0

Ang Kawalan ng Disiplina sa mga Kalye ng Pilipinas at Mga Panukalang Hindi Naipapatupad ng Maayos

Posted on Sunday, 31 January 2016

Ang Kawalan ng Disiplina sa mga Kalye ng Pilipinas
at Mga Panukalang Hindi Naipapatupad ng Maayos
Ni Apolinario Villalobos

Lahat ng gumagamit ng kalye ay dapat disiplinado, subalit dahil sa kawalan ng tiyaga, at ugaling palusot ng karamihan sa mga Pilipino, maya’t maya na lang ang mga napapabalitang disgrasya – nabundol na pedestrian, bumaligtad na sasakyan, nagbanggaang mga kotse o trak, nabanggang motorsiklo, at ang pinakamatindi ay bugubugan o patayan ng ayaw magbigayang driver…pati ang alagad ng batas na nagpapatupad ng mga patakaran ay sinasapok din ng mga mayayabang na driver. Sa panig naman ng mga nagpapatupad, nandiyang sila ay pinaparatangang nangongotong!

Ang problema naman kasi sa mga gumagawa ng plano ng kalye ay hindi iniisip ang kanilang ginagawa. Ang mga pedestrian overpass ay napakalayo sa mga nakasanayan nang babaan ng mga tao, kaya kaysa mag-overpass pa na kalahating kilometro ang layo sa isang waiting shed, nagbabakasakali na lang ang mga apuradong mananawid sa animo ay pakikipag-patintero sa mga motorista habang tumatawid sa kalsada. Noong panahon ni Cory Aquino ay nagsulputang parang kabute ang mga waiting shed na halatang pinagkitaan ng mga tiwaling kongresista at senador dahil ang karamihan sa mga pahingahang ito ay nagkakahalaga ng isang milyon.  Kung saan saan na lang sila inilagay, basta maibalandra lang ang pangalan ng mga tiwaling opisyal na ito na nag-donate daw, ganoong pera ng bayang pinagkurakutan naman ang malinaw na ginamit . Makaraan ang ilang taon, pinagbawal na ang pag-abang ng mga sasakyan sa mga overpass na ito at wala man lang directional sign kung saan dapat mag-abang ang mga pasahero. Na-expose pa sila sa init at ulan…samantalang ang mga korap na mga kumitang opisyal ay abot-tenga ang ngisi dahil sa laki ng mga nakurakot.

Sa panahon ngayon, nauso ang paggamit ng motorsiklo, kaya nagpasiklab ang noon ay pinuno ng MMDA na si Tolentino sa pagtalaga ng mga “motorcycle lanes” sa iilang lugar. Subalit dahil matigas ang ulo ng mga nagmamaneho ng mga motosiklo ay hindi rin ito nasunod dahil tuloy pa rin ang animo ay ahas na palusot-lusot nila sa trapiko. Bandang huli, ang mga lanes na ito ay nawala. Naglagay din ng yellow lane para sa mga pampasaherong bus, subalit dahil ayaw pumila ng karamihan ng mga bus driver na nag-uunahan sa pagdampot ng pasahero ay hindi rin ito nasunod. Maliit lang din ang multa kaya malakas ang loob ng mga bus driver na sumuway.

Naglagay ng mga plastic barrier sa mga main road tulad ng EDSA, at tulad ng dapat asahan, dahil sa ugali ng karamihan sa mga Pilipino na reklamador, ay tila nabuhusan ng malamig na tubig ang proyekto. Ang matindi pa, tinatanggal ng mga sira- ulong motorista ang mga barrier kung walang traffic enforcer na nagbabantay lalo na sa dis-oras ng gabi. Ganito rin ang nangyari sa pagsara ng ibang U-turn slots upang tumuloy-tuloy sana ang takbo ng mga sasakyan at upang mapigilang makasagabal ang mga lumilikong sasakyan sa daloy ng trapiko. Inereklamo ito ng mga motoristang nagmamadali at ang gusto ay mag U-turn agad sa unang butas na makikita.

Malinaw na kahit anong batas –trapiko ay hindi maipapatupad ng maayos sa Pilipinas, maliban na lang sa loob ng Subic Business and Commercial Center na dating US base sa Olongapo. Ang napapansin pa ay may mga Pilipino na kahit nangungupahan lang ng kuwarto ay may sariling kotse, kaya ang ginagamit nilang garahe ay kalye. Yong mga nakatira sa subdivision na “row housing” ang tinitirhan na walang garahe ay ganoon din ang siste – sa kalsada ang paradahan kaya ang masikip na kalyeng pinagpipilitang two-way ay naging one-way. Yong mga nasa subdivision pa rin nakatira subalit sa “single detached” na bahay nakatira o simpleng bungalow kaya may garahe pero para sa iisang sasakyan lang, ay gumagamit din ng kalye para sa pangalawa at pangatlong sasakyan na nakuha sa hulugan nang napakamura. Sa halagang thirty thousand pesos kasi ay may pang-down payment na at ang buwanang hulog ay ten thousand lang, kaya maski call center agent o ordinaryong empleyado ay kaya nang bumili ng kotse.

May panukala noon pa mang panahon ni Marcos tungkol sa pag-kontrol ng pagbili ng mga sasakyan subalit hindi na ito naipapatupad ng maayos. At may mga batas ding ginawa para sa mga paggamit ng motorsiklo, subalit ganoon din ang nangyayari – walang maayos na pagpapatupad.

Ang tanong ko….yon nga lang simpleng non-smoking sa mga public transportation lalo na sa mga jeepney ay hindi tinutupad ng mga driver at pasahero, at lalong hindi naipapatupad ng mga pulis-trapiko, ang mga patakaran pa kaya upang lumuwag ang trapiko at maiwasan ang mga sakuna? ….only in the Philippines yan!



Discussion

Leave a response