0

Ang Nakakasilaw na Tukso ng Pera at Paggastos Nito

Posted on Monday, 2 October 2017

Ang Nakakasilaw na Tukso ng Pera
At Paggastos Nito
Ni Apolinario Villalobos


Hindi maganda ang ugaling gastos nang gastos basta may magagastos lalo na kung ang ginagastos ay galing sa kaanak na nagpapakuba sa pagtrabaho sa abroad. Marami akong nakilalang pamilya na akala ko ay mayaman, yon pala ay may nanay o tatay o kapatid na OFW, o di kaya ay seafarer. Ang nabanggit na ugali ay masama na, subalit lalo pang pinasama ng iba dahil sa kanilang pangangalunya o pangangaliwa o pagtataksil…. sa madaling salita ay may “kabit”!...habang ang asawang sa abroad ay nagpapakahirap.

Sa awiting, “Kuya Eddie” binabanngit ang kapabayaan ng asawa sa mga anak na ang ama ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Nagtaka ang lalaki dahil hindi naman buntis ang kanyang misis nang kanyang iwanan subalit nang umuwi siya, ang mga anak nila ay nadagdagan ng isa! Ang masaklap pa, iniwan na nga siya at kanyang mga anak, tinangay pa ang inipon niyang pera! Kung babae ang gagawa ng kaaliwaswasan, ang idadahilan ay “woman’s frailty” tulad ng depensea ng isang big time na babae na ngayon ay nasa kulungan na, subalit ang kaso ay hindi dahil sa pagka-adik niya sa sex kundi sa mga kasong may kinalaman sa pera. Kung lalaki naman, ang palusot ay, “ di bale na, lalaki naman at hindi mabubuntis”.

May naging kaibigan akong mananahi na dating nurse sa Kuwait at ang kuwento niya ay anim na taon daw niyang sinupurtahan ang kanyang pamilya, mula sa mga magulang hanggang sa apat na kapatid. Dahil sagana sa perang padala niya, naka-develop ng “pagmamahal” ang kanyang tatay sa sabong at ang kanyang nanay naman ay sa casino. Sa apat niyang kapatid, tatlo ang naging adik at ang isa ay nalumpo dahil sa aksidente sa motorcycle na nabili sa malaking halaga, yong pang-karera. Nang nakauwi na siya, kahit papaano ay nakabili siya ng isang maliit na lote at isang Singer sewing machine….nagri-repair siya ngayon ng mga ukay na pantaloon sa Bambang (Manila) sa inuupahang maliit na kuwarto. Ang lote naman ay tinamnan nilang mag-asawa ng mga gulay na pambenta sa Divisoria.

Siguradong marami ang aalma o magrereklamo kung sasabihin ko na ang isang bahagi ng kulturang Pilipino na hindi maganda ay kayabangan kapag maraming pera. Ang mga Pilipino na may nabanggit na ugali ay walang tigil ang pamimili ng mga bagay na mapapansin agad upang makapagbigay ng impression na mayaman sila. Tulad halimbawa ng isa kong kumpare na nang mag-retire ay bumili agad ng isang mamahaling sasakyan kahit wala silang garahe kaya sa labas ng bahay niya iginagarahe dahil ang tinitirhan nila ay isang maliit na apartment lang.Binalaan o winarningan ko siya na kilala ang lugar nilang maraming adik at snatcher na naninirahan…sa San Andres Bukid sila nakatira. Sagot niya sa akin, “pare…pa-impress lang…iniismol kasi ako ng mga hinayupak kong kapitbahay”. Hindi inabot ng limang buwan, nag-goodbye sa kanya ang mamahaling sasakyan dahil ninakaw!


Tulad ng iba pa nating pangangailangan sa buhay, ang pera ay nirerespeto at hindi inaabuso…pinaghihirapang kitain ng mga tapat sa trabaho, hindi basta lang dinadampot. HIGIT SA LAHAT, MAAWA SA MGA KAANAK NA HALOS MAGPA-ALIPIN SA IBANG BANSA PARA LANG MAY MAIPADALANG PERA SA INYO!

Discussion

Leave a response