0

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang Commission on Human Rights?

Posted on Monday, 4 January 2016

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang
Commission on Human Rights?
Ni Apolinario Villalobos

Personally, wala pa akong nalamang may ginawang kapaki-pakinabang ang Commission on Human Rights (CHR). Ang napansin ko pa, kung may isyung matunog, saka ito pumapapel upang makisalo sa interes ng madla…yon bang gigitna din sa eksena upang masapol ng limelight at mga camera.

Nabahaw na lang ang isyu sa masaker ng 44 na miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao, ay hindi man lang naringgan ng pahayag ang Komisyon na ito. Dahil kaya nananantiya at tila maraming masasagasaan lalo na ang Presidente? Kahit pa sinabing may mga kakasuhan daw na kung ilan ang  DOJ – mga sundalo at mga rebelde, subali’t, ano naman ang ginawa ng CHR?

Nabaon  na lang din sa kalimot ang Maguindanao Massacre ay wala ring narinig na maski paswit o matinis na sipol man lamang mula sa Komisyon na ito. Ang mga Ampatuan ay tila maaambunan ng grasya, kaya ang iba ay nakapag-piyansa na, at napapansin na rin ang kaluwagan sa kanila. Ano pa ang aasahan ng mga mahal sa buhay ng mga biktima kung ganito rin lang ang mangyayari? Wala bang “human rights” ang mga biktima at mga naghihinagpis na mahal nila sa buhay?

Ang mga iskwater na inilipat sa mga relocation sites na wala naman palang mga pasilidad na kailangan upang mabuhay ng maayos ay lalo pang naghirap, kaya ang iba ay nagsibalikan sa lunsod kung saan ay may mapupulot na basura upang ibenta…at upang may maipambili ng pagkain. Hindi ba “human rights” ang mabuhay kahit sa paraang isang kahig isang tuka? Hanggang tungkol lang ba sa mga bagay na may kinalaman sa pagpatay ang pakikialaman ng Komisyon na ito?

Ang mga Badjao at mga nagra-rugby na mga kabataang nagkalat sa kalye at bangketa, bakit hindi pakialaman ng CHR, ganoong nakita namang inutil din pala ang Department of Social Welfare pagdating sa bagay na ito? Hindi pakikialam kung sumawsaw ang Commission on Human Rights sa mga gawaing para sa mga tinukoy na mga taong dapat tulungan, kundi isang “pakikipagtulungan” sa mga ahensiyang dapat ay may direktang responsibilidad tulad ng Department of Social Welfare at mga local government units. Bakit hindi inspeksiyunin ng Komisyon na ito ang mga rehabilitation facilities ng mga local government units para sa mga kabataan? Baka ang iba ay wala pa ngang maayos na pansamantalang tirahan ng mga kabataan, kaya ang  “social welfare office” ng ibang local government units ay hanggang referral lang, kahit may malaking budget naman!

Ang mga biktima ng mga illegal na recruiters, bakit hindi asikasuhin ng CHR, lalo pa at hindi pa sila miyembro ng OWWA? Ang mga nabibiktimang OFW sa ibang bansa, bakit ayaw pakialaman ng CHR sa tulong ng kanilang international counterpart? Akala ko ba, bawa’t bansa ay may Commission on Human Rights. Bakit hindi sila naririnig tuwing may dumadaing na mga Pilipinong OFW na pinagmalupitan ng mga amo nila sa ibang bansa? Ang mga hindi makauwi dahil tumakas lang sa pagmamalupit ng mga amo kaya nagbebenta ng laman upang makaipon ng pamasahe…bakit hindi tulungan ng CHR?


Pagdating ng panahon, siguradong mababanggit  sa mga pahina ng kasaysayan ng bansang Pilipinas, na minsan ay may pangulong nagtalaga ng mga tao sa Commission on Human Rights, sa ilalim ng kanyang administrasyon, pero wala palang nagawa…

Discussion

Leave a response