Showing posts with label massacre. Show all posts

0

Tungkol Pa Rin sa "Kidapawan Massacre"

Posted on Thursday, 7 April 2016

Tungkol Pa Rin sa “Kidapawan Massacre”
Ni Apolinario Villalobos

“Tulungan natin ang ating mga kasama…depensa, depensa!”….ito ang sagot ng hepe ng pulisya ng probinsiya ng North Cotabato kung sino ang nag-utos na paputukan ang mga magsasaka… “judgment call” daw ito. Subalit ang sumunod ay mga putok. Hindi nga niya tahasang inutos na magpaputok, pero ang sinabi niya ay itinuring na utos para gawin ito, dahil alangan namang makikipagsuntukan ang mga pulis sa mga magsasaka. Idiniin din siya ng nakakataas sa kanya na nagsabing ang tanging utos niya ay i-clear ang highway. Ang gobernadora ng North Cotabatao ay tahasang nagsabi na labas siya sa isyu dahil wala daw siyang kaalaman sa ganoong operasyon dahil hanggang sa overall Crisis Committee lang siya .

Sana ay inisip ng gobernadora na hindi nangyari ang madugong “Kidapawan massacre” kung noon pa mang lumabas na ang aprubal upang ituring na kalamidad ang tag-tuyot sa probinsiya ay namigay na siya ng bigas. Ang aspeto ding ito ang dapat pagtuunan ng pansin ng Commission on Human Rights. Dapat isama nila sa imbestigasyon ang gobernadora na siyang may hawak ng calamity fund, na dapat ding alamin kung saan napunta. Kung tuwing mag-imbestiga ang Commission on Human Rights ay “tinatalbusan” lang ang mga kaso, sa halip na “bunutin ang ugat”, paanong matigil ang mga masamang nangyayari sa bansa?

Nakialam pa si Enrile sa pagsabi na may kulay-pulitika daw ang imbestigasyon dahil naki-imbestiga pa ang dalawang senador na tumatakbo sa eleksiyon. Kung hindi sasali ang dalawang senador sigurado ba ang patas na resulta dahil ang ibang miyembro ay pro-administration? At ang isyu dito ay obvious na pang-aapi kaya kasamang nag-iimbestiga ay Commission on Human Rights, kahit pa marami na rin ang nagdududa sa kredibilidan nito. Mukhang may ibig sabihin ang mga sinasabi ni Enrile na halatang pabor sa administrasyon. Dapat ay nasa kulungan siya tulad nina Bong Revilla at Jinggoy Estrada, subalit nasa labas dahil sa isang madalas gamiting dahilan ng mga nakakulong….ang sakit, kaya kailangan daw ang “hospital arrest”.

Maliban sa pagkamatay ng ilang magsasaka, ang isa pang masakit na resulta ng “Kidapawan massacre” ay pagkulong sa ilang mga matatanda at buntis na kinasuhan pa ng “direct assault” ganoong hinakot sila bago pa nagkaroon ng kaguluhan. Nilinlang sila ng mga pulis nang sabihan silang ihahatid daw sa kanilang pinanggalingan, pero pakakainin daw muna, kaya idineretso sila sa Kidapawan gym. Ang nagpakain sa kanila ay mga naawang mga kababayan at hindi ang gobyerno, subalit, pagkatapos daw ay tinuluyan sila ng reklamo at sinampahan ng kaso kaya nangangailangan sila ngayon ng 12,000 pesos na pang-piyansa, subalit naibaba sa 2,000 pesos.

Ang mga buntis ay mangiyak-ngiyak pa sa pagsabi na kailangan nilang umuwi dahil may mga maliliit silang anak na dapat alagaan.  Ang malaking tanong ay bakit sila kinasuhan ng “direct assault” kung inalis sila sa lugar ng rally bago nagkaroon ng marahas na dispersal? Ginamit lang yata silang mga “ebidensiya” kuno para magkaroon ng bigat ang reklamo din ng kapulisan at lokal na pamahalaan. Ganoon na ba ka-lupit ang mga dapat ay nagbibigay ng proteksiyon sa taong bayan?

Ayon kay Senador Coco Pimentel ng Senate Justice and Human Rights Committee, walang dumating na representative mula sa DILG, DSW, DA at NEDA na namumuno pala sa El Niἧo Task Force. Hindi rin dumating ang Executive Secretary na siya sanang representative ng presidente. Kahit isang kapirasong statement tungkol sa nangyaring “massacre” sa Kidapawan ay walang inilabas ang Malakanyang.

Anong konsiyensiya meron ang mga opisyal natin?....mga kapwa-Pilipinong humihingi ng ilang kilong bigas ay animo pinakain ng bala, at ang iba ay ikinulong, kaya natataranta sa paghanap ng pang-piyansa, ganoong wala na ngang pambili ng kahit isang kilong bigas maski pa sabihin ni Alcala, kalihim ng Department of Agriculture na mura ang bigas sa Kidapawan?

Sa paghahanap ng Calamity Fund, hindi pwedeng idahilan na kailangan ang mahabang proseso bago ma-release ito. May mga nagsasabi ding “nagamit” daw ang mga magsasaka ng ilang tao…pero ang tanong ay bakit hinayaan ng gobyernong umabot sa ganitong sitwasyon, ganoong kaya namang ibigay ang hinihinging ilang kilong bigas…agad??!!


