0

Ang Ayaw Tumulong Huwag na lang Manlibak ng mga Kapus-palad

Posted on Monday, 9 October 2017

Ang Ayaw Tumulong
Huwag Na Lang Manlibak ng mga Kapus-palad
Ni Apolinario Villalobos

Napilitan akong sumulat uli tungkol sa subject na ito dahil sa narinig kong pag-uusap ng dalawang babae sa dyip. Galing ako noon sa mga nasunugan kong kaibigan sa Tondong nakatira pansamantala sa isang basketball court ng barangay na hindi kalayuan sa pinangyarihan ng sunog. Habang tumatakbo ang dyip galing sa port area papuntang Divisoria, sinabi ng isang babae sa katabi niya na, “mabuti ngang nasunog ang mga bahay sa Parola dahil pinamumugaran lang ng mga drug addict, mga puta at mga bata madudungis”.

Gusto ko mang sumabad, hindi ko na ginawa dahil mukhang mataray ang babaeng nagsalita at siguradong magtatalo lang kami. Mahirap na dahil baka makarating kami sa barangay, mabisto pa kung sino talaga ako dahil kukunin ang pangalan ko. Hindi kasi ako nagpapakilala sa mga taong tinutulungan ko sa Tondo.

Ang pinakamasamang ugali ng tao ay ang paglibak sa kapwa nilang kapus-palad o naghihikahos, na ayaw naman nilang tulungan. Palibhasa daw ay hindi mapapagkatiwalaan, madudungis kaya nakakasira ng tanawin, mga magnanakaw, mga puta, mga adik, mga tamad, mga putik ng lipunan.

Ang dapat gawin ng mga ayaw tumulong sa mga nangangailangan ay tumahimik na lang at magpakasaya sa yaman nila na pinaghirapan nilang kitain. Pero tulad ng sabi ko, dapat ay huwag manlibak ng mga taong kapos na inaakala nilang nakikibahagi sa kanilang yaman.
Walang may gustong maging mahirap. May sinusuwerte kahit hindi masyadong nagsikap at mayroon ding hindi sinuwerte kahit ang ginamit sa pagsisikap ay mismong karangalan at buhay, kaya nagpuputa at nagnanakaw. Ang mga nagpuputa ay nagkakasakit ng AIDS at ang magnanakaw ay napapatay.

Ang nawalan ng ganang magsikap ay siguradong may dahilan kaya huwag silang husgahan agad, tulad ng isang nakausap ko na ilang beses nang nagtrabaho subalit palagi ring biktima ng pagmamaltrato. May mga biktima ring ginawang “tuntungan” ng mga taong gusto lang yumaman…ibig sabihin, ginamit lang sila.

May mga taong sinuwerte sa buhay pero sa halip na lumingon sa kanilang pinanggalingan ay nanlibak pa ng mga kaanak at kaibigan na hindi sinuwerte kaya naghihirap. Kung mapansin naman nilang nagsisikap ay sasabihin pang “trying hard” at pati ang mga simpleng pagsasaya na nakikita sa mga larawang naipo-post sa facebook ay nililibak din sa pagtanong ng, “ganyan ba ang naghihirap?...naka make-up pa at magagandang damit ang suot?” Para sa akin, hindi dahilan ang kahirapan upang magpabaya sa pag-ayos ng sarili dahil marami ngayong magagandang damit sa ukayan at mura lang.

Dapat alalahanin ng mga may kaya sa buhay na nanlilibak, na ang yaman ay hindi nila madadala kung sila ay patay na. Ang mayayamang nanlilibak ay kumakain ng masasarap, hindi tulad ng mahihirap lalo na ang mga sobrang kapos na ang mga kinakain ay galing sa basurahan. Subalit, magkaiba man ang kanilang pagkain, pagdating sa bituka ng kanilang kinain ay parehong nagiging dumi o tae na mabaho! At, tulad ng mga kinakapos sa buhay, kung mamatay ang mayayamang nanlilibak, kakainin din ng uod ang nabubulok nilang bangkay…. pwera na lang kung na-cremate sila!



Discussion

Leave a response