0

Ang Utang

Posted on Friday, 27 October 2017

Ang Utang
Ni Apolinario Villalobos

Para sa akin, tatlong uri ang utang – ang may collateral, ang walang collateral, at ang utang na loob.  Ang may collateral ay talagang negosyo dahil may pirmahang nangyayari, subalit ang walang collateral ay maituturing na banal dahil nakasandal lang sa tiwala sa pagitan ng magkakaibigan. Ang pagkakaroon naman ng utang na loob ay nangyayari sa panahon ng pangangailangan ng inaabutan at nag-aabot.

Ang collateral ng SSS o GSIS loan ay ang naipong contribution ng umuutang na miyembro. Sa mga malakihang utang na ang pinapataw na interes ay kapareho na halos ng Bombay style na 5/6, and kalimitang collateral ay bahay at lupa, o di kaya ay kotse at alahas na mamahalin. Sa ganitong uri ng utangan, ang panalo ay ang nagpautang makapag-remata man o hindi dahil sa laki ng interes. Marami pang ibang utang na tulad ng nabanggit.

Sa mga walang collateral na utangan sa pagitan ng magkakaibigan, ang batayan ay ang magandang samahan, at ang iba ay “pay when able” pa. Masaya ang ganitong uri ng utangan dahil sa nangyayaring “taguan” kapag nakahalata ang nagpautang na ang kaibigang umutang ay walang intensiyong magbayad. Ibig sabihin, inabuso ng umutang ang magandang samahan. May umuutang pa na nanunumbat kapag siningil na kung ang nagpautang naman ang nangailangan. Sasabihin ng balasubas na kaibigan sa kawawang inutangan na, “ang yaman-yaman mo na nga naniningil ka pa”. Ugaling hudas ang ganitong uri ng kaibigan na sana ay tamaan ng kidlat!

Ang “utang na loob” ang pinakamatinding uri ng utang at maraming bansa ang nasira dahil diyan. Sa panahon ng kampanyahan para sa eleksiyon, namimigay ng pera ang mga tusong kandidato. Ang makakatatanggap ay automatic na nagkaroon ng utang na loob kapag tinanggap niya ang pera na sa katotohanan ay halaga ng boto niya. Kapag nanalo ang namili ng boto, ang mga taong naging biktima niya ay nagkaroon ng utang na loob. Wala na silang magawa kapag nangurakot ang nanalong kandidato sa kaban ng bayan upang mabawi ang nagastos na pinambili ng mga boto!....ganyan sa Pilipinas!...kaya hindi nakapagtataka kung bakit lugmok na lugmok ang mga Pilipino sa mahirap i-describe na pagdurusa. Marami pang ibang uri ng utang na loob na kung ililista lahat ay aabutin ng maraming pages.


Ang pinakamadaling bayarang  utang din SANA ay ang utang sa Panginoon dahil sa pagbigay Niya sa atin ng buhay. ANG MGA SIMPLENG KABAYARAN LANG SANA AY: MAGPAKABAIT TAYO, MAKISAMA NG MAAYOS SA ATING KAPWA, HUWAG MANLAMANG....AT HIGIT SA LAHAT MAGMAHAL AT MAGRESPETO SA KANYA….SUBALI’T ILAN SA ATIN ANG GUMAGAWA NITO?

Discussion

Leave a response