0

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Posted on Monday, 25 January 2016

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa
Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)
Ni Apolinario Villalobos

Sa pagsalita ni Pnoy Aquino sa anibersaryo ng pagpatay sa SAF44 ngayong araw, 25 ng Enero, ay kung ano-ano na namang matulaing kataga ang binitwan niya. Kaylan kaya titigil ang presidente sa ganitong gawain na bistado namang puro buladas lang? Hindi makakalimutan ang mga binitiwan niyang mga pangako lalo na ang “tuwid na daan”, noong nangangampanya pa lang siya, hanggang sa siya ay umupo na. Pati ang mga “pangako” para sa mga pamilya ng mga pinatay na SAF44 ay hindi pinatawad ni Pnoy dahil sa mga bulilyaso na naman.

Ayon sa tatay ng isang pinatay na SAF, iilan lang sa mga pinangakong benepisyo ang kanilang natanggap. Ang pabahay ay maliit at nasa isang liblib na panig ng Laguna at hindi mararating kung walang sariling sasakyan. Ang isang benepisyo para sa dependent ay tahasang sinabi ng pamunuan ng PNP na hindi pwedeng ibigay dahil lampas na sa minimum na gulang ang tinutukoy na dependent, subalit sana ito ay ginawang exemption na lang, dahil gagamitin sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon…subalit hindi nangyari, sa kabila ng pangako ni Pnoy.

Hindi makalimutan ang hindi niya pagsalubong nang dumating ang mga labi ng SAF44, pagkatapos ay sasabihin niyang dadalhin daw niya hanggang sa hukay ang sakit na dulot ng nangyari na gusto pa niyang ituring na isang “insidente” lamang, at hindi “masaker”? Dahil sa kasanayan na niyang magbigkas ng mga kasinungalingan, akala niya lahat ng mga sinasabi niya ay totoo….napaniwala niya ang sarili sa ganito. Subalit hindi tanga ang taong bayan upang paniwalaan ang mga sinasabi niya.

Upang mabawasan ang bigat ng kanyang mga pagkukulang bilang presidente ay panay paninisi ang ginagawa sa nakaraan administrasyon ni Gloria Arroyo na nagpamana daw sa kanya ng mga kapalpakan. Bakit hindi na lang niya ituwid kung may mali at punan kung may kakulangan, sa halip na siya ay magdadakdak na hindi gawain ng isang lalaking tao, lalo pa at ayon sa kanya ay  “ama” siya ng sambayanang Pilipino? Ang salitang “ama” ay nanggaling din sa kanya dahil sa kahiligan yata niya sa tula, subalit hanggang turing na lang ito, dahil hindi nga niya pinapakinggan ang kanyang mga “boss” na taong bayan, ang bago na namang turing na “ama” pa kaya? Hindi lang tahasang pagbibingi-bingihan ang kanyang ginagawa, kundi pati na rin ang pagbubulag-bulagan, at lalo pa ang pagmamaang-maangan kaya marami tuloy ang nagtatanong kung may presidente ba ngayon ang Pilipinas.


Ang pinakamagandang magagawa ni Pnoy upang makabawi sa mga kahihiyan ay huwag nang mangako at bawasan ang paggamit ng mga matalinghagang salita sa kanyang mga talumpati. May panahon pa naman siya upang mabago kahit kapiraso ang pagtingin sa kanya ng sambayanang Pilipino at makakuha uli ng respeto…yan ay kung pakikinggan niya ang mga matitino niyang taga-payo, lalo na ang mga “boss” niya.

Discussion

Leave a response