Ang Pagsusulat
Posted on Saturday, 7 October 2017
Ang Pagsusulat
Ni Apolinario Villalobos
Lahat tayo ay may kakayahang magsulat, sanaysay man o tula,
o kung sa Ingles ay essay o poem. Yon nga lang, ang karamihan ay napipigilan ng
hiya kaya atubili sila sa pagsulat ng kanilang saloobin o laman ng diwa tulad
ng isang naging kaibigan ko…..
Ang kaibigan ko ay kilala noong dekada sitenta dahil sa
pagiging unang babaeng direktor ng pelikulang Pilipino. Siya ay nagtapos sa
Univeristy of the Philippines at nagpakadalubhasa sa larangan ng pagdi-direk ng
pelikula sa Amerika. Nang siya ay tumigil sa pag-direk ng pelikula sa Pilipinas,
inimbita siyang maging radio broadcaster dahil maganda ang kanyang boses. Narinig
niya sa isang kaibigan ang tungkol sa mga naisulat kong mga tula na nalathala
noon sa isang magasin. Sinubukan niyang banggitin sa radyo ang pangalan ko
bilang panawagan na interesado siyang makausap ako at kung maaari daw ay baka
pwede ko siyang tawagan sa istasyon dahil “on board” siya noon at dahil kauupo
pa lang niya, may mahigit isang oras pa
siyang natitira dahil isang oras at kalahati ang kanyang programa.
Nagkataong paborito ko ang istasyon ng radio dahil kahit AM
ay marami silang pinapatugtog na mga folk songs na gusto ko. Nang mag-usap
kami, inamin niyang curious siya sa akin at siguro bilang pagsubok kung totoo
nga ang narinig niyang kuwento, nag-request siya ng tula para sa kanyang mama
na ang birthday ay kinabukasan. Hiningan ko siya ng detalya tungkol sa kanyang
mama at sabi ko ay patawagan ako after ten minutes. Pero dahil natapos ko agad
ang tula in less than ten minutes ay ako na lang ang tumawag uli dahil may
pupuntahan pa ako. Nagulat siya at pinabasa sa akin “on air” o sa ere ang tula.
Maraming tumawag sa kanya pagkatapos nang ginawa at hindi ko na inalam kung ano
ang mga pinag-usapan nila dahil pumunta pa ako sa Tondo. Kinabukasan ay
inenterbyu niya ako on air at nang malamang pumunta ako sa Tondo ay nag-request
naman ng tula tungkol sa Tondo na ginawa ko naman at binasa “on air”. Dahil
wala naman akong pupuntahan noon ay tumutok ako sa programa at narinig ko ang
sunud-sunod na mga tawag ng mga Tondo na natuwa. Ang mga caller na dating
taga-Tondo na tumawag din.
Pagkalipas ng dalawang araw ay tinawagan niya ako pagkatapos
ng kanyang programa at inimbita sa kanyang opisina sa Katipunan Ave. Pagdating
ko doon ay tinapat niya agad ako tungkol sa tulong na gusto niyang hingin sa
akin. Nang tanungin ko kung tungkol saan, binuksan niya ang dalawang cabinet ng
puno ng mga folder. Sabi niya, tingnan ko raw ang mga laman na ginawa ko naman.
MGA HANDWRITTEN POEMS PALA NA GINAWA NIYA MULA PA NOONG SIYA NAG-AARAL SA
UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES!
Pinapa-edit sa akin ang mga poems pero sabi ko, kung walang
mali sa spelling ng words, walang dapat baguhin sa porma, at kung sakali man ay
very minimum lang at sa pagpupuwesto lang ng tuldok at comma. Sa tantiya ko ay
mahigit isang libo ang mga naisulat niya….nakakagulat!
Pero ang ikinagulat ko pa ay nang tanungin niya ako ng,
“pwede na ba ang mga iyan, Bot”? Sa halip na sumagot ay tiningnan ko siya ng
matagal at napailing ako. Akala niya ay “hindi” ang ibig kong sabihin, pero nang
makapagsalita ako ay sinabi kong, “hindi ako makapaniwala….nalula ako”!
Tinanong ko rin siya kung seryoso ba siya sa pagkuha sa akin
bilang editorial consultant niya, sabay paliwanag kung saan ako nagtapos at
kung anong kurso ang natapos ko. Ang nakakabilib na sagot niya ay, “wala akong
pakialam kung saan ka nagtapos…basta nakitaan kita ng pruweba”….yon lang. Dahil
sa pinakita niyang tiwala ay pinagbigyan ko siya.
Ang gusto kong ipakita sa kuwento ay ang hindi maiwasang
paghingi ng “assurance” ng isang tao sa kanyang kapwa dahil sa kawalan ng
tiwala sa sarili sa larangan ng pagsulat. Sa larangang ito, bawa’t isa ay may
sariling “style” na hindi dapat kuwestiyunin ninuman. Subalit para sa mga
nag-aaral pa lang, dapat ay sumunod muna sa mga literary rules na itinuturo sa loob ng
klase…. magtiyaga na lang para hindi bumagsak. At, kapag nakatapos na, saka na
lang magpakasawa sa paggamit ng sariling “style”…na ginawa ko at ginagawa hanggang
ngayon. Gusto ko lang iparating sa iba
ang “assurance” na, “KUNG KAYA KO, KAYA NYO RIN”.
Discussion