0

Ang Kawawang Kalagayan ng Maraming Pensiyonado ng Social Security System (SSS) ng Pilipinas

Posted on Thursday, 14 January 2016

Ang Kawawang Kalagayan ng Maraming Pensiyonado
ng Social Security System (SSS) ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Kawawa talaga ang kalagayan ng karamihan sa mga pensiyonado ng Social Security System (SSS) ng Pilipinas. Sa isang banda, ang hindi kawawa ay ang mga dati nang may kaya sa buhay bago nagtrabaho at ang mga namuno sa SSS mismo na milyon-milyon ang sweldo. Ayon sa balita, ang SSS ay may 7 Senior Vice-Presidents at 16 Vice-Presidents. Ang mga sweldo at bonus nila ay milyon-milyon din daw, pati ang mga allowances na kasama ang gastusin para sa mga alagang hayop o pet at grocery. Wala ring aalalahaning problema sa pensiyon ang mga kurakot na opisyal ng gobyerno dahil kapag nag-retire na ay siguradong milyon-milyon  na rin ang naipon nila na kayang ipamana maski sa mga apo sa tuhod.

Samantala, ang mga nag-retire nang mga miyembro ng SSS ay nagtitiis sa barya-baryang pensiyon. Nauunawaan naman ang sistemang binabatay ang pensiyon sa buwanang naiambag ng miyembro, kaya mayroong nagpepensiyon ng minimum na mahigit lang ng kaunti sa isang libo kada buwan dahil sa ikli ng panahon ng pag-ambag at kaunting halagang naiambag. May iba pang batayan sa pagminuta o pag-compute ng pensiyon kaya lumalabas na ang iba, kahit ang dating trabaho ay foreman ng mga kargador sa pantalan ay mahigit sampung libo ang pensiyon kung ihambing sa ibang manager na mahigit lang sa 7,000 pesos.  Ang masakit nga lang ay ang katotohanang nagpabaya ang SSS sa paglikom ng mga naiambag ng mga empleyado na kinaltas ng kanila-kanilang switik na mga employer kaya hindi lumalago ang pondo upang maging batayan sa pagpalaki rin ng pensiyon ng mga retirado. Kadalasan din, ang mga aktibo pa sa trabaho ay hindi rin malapag-loan dahil hindi nire-remit ng kanilang switik na employer ang kanilang contribution. Ayon sa balita ay wala pang 40% ang pinakahuling nalikom ng ahensiya batay sa kabuuhan ng mga miyembro, na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 31milyon.

Nangangamba daw ang SSS dahil pagdating ng 2029 ay maaapektuhan ang pondo kung ibibigay sa 2milyong pensiyonado ang 2 libong pisong dagdag sa bawat pensiyon kada buwan kaya hindi inaprubahan ni Pnoy Aquino. Ayon naman sa gumawa ng panukala sa Kongreso na si Cong. Colmenares, dapat nga raw ang minimum na pensiyon ngayon ng retiradong miyembro ay 7,000 pesos. Marami daw namang paraan upang mahabol ang pagpalago ng pondo nito, tulad ng nabanggit nang  pagpapa-ibayo pa sa paglikom ng mga ambag, at pag-streamline o pagbawas ng mga “top-level managers” na malamang ay nagkakapareho o nag-ooverlap  ang mga responsibilidad. At lalong higit ay ang pagbawas ng mga nakakalula nilang allowances at mga bonus!

Sa Pilipinas, ang mga retirado ay hindi nabibigyan ng pagkakataong maging empleyado pagtuntong ng ika-60 na taong gulang. Ang may gulang na 40 nga ay itinuturing nang “overaged” ng ilang employers. May iilang nai-extend ang trabaho subalit hindi na regular ang status nila kundi “Consultant” hanggang umabot sa gulang na 65, kaya ang turing sa suweldo nila ay “Consultancy fee” na wala na ring benepisyo tulad ng allowances na kung tawagin ay “perks”. Ito yong mga nasa “senior management level” na ang saklaw ay mula manager hanggang Senior Vice-president, pero ang mga performance bago mag-retire ay namumukod-tangi, o yong may mga dating responsibilidad na napakahalahaga sa pagpapatakbo ng negosyo o opisina. Ang mga nasa supervisory at rank-and-file level naman ay napakanipis ang pag-asang ma-extend bilang “Consultant”. Ang matindi pa, malimit ay hindi agad naibibigay ang retirement o separation pay kaya ang pag-follow up lang at pamasahe ay problema din. Dahil sa mga nabanggit, pagkatanggap ng separation pay o pensiyon ay makakaltasan na agad ng pambayad sa mga inutang na pamasahe at panggastos sa pamilya nang panahong nagpa-follow up ang nag-retire!

May nakausap akong retirado na ang ginagawa ay hinahati ang tabletang gamot na nireseta ng doktor upang tumagal kaysa naman daw mawalan siya ng maiinom dahil hindi kasya ang kanyang pensiyong pambili. Ang iba naman ay hindi na komukunsulta sa doktor kahit masama ang pakiramdam dahil mababawasan ang badyet na pambili ng pagkain. Ang iba pa ay dalawang beses na lang kumakain sa isang araw, at sa halip na isaing ang bigas ay nilulugaw na lang. Nang tanungin ko kung bakit minimum lang ang pensiyon nila, ang sagot sa akin ay dahil hindi permanente ang trabaho nila noon, mabuti nga daw at nakumpleto pa nila ang pag-ambag sa SSS hanggang sa sila ay mag-retire. Hindi naman daw sila nagkulang ng pagpursige sa paghanap ng trabaho subalit talagang wala daw silang makita noong kalakasan pa nila. May mga retirado akong nakausap na nagsabing kapag namamasyal sila sa park o mall ay may bitbit silang mga shopping bag na malaki o backpack para lagyan ng mga junks na mapupulot, lalo na plastic na bote ng mineral water o lata ng soft drinks dahil kahit papaano ang maliit na kita sa mga ito ay nakakatulong din.

Sa mga mauunlad na bansa, kahit malaki  ang kaltas sa suweldo ng mga empleyado para sa buwis at ambag sa social security ay sigurado naman ang mga benepisyo nila dahi ang pagpapa-ospital, gamot, at pagpapa-aral sa mga anak ay libre. Ang ibang hindi gaanong maunlad na bansa naman ay maliit ang kinakaltas sa suweldo para sa buwis at social security, na ang pinakamalaki ay hindi umaabot sa 20%, subalit magaganda pa rin ang kanilang mga benepisyo. Sa Pilipinas naman, ang kinakaltas sa suweldo ng mga empleyado ay mahigit 30% subalit wala halos katumbas na matinong benepisyo. Ito yata ang sinasabi ng pangulo ng bansang si Benigno S. Aquino III na “matuwid na daan”….at saan naman patungo?....sa pagkagutom?

Mahirap talagang magkaroon ng presidenteng hindi nakadanas ng kahirapan sa buhay. Ang problema sa pensiyon ng SSS ay dumaan din sa ilalim ng nakaraang mga administrasyon, at lalong lumala sa panahon ni Pnoy Aquino ngayon. Kung sa halip na puro sisi ang ginagawa niya sa nakaraang administrasyon ay nagpakasipag na lang siya bilang presidente, sana kahit kapiraso ay may maipagpasalamat sa kanya ang mga Pilipino.


Discussion

Leave a response