Ang Pagkatamasa o Pagkamaaksaya ng Maraming Pilipino
Posted on Tuesday, 17 October 2017
Ang Pagkatamasa o Pagkamaaksaya ng Maraming Pilipino
Ni Apolinario Villalobos
Hindi ko maunawaan kung bakit may mga Pilipinong
napakayabang sa pagtira ng pagkain…mga tamasa na isang buwisit na ugali. Kapag
kumain sa mga restaurant o maski sa maliit na karinderya, buong yabang silang
nagtitira ng iisang kutsarang kanin na pang-isang subo at ulam na pang-dalawang
subo na lang.
Tulad na lang ng isang estudyanteng kumain sa katabing mesa
ko sa isang kainan ng pastil, na inayos pa ang iniwang pagkain na para bang
ipinapakita sa ibang kostumer ang kanyang kayabangan. Hindi pwedeng idahilan ang hindi pagiging masarap
ng itinirang piniritong itlog na ang halaga ay Php10 dahil kung nagawa niyang
kainin ang kalahati ay bakit hindi niya pinagtiyagaang isubo ang kapiranggot na
natira? Ang isang balot naman ng pastil ay Php10 at kakaunti lang kung tutuusin
subalit nagawa pa ng tamasang estudyante ang magtira. Sa isang mall naman,
halos kalahati pa ng chiffon cake naman at kalahating bote ng Coke ang itinira
ng isa pang estudyante. Mas may konsiyensiya ang lady guard na nagtabi sa
natirang cake para ibigay sa kaibigang Badjao na nanghihingi ng natirang
pagkain sa mga kainan. Nakakalungkot ang nasaksihan ko dahil mga estudyante pa ang nag-aksaya ng
pagkain….mga umaasa sa perang pinaghirapang kitain ng kanilang mga magulang. Sa
porma ng mga estudyanteng nag-aksaya, hindi masasabing sila ay mayaman.
Sa mga bahay, may mga magulang na sa halip na maging huwaran
sa pagtitipid upang hindi makapag-aksaya ng pagkain, ay sila mismo ang
nagpapakita ng magaspang na ugali. Sa halip na mag-recycle ng mga natirang
pagkain, diretso sa basurahan o sa butas ng lababo ang mga natirang pagkain.
Ang iba naman ay nagtatabi nga ng mga tirang pagkain sa ref pero kinakalimutan
naman hanggang tuluyang masira. Ang mga gulay na bahagya lang ang pagkalanta ay
itinatapon na. Kahit nakikita nilang nag-aaksaya ang mga anak ng pagkain ay
hinahayaan nila.
Maraming kababayan ang halos hindi makakain kahit isang
beses isang araw at ang iba naman, kung hindi mangalkal sa basurahan ay walang
naipapanlaman sa sikmura…pinapagpag ang langgam o dumi sa natirang sandwich o
tinapay o di kaya ay nilulutong batsoy ang mga buto ng fried chicken na may
nakadikit pang laman.
Dahil sa dami ng naaaksayang pagkain, nagkakaroon ng chain
reaction na ang resulta ay pagsirit ng kanilang mga presyo. Napapag-aralan ang
katotohanang ito sa mga silid-aralan…KUNG ITINUTURO NG MGA GURO.
Discussion