0

Ang Mga Katagang, "enjoy life...matanda na tayo"...

Posted on Tuesday, 24 October 2017

Ang Mga Katagang, “enjoy life…matanda na tayo”
Ni Apolinario Villalobos

Malimit marinig ang mga katagang, “enjoy life…matanda na tayo”. Ang ibig sabihin pa rin niyan ay i-enjoy ang perang pinaghirapan. Sa puntong ito, ang mga sumusunod ay pansarili kong pananaw…kung sa Ingles ay, “I am speaking for myself only”:

Para sa akin ay may hangganan ang lahat sa mundong ito, kasama na ang pagtamasa ng kasiyahan mula sa pinaghirapang pera. Hindi masama ang magkamal ng maraming pera basta huwag lang manamantala ng kapwa upang matupad ang hangaring ito.

Ang mga magpapaligaya sa tao na ginagamitan ng pera ay  pagkain, pagliliwaliw, alak, damit, pagpapaganda ng katawan, sex, sugal, bar-hopping, at marami pang ibang makamundong bagay. Okey lang ang mga nabanggit kung kaya pa ng katawan ang mga epekto nila at kung bagay pa rin ang mga seksing damit, o pagpapaganda ng katawan tulad ng liposuction, pagpapalagay ng kung anu-anong bagay sa katawan upang tumambok ang puwet o suso, etc. Paano kapag ang edad ay mahigit 60 taon na kaya bawal na ang mamantika at matatamis na pagkain?…kung bawal na ang pagpapatina ng buhok dahil sa epekto ng kemikal sa utak?….kung bawal na ang masyadong pagpupuyat?....kung masagwa nang tingnan ang bikini sa kulubot na katawan o ang malaking suso at matambok na puwet sa katawang kulubot ang balat at kuba na ang posture? Magpipilit pa rin ba ang isang may limpak-limpak na salapi?

Maraming tao ang nag-aakalang pera lang ang makakapagdulot ng kaligayahan hanggang sa katandaan. Para sa akin, dapat lang talagang maglaan ng pang-ospital, pambili ng gamot kung sakaling magkasakit, pati na ang pambayad sa punerarya at pambili ng kabaong. Ang lalabis pa sa mga pangangailangang nabanggit ay maaaring gamiting panghuling hirit – pamamasyal, kaunting luho…pero hindi na maganda ang maghangad pa ng karagdagang pera kahit nasa huling yugto ng buhay. Lalong hindi maganda kung kahit naghihingalo na ay inaalala pa rin ang perang maiiwanan!

May naging kaibigan ako noon na taga-Ermita, mayaman at ang negosyo ay mga antique. Noong kalakasan pa ng Ermita bilang kilalang “red district” ng Manila, tatlo ang antique shops  at dalawa ang coffee shops niya na parehong high-end. Malawak din ang lupain niya sa kanilang probinsiya na ang tanim ay niyog. Ang edad niya ay mahigit nang 70 at naging kaibigan niya ako nang gawan ko siya ng biography. Madalas siyang mag-sponsor ng mga proyekto ko bilang kapalit ng bayad sa ginawa kong biography. Bilib na sana ako sa kanya, subalit nang minsang mag-usap kami ay sinabi niyang, “ang problema ko ay kung ano ang mangyayari sa pinaghirapan ko kung mamatay na ako”. Ang kaibigan ko ay maraming kamag-anak sa naghihirap sa probinsiya at ang iba ay nakilala ko pa nang umatend ako ng Christmas party nila. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi naisip ng kaibigan ko ang mga kamag-anak niyang naghihirap na dapat sana ay babahagihan niya ng kanyang yaman.



Discussion

Leave a response