0

Charlie Kris Limbong...16 years old, nagtitinda para may panggastos sa pag-aaral

Posted on Tuesday, 3 October 2017

Charlie Kris Limbong…16 years old, nagtitinda para may panggastos sa pag-aaral
Ni Apolinario Villalobos

Si Kris ang binanggit ko noong anak ni Bai Weng na nai-blog ko, at polio victim sa murang gulang pero nagsikap upang mamuhay ng normal hanggang makapag-asawa. Siya ang binanggit kong nagtitinda ng “walis tambo” tuwing Sabado at Linggo upang may panggastos sa pag-aaral. Dahil sa kahirapan sa buhay, patigil-tigil ang kanyang pag-aaral. Sa kabila ng lahat ay sinikap niyang matapos ang elementarya at ngayon sa gulang na 16, siya ay nasa First Year High School na ng Virginia Fajardo. National High School. Third Honor ang nakuha niya nang magtapos ng elementarya.

Noon ko pa gustong makilala si Kris kaya papunta-punta ako sa puwesto ng kanyang nanay na si Bai Weng upang matiyempuhan sana bago siya maglibot sa palengke at commercial area ng Tacurong upang magbenta ng “walis tambo”. Nagulat pa ako nang malaman ko na nakakarating pala siya sa Isulan para lang magtinda ng walis. Sa pagkakuwento ng kanyang nanay, hindi na umaasa sa kanila si Kris dahil pati toothpaste at sabon niya ay siya na rin ang bumibili mula sa kanyang kinikita.

Nang muli akong mamasyal sa puwesto ni Bai Weng ay hindi ko alam na siya pala ang kumakain ng kaning tutong at ang ulam ay kaunting burong isda. Akala ko ay kostumer na estudyante. Narinig ko pa siyang sumabay sa awit na naririnig mula sa isang radio at napahanga ako sa ganda ng kanyang boses. Nang maghanda na siyang umalis at inabutan ni Bai Weng ng isang plastic bag na may mga tsitserya ay nagtanong ako kung saan niya ititinda. Nang sumagot na sa eskwela ay biglang pumasok sa isip ko na baka siya ang sinasabi ni Bai Weng na anak niyang “negosyante”….siya nga!

Sa tuwa ko ay kinunan ko agad silang mag-ina ng retrato at hiningan ng pahintulot upang mai-blog…pumayag naman. Ayaw daw niyang galawin ang naipon niyang pera dahil gagamitin niya sa mga gastusin sa paaralan. Ang kikitain niya mula sa mga ititindang tsitserya ang gagamitin  niya para sa mga agaran o immediate niyang pangangailangan. At, kailangan pa daw niyang bumili ng isa pang pares ng pantalong uniporme. Dahil uuwi pa siya sa Griῆo ay hindi ko na  masyadong inabala, subalit, nagkasundo kaming magkikita uli sa puwesto ng kanyang nanay.


Kung ang ibang kabataang Pilipino ay tulad ni Kris, sana ay walang gaanong problema ang ating bansa. Mapalad din ang mga magulang ni Kris sa pagkaroon ng mga anak na responsable dahil lahat silang magkakapatid ay walang bisyo.


Discussion

Leave a response