Hindi Dapat Isipin ng Ibang Mga Pari na Tanga ang Lahat ng Mga Katoliko
Posted on Sunday, 10 January 2016
Hindi
Dapat Isipin ng ibang mga Pari na Tanga
Ang Lahat
ng Mga Katoliko
Ni Apolinario Villalobos
Akala ng ibang pari, dahil nakapag-aral
sila ng mga salita ng Diyos at ng kasaysayan ng simbahang Katoliko sa loob ng
kung ilang taon habang nakakulong sa seminaryo, ay sila lang ang may kaalaman
sa mga ganitong bagay kaya kung umasta
sila ay aakalain mong sila lang talaga ang mga pinagpala ng Diyos dahil sa
kanilang kaalaman.
Ang katotohanan ay marami ang tumitiwalag
sa simbahang Romano Katoliko dahil naliwanagan sila pagkatapos malaman ang mga
kahihiyang pilit itinatago ng Vatican, lalo na ang mga makabagong nakakadiring
kasalanan ng ibang pari. Tanga ang mga paring ito kung hindi nila mauunawaan
ang tulong na naibibigay ng makabagong teknolohiya sa mga Katolikong nakakakuha
ng impormasyon sa internet.
Baka mas marami pang alam ang ibang
ordinaryong Katoliko tungkol sa kasaysayan ng simbahang Romano Katoliko na
hindi pa alam ng karamihan sa mga pari, kaya hindi sila dapat magyabang. Ang
dapat gawin sana ng mga kaparian sa panahong ito ay magpakatotoo, magpakabait,
magpakumbaba, maging tulad ni Hesus sa ugali, upang kahit papaano ay maipakita
nila na ang pagkakamaling nangyari sa nakaraang panahon ay hindi na mauulit pa
sa kasalukuyan. Pero ano ang kanilang ginagawa? Mas higit pang kahihiyan ang
ibinibigay sa simbahang Romano Katoliko kaya ang bagong santo papa ay parang
sirang plaka sa paulit-ulit nitong pagpapaalala sa kanilang mga responsibilidad
at obligasyon. Kulang na lang ay murahin sila!
Kung may “pinapatakbo” o mina-manage na
parukya ang isang pari, dapat ay magpakita ito ng propesyonalismo dahil ang
isang parukya ay isang komunidad na nangangailangan din ng “proper and
intelligent management”. Hindi dapat gamiting dahilan ang pagka-ispiritwal ng
simbahan upang siya ay makapagdikta o magpasunod ng kanyang kagustuhan dahil
gusto lang niyang maipakita na siya ang “lider”. Kung ganyan ang ugali niya,
aba eh, bumabalik siya sa panahon ni Padre Damaso noong panahon ng Kastila!
Wala siyang karapatang mamuno ng isang lokal na simbahang Katoliko ngayon na
sirang-sira na ang reputasyon, dahil sa halip na nakakatulong siya upang
makapagbago man lang kahit kapiranggot, lalo pa niyang binabahiran ng putik ang
imahe nito.
Dapat pasalamatan ng santo papa ang mga
maliliit na religious organizations sa lahat ng komunidad na siyang sumasalo at
nagtatakip sa pagkakamali ng kanilang parish priest. Dahil maganda ang
ipinapakita ng mga religious organizations hindi masyadong nahahalata ang mga
kamalasaduhang ginagawa ng ibang parish priest. Ang mga parish priests ay napapalitan
pagkalipas ng kung ilang taon, subalit ang mga religious organizations ay hindi
dahil taal silang taga-komunidad kaya kung tutuusin sila ang nagbibigay ng
agapay sa mga bagong naitatalagang parish priest, subali’t dahil sa kayabangan
ng iba sa mga ito, kalimitan, ilang buwan pa lang pagkatapos silang maitalaga
ay umaalingasaw na agad ang mabantot nilang ugali!....sila ang mga makabagong
Padre Damaso!
Discussion