0

Dialogue namin ng isang Makulit na "Kaibigan" tungkol sa Blogging...(ito ang sagot kung bakit may mga nagba-blog)

Posted on Tuesday, 5 January 2016

Dialogue namin ng isang Makulit na “Kaibigan”
Tungkol sa Blogging
(ito ang sagot kung bakit may mga nagba-blog)
Ni Apolinario Villalobos

Ang nakaganda sa ginagawa kong pagba-blog ay nai-exercise nito ang utak ko upang hindi agad ako maging ulyanin. Hindi ko kasi kaya ang mga larong “candy crusher” at crossword puzzle sa cellphone o computer. Ang mga disadvantages naman ay ang pagbalik ng sakit kong carpal tunnel syndrome (CTS) na sanhi ng pamamanhid ng mga daliri ko, pagtaas ng blood pressure kung ang isinusulat ko ay tungkol sa pulitika, at ang pag-isipan akong kumikita sa mga sinusulat ko dahil akala ng iba ay bayaran ako ng ilang pulitiko na may gustong siraing kapwa pulitiko.

Ang sumusunod ay dialogue namin ng isang makulit na ay maurirat pa, na akala ko ay isang matalinong “kaibigan”. Naganap ang pag-uusap namin sa kapihan ng isang mall:

Makulit:   Pare, balita ko namumutiktik na ang internet sa blog mo.  Nakakainggit ka.

Ako:   Eh, di magsulat ka rin.

Makulit:   Hindi ko kaya, eh. At alam mo namang hindi ako nag-iinternet o nagpi-facebook. Kaya yon ngang sinasabing pagbukas man lang ng computer sa bahay ay hindi ko alam. Mga anak ko lang ang gumagamit noon. Si Misis nga eh, galit din sa computer. (Naalala kong binanggit nga niya ito noon, kaya mabuti na lang din dahil kung may facebook siya, hindi ko ito maiba-blog).

Ako:   Eh, di huwag ka na lang maiinggit sa akin dahil marami ka namang ginagawang pinagkikitaan. Sobrang yaman mo na nga, eh. Sana ay marami ka pang kitain. Pasalamat ka sa Diyos dahil sa grasya.

Makulit:   (medyo napangiwi, pagkarinig ng “Diyos”) Siyanga pala, pare, ang sabi nila pinagkikitaan din ang pag-blog. Yong iba alam kong binabayaran upang manira ng ibang tao. (Muntik na akong mabilaukan ng kape sa huling sinabi niya, dahil kulang na lang ay sabihin niyang bayaran ako.)

Ako:   Yong iba siguro. Sa kaso ko naman, wala akong pinipili dahil basta may mali, pinupuna ko at hindi paninira yon dahil ang ang sini-share ko ay alam na rin naman ng iba, pero sinasarili lang nila. Hindi ko naman kayang ipunin sa dibdib ang mga dapat kong i-share dahil baka sumabog ako sa sobrang himutok.

Makulit:   Paano ang gastos mo sa blogging?

Ako:   Mga oras lang yon na nagamit naman sa tama. At least hindi ako basta nakatunganga lang o nangungulit. (Paramdam ang huli kong sinabi upang sana ay tumigil na siya, pero tuloy pa rin.)

Makulit:   May banta ka na ba sa buhay?

Ako:   Secret. Pero mas malaking banta sa buhay ko ang pagtaas ng blood pressure dahil sa mga taong walang alam gawin kundi mangulit sa akin kaya naiinis ako. (Hindi pa rin niya naramdaman ang pagtumbok na ginawa ko dahil tuloy pa rin siya sa pangungulit.)

Makulit:   I-share mo naman yong tungkol sa mga project mo sa mga iskwater.

Ako:   Huwag na. Pero kung magdo-donate ka o tutulong sa pagpapa-aral ng mga bata, marami kang malalaman.

Makulit:   (Tumahimik siya sandali nang marinig ang mga salitang “donate” at “tulong”). Good luck na lang sa mga project mo, pare.

Ako:   (Nakakita ako ng pagkakataong mangulit naman sa kanya.) Hindi pare. Palagay ko bilang kababayang Pilipino dapat tumulong ka rin sa kapwa mo, mabawasan man lang ang “dirty money” mo. (Mabuti na lang hindi naintindihan kung ano ang ibig kong sabihin sa “dirty money”, dahil alam kong may mga illegal siyang transaction kaya biglang yumaman. Akala niya sa “dirty money” ay okey dahil siya ay tinawag ko noong “filthy rich” na okey lang ang ibig sabihin, ganoong sa Pilipino, ito ay katumbas ng “maruming mayaman”.)

Makulit:   Next time na lang pare, at good luck uli sa mga ginagawa mo sa mga iskwater. Siyanga pala, si Misis nasa supermarket sa ibaba, pupuntahan ko baka tapos na siyang mamili. Usap na lang tayo uli. (Dali-daling siyang tumayo.)

Ako:   Teka pare, ano nga pala ang itatanong mo?

Makulit:   Text ko na lang sa iyo.

Nagpasalamat ako sa huling pag-uusap namin ng “kaibigan” ko dahil nabisto kong allergic pala siya sa salitang “donate” o tulong, kaya sa susunod, sa simula pa lang ng usapan namin ay pariringgan ko na siya ng mga ganoong salita.

Paalala lang sa makakabasa na ang blogging ay hindi palaging pinagkikitaan. Ito ay sakripisyo sa panig ng nagba-blog lalo na kung ang sinusulat niya ay tungkol sa maling nagaganap sa paligid, kaya hindi dapat pag-isipan na ang taong maraming blogs ay marami ding pera. Ang mga nagbaba-blog ay mahilig lang talagang makibahagi ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng pagsusulat ng sanaysay, kuwento o tula. Huwag ding akalaing mayabang ang mga bloggers, dahil kung tutuusin, namemeligro pa nga ang kanilang buhay lalo na kung tungkol sa pulitika ang kanilang sinusulat. Pero bilang dagdag-kaalaman, kumikita lamang ang mga blogger kung papasukan ng advertisements ang kanilang sites, na kalimitan ay tungkol sa fashion, shopping, cooking, travel , sports, at makabagong gadgets. Ang mga blogs ko ay hindi tungkol sa mga nabanggit na paksa.

Discussion

Leave a response