Panawagan sa Mga Naghahasik ng Pangamba
Posted on Wednesday, 18 October 2017
Panawagan sa Mga Naghahasik ng Pangamba…
Ni Apolinario Villalobos
Ang panawagan na ito isang simpleng tangka upang mabuksan
ang inyong isip at maantig ang inyong damdamin tungkol sa mga ginagawa ninyong
paghasik ng pangamba sa mga kababayang namumuhay ng mapayapa…silang mga
nagtatrabaho ng marangal at mga kabataang nag-aaral upang balang araw ay
makatulong sa bayan.
Sa ginagawa ninyong panghoholdap at pangri-rape, sana ay
maisip din ninyo na kayo ay may mga mahal sa buhay na maaaring gawan din ng
ginagawa ninyo…maliban na lang kung kayo ay nag-iisa sa buhay. Kawawa ang mga
biktima ninyo na ang hangad lang ay kumayod nang maayos upang may maipakain sa
pamilya. Ang mga kabataang nilalakasan ang loob sa pag-uwi mula sa eskwela
kahit mahirap sumakay ay may mga pangarap sa buhay tulad ng pagtulong sa
pamilya at bayan.
Masakit para sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ninyo ang
makita silang kalunus-lunos ang kalagayan pagkatapos pagnakawan at saksakin o
di kaya ay gahasain pagkatapos pa ring pagnakawan. Hindi madaling tanggapin ng
mga anak ang mawalan ng amang naging biktima ng panghoholdap, na maliban sa
nawalan na ng perang pambili ng bigas, ay nasaksak pa!
Alam kong may mga pangangailangan kayo at ang iba sa inyo ay
tinuturing na kapit sa patalim ang panghoholdap. Subalit may paraan para kayo
ay kumita sa marangal na paraan…nang hindi nakakaperhuwisyo ng kapwa. May mga
pilay o lumpo na nakakayang magtinda o di kaya ay mga kabataang nagtatrabaho
bilang crew sa mga fast food chains upang kumita ng pang-tuition…. Ilan lang
silang kumakayod ng marangal…bakit hindi ninyo gayahin ang kanilang pagsisikap?
Nang dahil sa ginagawa ninyong panghoholdap pagkatapos magkunwaring
namamasada ng traysikel sa gabi, ang mga lehitimong mga traysikel drayber ay
hindi na tuloy pinagkakatiwalaan…pati mga naghahabal-habal sa ibang barangay at
bayan. Malaki ang epekto sa kabuuhan ng isang bayan ang ginagawa ninyong
paghahasik ng pangamba. Paano pang uusad ng pasulong ang isang barangay, bayan
o lunsod kung pinipigilan ninyo dahil sa inyong ginagawa? Kung kayo ay nakatira
sa isang maliit lang namang bayan, dapat ay makipagtulugan na lang kayo sa
lokal na pamahalaan para na rin sa kapakanan at kapakinabangan ng inyong
pamilya ng .
Kung wala kayong hinahasik na pangamba sa inyong kapwa, ang
ating bansang nakalugmok na sa kahirapan, kahit paano ay makakaraos kahit
bahagya. Lahat tayo ay Pilipino kaya walang ibang dapat na nagtutulungan sa
isa’t isa kundi tayo….para sa
katiwasayan ng kasalukuyan at kaginhawahan ng ating hinaharap. Sana ay magbago na kayo….
Discussion