Ang Tao Bilang Nilalang ng Diyos
Posted on Wednesday, 13 January 2016
ANG
TAO BILANG NILALANG NG DIYOS
Ni Apolinario Villalobos
PAALALA: Ang blog na ito walang layuning
magpasimula ng pagtatalo tungkol sa iba’t ibang paniniwala sa Diyos lalo na sa
relihiyon at tradisyon, kaya WALANG KARAPATAN ANG IBANG KWESTIYUNIN ITONG MGA
PANSARILI KONG PANANAW. Walang karapatang magbigay ng paalala ang mga
nagmamaangan-maangang maka-Diyos daw. At, dahil wala akong binabanggit na
relihiyon o tradisyon dito, ang pakiusap ko ay huwag ding magbanggit nito ang sinumang gustong magkomento. Ituturing
kong pansariling pananaw ng nagbasa ang komentong sasabihin niya, kahit hindi
umaayon sa mga inilahad ko, kaya hindi ko rin dudugtungan ng tanong o komento.
At, lalong ayaw kong ipilit sa iba itong mga pananaw ko.
1.
Ang haharap sa Diyos pagdating
ng panahong mawala sa mundo ang isang tao ay ang kanyang ispiritu…HINDI ANG
KANYANG KATAWANG LUPA. Pagdating ng kanyang kamatayan, HUMIHIWALAY ANG ISPIRITU
SA KATAWANG LUPA. Kaya ang mahalagang gawin ng isang tao ay magpakabuti habang
buhay pa upang mabawasan man lang ang kanyang mga kasalanan, nang sa ganoon,
pagharap niya sa Diyos ay hindi siya mahihiya, at makaakyat siya sa langit kung
meron man nito. Ang naiwang katawan na kini-cremate o nilalagay sa kabaong
upang ilibing ay wala nang silbi subalit dapat respetuhin. Kahit bendisyunan o
basbasan pa ito ay wala ring mangyayari kung ang iniisip ng iba ay makakatulong
ang pagbendisyon upang mawala ang mga kasalanan niya, dahil ang katawan ay
itinuturing bilang “lupa” na lamang, kaya sa Ingles, ang tawag sa bangkay ay
“remains” – natirang bagay.
Sa pagkabulok ng bangkay,
ito ay hahalo na sa lupa, hindi aakyat sa langit o magdudusa sa impyerno kung
meron man nito. Ang Diyos naman ay maaaring “magtatanong” sa ispiritu kung ano
ang pinaggagawa ng katawan niya noong buhay pa ito, at hindi magtatanong kung
ang bangkay ba niya ay binendisyunan o binasbasan sa isang katedral, simbahan,
kapilya, punerarya, bahay, Multi-purpose Hall, o bangketa kung saan ginawa ang
lamay. Hindi magtatanong ang Diyos kung mahal ba o mura o donated ang kanyang
kabaong, o di kaya ay diretsong inilibing ang kanyang bangkay, o sinunog ba, o
kung marami ang nakipaglamay, o kung sino ang nagbasbas, o kung may videoke ba
o nagpasugal nang gawin ang lamay upang makalikom ng pera.
2.
Ang mga ispiritwal na bagay ay
may kaugnayan sa Diyos o pananalampalataya kaya hindi dapat ihalintulad sa mga
maka-mundong gawain tulad ng pagpapatakbo ng negosyo, gobyerno, o organisasyon na magiging kadahilanan ng
pagkapagod kaya kailangan ang isa o dalawang araw na day off. Hindi rin saklaw
ng panahon ang mga ispiritwal na bagay kaya hindi dapat kinokontrol ng oras o
araw, hindi tulad ng mga maka-mundong bagay o gawain. Ang pagpapahinga ng Diyos
na sinasabi sa Bibliya tungkol sa “creation”, kung saan ay binanggit ang
pagpahinga niya sa ika-pitong araw ay isang alamat o legend. Hindi ito dapat
gamiting batayan upang magpahinga ng isang araw ang isang bahay-sambahan, sa
pamamagitan ng pagsara ng kanilang “opisina” dahil nagagawan naman ng paraan
upang maging tuloy-tuloy ang pagsilbi sa mga pangangailangang ispiritwal ng mga
kasapi.
Kung ang namumuno sa isang
bahay-sambahan ay magpupumilit ng patakaran tungkol sa araw ng pamamahinga at
tatanggi sa mga suhestiyon bilang paraan kung may problema, lumalabas na siya
ay makasarili o mayabang dahil gusto niyang manaig ang pansariling pamamalakad,
kaya sa halip na makahikayat ng mga bagong kasapi ay magtataboy pa siya ng mga
dati nang kasama…at ang gawaing nabanggit ay pagsalungat sa kagustuhan ng Diyos.
3.
Hindi nangangahulugang dahil
namumuno na ang isang tao sa isang bahay-sambahan, ay marami na siyang alam at
ang mga pinamumunuan niya ay wala o maraming hindi alam. Wala siyang karapatang
kumilos na animo ay pantas sa larangan ng relihiyon, dahil ang kaibahan lang
niya sa iba ay ang “diploma” lang naman mula sa eskwelahan ng pananampalataya
kung saan siya kasapi. Sa makabagong panahon ngayon, marami nang paraan kung
paanong mapalawak ng isang tao ang kanyang kaalaman sa anumang larangan, kasama
na diyan ang tungkol sa Diyos at relihiyon, at hindi niya kailangang magkaroon
ng diploma dahil dito.
SA MATA NG DIYOS, LAHAT NG KANYANG NILALANG
AY PANTAY-PANTAY AT KUNG MAY MGA NAITALAGA MANG
“MAMUNO” KAYA KAILANGAN NILANG MAG-ARAL PA, SILA AY HINDI DAPAT MAGYABANG DAHIL ANG MGA
PINAG-ARALAN AY DAPAT GAMITIN SA TAMANG PARAAN UPANG MAKAHIKAYAT PA NG MARAMING
KASAPI, AT ANG PAMUMUNO AY MAY HANGGANAN ….SA IBABAW NG MUNDO.
Discussion