Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio
Posted on Monday, 18 January 2016
Ang
Barbero sa Liwasang Bonifacio
Ni Apolinario Villalobos
Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang
matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto
Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok.
Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal”
na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na
napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya
napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong
naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang
tindahan o di kaya mga murang gamit.
“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa
akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya
rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga
nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa
halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na
ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,
sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety
shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto
malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng
kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang
guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot
kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.
Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa
pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa
kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na
niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit
ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya
para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay
natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang
resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto
na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa
kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.
Labing- anim na taong gulang siya nang
mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng
kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa
palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta
nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa
maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki
ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.
Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero
upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula
noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na
nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang
makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating
sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid
nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para
mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na
karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng
tutong.
Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa
Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa
Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok
upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at
panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay
maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula,
barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may
maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at
naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya
ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili
na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga
istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na
nilalatag niya araw-araw.
Biniro ko siya na hindi lang siya barbero
kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa
probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa
rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang
kanyang nanay.
Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill
na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit
dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o
palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure
at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat
ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.
Discussion