0

Ryan Natividad: 14 years old Pa Lang, Factory Worker Na, Ngayon ay may Sariling Negosyo

Posted on Monday, 18 January 2016

Ryan Natividad: 14 years old Pa Lang,
Factory Worker Na, Ngayon ay may sariling Negosyo
Ni Apolinario Villalobos

Noon pa man ay interesado na akong magsulat tungkol sa mga naglalako ng mga gamit na naglilibot saan mang lugar dahil nagustuhan ko ang kanilang pagtitiyaga na magandang halimbawa sa iba na ang gusto ay kumita agad ng milyon-milyon sa negosyo.

Nang makita ko ang isang grupo na kumakain noon sa karinderya malapit sa amin, nagulat ako nang tawagin ng isa sa kanila na “boss” ang kasama nila na sa tingin ko ay parang college student lang. Nakita ko rin ang mga nilalako nilang power tools tulad ng barena. Sa kahihintay ko ng tamang panahon upang makausap ng masinsinan ang tinawag na “boss” ay saka naman sila umalis sa dating tinitirhan. Mabuti na lang at makalipas ang ilang buwan ay natiyempuhan ko ang taong gusto kong kausapin sa isang karinderya na nadaanan ko.

Siya si Ryan Natividad, 26 taong gulang at may isang anak na 8 taong gulang, kasal kay Sienna Javier, at sila ay taga-Bulacan. Sa katitinda ng mga power tolls ay napadako ang grupo niya sa Cavite.

Galing siya sa isang broken family dahil grade six pa lang daw siya ay naghiwalay na ang kanyang mga magulang at siya ay napapunta sa kalinga ng kanyang nanay. Dahil sa kahirapan ng buhay, 14 taong gulang pa lang daw siya ay napasabak na siya ng trabaho sa iba’t ibang pagawaan o factory. Hindi rin siya nakatapos ng high school, kaya nang nagkaroon ng pagkakataon kalaunan ay pinasukan na rin niya ang negosyong kalye o ambulant vending sa gulang na 19 taon. Noon niya natutunan ang pagbenta ng mga power tools at kahit papaano ay nakakapag-ipon pa siya.

Sa gulang na 23 taon, naisipan niyang mamuhunan upang lumaki ang kayang kita kaya humiram siya ng 30 libong piso sa kanyang nanay upang maipandagdag sa naipon na niya. Nang lumago ng kaunti ang kanyang negosyo ay kumuha na siya ng ilang tauhan. Sa loob ng tatlong taon ay nadagdagan pa ang kanyang mga kalakal kaya ngayon, ay may apat na siyang tauhan. Nakatira sila sa isang studio type na apartment sa Bacoor City at sinusuyod nila ang mga kalapit na lunsod at bayan sa paglako ng power tools.

Sa gulang na 26 taon, nakakabilib si Ryan dahil may sarili na siyang negosyo na nagsimula sa mahigit lang sa halagang 30 libong piso. Paano na lang kaya kung ang puhunan niya ay mahigit 100 libong piso na sa tingin ng ibag tao ay “barya lang”? Sa uri ng kanyang pagsisikap, baka hindi lang apat na tao ang kanyang natulungan!

May mga seafarers at OFWs na tuwing magbabakasyon ay hindi bumababa sa 50 libong piso ang cash na nahahawakan at yong iba pa nga ay mahigit 100 libong piso. Subalit sa ilang araw pa lang nilang pagbabakasyon ay ubos na dahil sa walang pakundangang paggastos. At, kung wala nang madukot ay ang mga ipinundar na gamit naman ang binibenta, hanggang bandang huli ay uutang na. Madalas pa itong nagreresulta sa away-asawa lalo pa kung maluho ang misis. Karamihan sa mga ito ay hindi nakakaisip na mumuhunan sa isang negosyo upang maaasahan kung sakaling may mangyaring hindi maganda tulad ng pagkatanggal sa trabaho, o di kaya ay upang may “mapaglibangan” man lang para sa karagdagang kita ng mister, ang misis na naiiwan sa Pilipinas.

Kaylan kaya mag-uugaling Ryan ang mga uri ng taong nabanggit ko?




Discussion

Leave a response