Ang Makasarili at Mapagbigay
Posted on Tuesday, 24 October 2017
Ang Makasarili at Mapagbigay
Ni Apolinario Villalobos
Mahahalata ang taong makasarili at mapagbigay sa pamamagitan
ng isang halimbawang sumusunod: ….sa hapag-kainan, ang pinipiling saging ng
makasarili ay ang may pinakamagandang balat at malaki; ang mapagbigay naman ay
pinipili ang maliit at may halos nangingitim nang balat dahil nanghihinayang
siya kung tuluyang mabulok. Kung piniritong isda o manok ang ulam, ang pinipili
ng makasarili ay ang pinakamalaki; ang mapagbigay ay hindi namimili.
Walang masama sa pagpili ng pinakamagandang bagay kung ito
ay iyong binili. Subalit kung nakalatag sa harap ng isang pamilya kung saan ay
kasama ang magulang at mga kapatid, dapat ay kailangang maging mapagbigay lalo
na sa magulang at nakababatang kapatid. Kadalasan, ang mga nakatatanda pang mga
kapatid ang nag-aagawan ng pinakamaganda habang nakatunganga ang mga
nakababatang kapatid at magulang.
Ang pagkamakasarili ay nagbibigay-buhay sa kasabihan sa
Ingles na, “what are we in power for”…na nagpapairal ng lakas laban sa
mahihina. Nangyayari yan sa lahat ng sitwasyon, sa loob man ng tahanan o sa
komunidad na maliit hanggang sa kabuuhan ng isang bansa. Dahil diyan ay may
korapsyon sa mga pamahalaan at sa loob ng ILANG tahanan ay may magkakapatid na
palaging nag-aaway.
Sa mga pamilyang mayayaman, ang pagkamakasarili din ang
dahilan ng awayan ng magkakapatid dahil sa mga minana mula sa mga namayapang
magulang.
Discussion