Ang Pagpupustura o Pag-aayos sa Sarili
Posted on Sunday, 8 October 2017
Ang Pagpupustura o Pag-aayos sa Sarili
Ni Apolinario Villalobos
Walang masama sa pamumustura o yong tinatawag ngayong
“bonggang pag-aayos” na kung minsan ay umaabot sa puntong kailangan pang pumunta sa parlor upang magpa-facial.
Kailangan yan ng mga professional lalo na ang mga direktang humaharap sa tao….HUWAG
LANG MAGPASOBRA.
Sa dami ng ukay-ukay ngayon, madaling magpustura, gamit ang
mga murang damit na mabibili….siguraduhin lang na bagay sa katawan at kulay ng
balat. Ang advantage ng mga ukay na damit ay original sila at siyempre mura.
Dahil diyan, walang dahilan ang may kaya namang bumili ng maayos at murang damit
upang “magmukhang tao”. Sa panahon ngayon, bilib ako sa mga kabataang Pilipino
na marunong mag-ayos kahit sa murang gulang dahil sa naglipanang ukay-ukay
outlets. Yan ang sinasabi ko na hindi dapat idahilan ang kahirapan kaya
nanlilimahid ang ayos.
Ang pagpa-parlor naman ay huwag gawin kung ikakasira lang ng
budget dahil baka ang perang dapat gamitin sa pamamalengke ay magastos. May mga
nanay kasi na halos magliyab ang mga kuko sa tingkad ng kyutiks na pula pero
ang mga anak ay pumapasok sa eskwela na walang laman ang tiyan. Yong iba pa ay
malakas ang loob na magpa-manicure ganoong palagi naman sa bukid at
nagtatanim…kahit pwede namang sila na lang ang pumutol ng kuko nila sa
pamamagitan ng nail cutter. Ang masama pa ay ang hilig ng ibang gumamit ng
“astringent” na nabibili lang sa tabi-tabi. Gandang-ganda sila sa epek na
namumula nilang mukha pero ang di nila alam ay tinutuklap ng kemikal ang outer
layer na balat ng kanilang mukha at kapag exposed na ang “baby skin”, ilang
linggo lang, mangingitim na ito.
Sa pag-aayos ng babae, dapat ang batayan ay kung ano ang
gusto ng lalaki, hindi yong nanggagaya ng kapwa nila babae dahil sa inggit.
Hindi lahat ng mga pampaayos ng katawan, lalo na ng mukha ay bagay sa lahat ng
babae dahil may binabagayan silang kulay ng balat at pigura ng mukha o facial
features. Ang nauusong pagpapakulay ng buhok halimbawa ay hindi bagay sa mga
babaeng talagang kayumanggi o brown ang kulay ng balat dahil magmumukha lang
silang “aborigine”. Subalit okey lang sa mga Pilipina na ang kulay ay
brownish-red dahil sa kaunting dugong Kastila. Iba naman kapag ang nahalong
lahi ay dugong-Intsik o Hapon dahil mapusyaw, o maputla, o sa Ingles ay “pale”
ang balat, kaya lalong ang dapat na kulay ng buhok ay itim.
Kung ang isang tao ay lecturer sa mga seminar o nagi-emcee
sa mga parties dapat lang talaga na maayos na maayos ang kanyang mukha at
pananamit dahil may pagka-showbiz ang ganoong uri ng trabaho. Kailangang bago
humarap sa mga participants o mga dumalo sa programa, ang mukha ay kaaya-ayang
tingnan. Ang buhok ay nagsisilbing “kuwadro” ng mukha kaya dapat mag-ingat ang
mga nagpapaayos nito. Hindi lahat ay binabagayan ng mahabang buhok, boy’s cut,
o pagpupungos. At, hindi lang kulay ang nagpapaganda ng buhok, kundi ang tamang
pag-trim para bumagay sa hugis ng mukha.
Sa kabila ng mga binanggit ko, wala pa ring tatalo sa
mukhang malinis at katawang binalot ng angkop na hugis ng damit kahit mumurahin
ito. Dapat pakatandaan na hindi pare-pareho ang nababagay sa bawa’t tao.
Discussion