siyang komunsulta sa akin tungkol sa mga tauhan niya sa negosyo. Higit sa lahat ay ako rin ang gumawa ng mga kailangang dokumento para makapag-apply siya ng negosyo, mula sa pagkaroon ng pangalan nito hanggang sa incorporation. Diretsahan ko siyang sinabihang baguhin ang ugali niya at pabiro ko pang dinugtungan na huwag niyang gayahin ang pagmumura ko. Medyo kinabahan siya nang sabihan kong may mga nangyayaring mismong mga kadugong inaapi ay pumapapatay sa nang-aapi kapag sila ay napuno na. At dahil uso ang kinapping, sinabihan ko siyang baka “ibenta” siya ng mga taong inaalipusta niya, sa sindikato ng mga kidnapper. Lalo siyang nabahala nang sabihan ko siyang artistahin ang misis niya at sa edad na wala pang 30 taon ay baka layasan siya! Ang kaibigan ko kasi ay halos 50 taon na at ang mukha ay yong sinasabing nanay lang ang makakapagyabang….pero ubod ng yaman naman.

Nang sumunod na punta ko sa kanya dahil sa kanyang pakiusap ay nauna ako sa bahay nila. Naipit siya sa trapik mula sa Makati kung saan ang office niya na ayaw kong puntahan dahil sa trapik kaya sa ancestral house nila ako pumupunta sa Pasay. Ang sumalubong sa akin ay ang driver at pinagyabang ang bagong Seiko diver’s watch na ibinigay sa kanya ng kaibigan ko. Habang nagkakape ako, ang misis naman ay nagkuwento na maglilibot daw ang buong pamilya sa ASEAN countries bago magbagong taon at uuwi kalagitnaan na ng Enero…kasama ang dalawang pamangkin niya. Maiiwan ang driver at pamilya nito upang may bantay sa bahay pero pwede nilang gamitin ang van sa pamamasyal. Desisyon daw ng mister niya ang lahat.

Nang dumating ang kaibigan ko, halos naubos ko na ang pangalawang mug ng kape. Nagmadali itong nagbihis ng damit pangkalye- puruntong shorts, ukay na t-shirt na bigay ko noon, walang relos at singsing at naka-tsinelas. Samahan ko daw siya sa gumagawa ng mg kariton sa Bambang at Baseco. Sumakay kami sa LRT-Libertad, bumaba sa Recto at nag-commute na papunta sa dalawang destinasyon. Mula sa Bambang ay pumunta pa kami sa F. Torres, malapit sa Arranque, at dahil hindi pa kami nakapananghali, kumain kami sa puwesto ng lola ni “Pango” ang nai-blog ko noon kaya nakilala din niya. Isinama ko siya sa Lawton kung saan kami nagpahinga ng mga kasama ko (“gang of four”), at nagpilit pang pumunta kami sa Luneta upang hanapin ang manikurista na nai-blog ko rin na nakita namin sa tambayan ng mga seaman at may inaasikasong kostumer.

Habang nag-aabang kami ng jeep na masasakyan papunta sa Libertad, Pasay, nagpasalamat siya sa mg “pamasko” ko sa kanya. Nagturo lang ako sa itaas bilang sagot at nag-high five kami, sabay tawa, pero napansin kong nagpahid siya ng mga mata. Alam kong mababasa niya ito dahil ipinaalam ko sa kanya upang maging inspirasyon siya ng ibang matapobre na hindi pa nagbabago.

(Ang salitang “matapobre” ay hango sa salitang Kastila. Ang “mata” ay death at ang “pobre” ay poor, kaya para sa akin ang taong matapobre ay pumapatay ng mahihirap, sa pamamagitan ng pag-apak ng kanilang pagkatao.)



Discussion

Leave a response