Beverly Padua: Nakakabilib dahil Nakakabenta sa Internet kahit Cellphone lang ang Gamit
Posted on Tuesday, 12 January 2016
Beverly
Padua: Nakakabilib Dahil Nakakabenta sa Internet
Kahit
Cellphone lang ang Gamit
Ni Apolinario Villalobos
Meet Beverly or Bevs na nakakapagbenta sa
internet kahit walang laptop, i-Pad o desktop computer dahil ang gamit lang ay
isang simpleng smart phone. Nakakagulat, dahil sa pagkakaalam ko, ang mga
on-line sellers ay umaasa sa malalaking computer na kanilang tinututukan sa
loob ng 24/7, hangga’t maaari. Nang una kong makita ang shop site niya ay
bumilib na ako dahil sa linis ng
pagkagawa, hindi kalat o magulo kaya hindi nakakalito. Ginawa rin pala niya ito
gamit lang ang simple niyang cellphone.
Panganay siya sa kanilang magkakapatid at
ulila na sila sa ina. Ang tatay naman nila ay sakitin kaya silang magkakapatid
na kumikita kahit papaano ang nag-aambagan upang makaraos ang pang-araw araw
nilang pangangailangan. Kahit madalas silang kapusin sa budget ay dinadaan nila
sa matinding pagtitipid ang lahat upang masambot ang kanilang pangangailangan
lalo na ang mga gamot ng kanilang tatay.
Single mom din siya. Wala siyang hinanakit
sa ama ng kanyang anak kahit na ito ay may iba nang pamilya. Kahit sa hinagap
ay hindi niya naisip ang maghabol o magalit sa dating asawa, bagkus ay dinadaan
na lamang niya sa pagsisikap ang lahat
upang mapalaki nang maayos ang nag-iisang anak na naging inspirasyon
niya sa buhay. Sa kabila ng lahat ay hindi natinag ang kanyang malakas na
pananalig sa Diyos, at sa halip ay tinutumbasan na lamang niya ng pagpapaubaya,
dahil ayon sa kanya, darating din sa tamang panahon ang taong talagang nakalaan
para makasama niya habang buhay.
Hindi siya nariringgan ng kahit kaunting
hinagpis kahit may mga pangangailangan din siya para sa kanyang kalusugan
bilang isang diabetic. Ilang beses na rin siyang sinumpong nang matindi dala ng
kanyang sakit subalit lahat ay kayang nalampasan, kaya ang ginagawa na lamang
niya ay pag-ibayuhin pa ang pag-iingat upang hindi siya atakehin uli.
Masidhi ang pananampalataya ni Bevs sa
kapangyaarihan ng Diyos dahil ilang beses na rin daw niya itong napatunayan.
Noong nakaraang taon kung kaylan patung-patong ang pangangailangan nila sa pera
ay saka naman humina ang bentahan, subalit hindi siya nagpakita ng pagkainis,
sa halip ay tinanggap na lang ang sa tingin niya ay isang pagsubok. Totoo ang
kanyang naramdaman dahil nitong nakaraang mga araw ay nagsunud-sunod naman ang
pagpasok ng mga order sa kanya.
Kahit ang dapat sana’y kailangan niyang
i-Pad lamang upang lumaki kahit bahagya ang screen na kanyang tinututukan ay
ipinagkikibit na lamang niya ng balikat. Hindi daw priority ito, kaya bibili na
lamang siya kapag may ekstra siyang naipon dahil ang mahalaga ay ang
pangangailangan ng kanyang anak, isa pang kapatid na nag-aaral, at amang
nangangailangan ng mga gamot.
Hindi siya nawawalan ng lakas kahit halos
magdamag kung tumutok siya sa cellphone sa paghintay ng papasok na order dahil
kapag pinalampas ng kahit ilang minuto lang na hindi nasagot agad, ay lilipat
na sa ibang online shopping site ang browser. At, ang sikreto daw niya sa
pagkakaroon ng lakas ay ang tiwala sa Diyos na nasa likod lang niya.
Magandang halimbawa si Bevs sa mga
nagsisikap kahit maraming kakulangan dahil kahit simpleng smart phone lang ang
gamit ay kumikita, hindi tulad ng iba na nakikipag-text at tsismisan lang sa
mga barkada, ang gusto ay mamahaling cellphone o i-Pad pa, at kung hindi
mapagbigyan ay magtatampo sa mga magulang o di kaya ay lalayas, at kung asawa
naman ay magdadabog na humahantong kung minsan sa pagpapabaya ng mga obligasyon
bilang asawa at ina.
Discussion