0

Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto....pero dapat siyang managot, pagbaba niya sa puwesto

Posted on Monday, 23 March 2015



Unawain na lang  ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto
…pero dapat  handa siyang managot pagbaba niya sa puwesto
Ni Apolinario Villalobos

May punto ang isang propesora ng UP na ininterbyu sa pagsabi na huwag pilitin ang pangulo kung ayaw niyang humingi ng tawad dahil sa kapalpakan ng operasyon sa Mamasapano na naging sanhi ng kamatayan ng 44 SAF commandos, at ilang sibilyang lokal na naipit sa palitan ng putok.

Paulit-ulit na pinalulutang ang mga mali ng pangulo, tulad ng: pagbigay ng pahintulot sa suspendidong hepe ng PNP na si Purisima na makialam sa operasyon; pag-etsa puwera kay Roxas na hepe ng DILG at sa OIC ng PNP sa mga huling pakikipag-usap niya kay Purisima at Napeῆas; at ang hindi pagbigay ng karampatang halaga o urgency sa operasyon, kaya hindi niya na-monitor at naging dahilan upang hindi siya makapagbigay ng mas malinaw na desisyon nang maipit na sa Mamasapano ang mga SAF commandos. Sa kabila ng lahat, walang epek sa pangulo ang nangyaring trahedya, kaya ang pinaka-simpleng “I am sorry” ay hindi man lang niya nasambit.

Sa isang talumpati, umasta siyang “ama” na nawalan daw ng mga “anak”….hanggang doon na lang. Ang tinutukoy niya ay ang pagkamatay ng mga SAF commandos. Subalit ang magpakita na siya’y kinokonsiyensiya kaya dapat siyang himingi siya ng pasensiya, ay hindi man lang pumasok sa kanyang isipan.

Ang tingin ngayon ng mga Pilipino sa pangulo ay isang sinungaling. Ang masaklap sa ginagawa niyang pagtatakip sa kasalanan gamit ang kasinungalingan ay lumalala habang naglalabas siya ng mga saloobin na nakaangkla pa rin sa kasinungalingan. Sa halip na mabawasan ang mga kasinungalingan ay lalo pang nanganganak ang mga ito, hanggang sa umabot sa puntong wala nang makitang paraan upang siya ay makabawi, DAHIL SA PAGKAPATONG-PATONG NA NG MGA KASINUNGALINGAN.

Paano niyang i-deny ang mga na-rekord na niyang mga nakaraang talumpati na salungat sa mga kasalukuyan niyang sinasabi? Tulad na lamang ng may lakas-loob niyang pagsabi na ang BOI report ang magbibigay ng linaw sa kaso ng Mamasapano kaya ni hindi na niya kailangan pang bigyan ng kopya nito. Ni hindi siya nagpaunlak ng interbyu at bandang huli, dahil sa ugali niyang paninisi, pati si Roxas ay sinisi, at hindi daw nagparating ng imbitasyon ng BOI sa kanya para sa isang interbyu, ganoong maaari naman talaga siyang magkusa. Ang malinaw ay nag-presume siya na magiging kuntento na ang BOI sa pag-pick up ng mga impormasyon mula sa kanyang mga talumpati. Subalit nang lumabas ang resulta na nagdidiin sa kanya, nataranta yata kaya pinatawag ang BOI sa Malakanyang! Nang mabisto ng media ang miting niya sa BOI at pinasabog ito, napahiya yata kaya, buong “katapangan” na nagsabi ang Malakanyang na hindi nila babaguhin ang BOI report…dapat lang dahil bago nakarating sa kanila ang isang kopya, may nabigyan nang mga ibang tao!

Pwede nang tanggapin ang sinasabi ng Malakanyang na may prerogative si Pnoy o may karapatan sa paraan ng pagbigay ng kautusan na maaaring sumira ng umiiral na “chain of command”, PERO DAPAT IHANDA NIYA ANG SARILI NIYA SA RESULTA AT TANGGAPIN KUNG ITO AY PALPAK KAHIT PA MAY PANANAGUTAN DIN ANG KANYANG INUTUSAN…KAYA, PAREHO SILANG DAPAT MANAGOT…LALO NA SIYA BILANG TAONG NAGBIGAY NG UTOS!

Hindi makakawala sa pananagutan ang pangulo sa kanyang pananagutan dahil sa trahedyang nangyari sa Mamasapano. Hindi siya maaaring maghugas- kamay, dahil kaakibat ng responsibilidad niya bilang lider ang tumanggap ng sisi sa mga bagay na may direkta siyang kinalaman dahil sa prinsipyo ng “command responsibility”.

Ang hinihintay ng maraming Pilipino ay ang pagbato ni Pnoy ng paninisi kay Gloria Arroyo dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano! Isang classic na kwento yan kung sakali na only in the Philippines mangyayari! Dapat mag-ingat si Pnoy dahil baka mag-krus pa ang kanilang landas pagbaba niya sa puwesto, kung hindi matuloy ang nilalakad na pagpa-confine ni Gloria Arroyo sa kanilang bahay dahil sa lumalala niyang kalagayan.

0

Hindi daw Masaker ang Nangyari sa Mamasapano...sabi ni Rosales ng CHR

Posted on Sunday, 22 March 2015



Hindi daw Masaker ang Nangyari sa Mamasapano
…sabi ni Rosales ng CHR
Ni Apolinario Villalobos

Paano kaya ginawa ng CHR ang kanilang imbestigasyon sa Mamasapano? Kahit kaylan talaga, ang ahensiyang ito ay palaging wala sa tono. Ang “mis-encounter” na pinagpipilitin ni Rosales ay hindi rin katanggap-tanggap dahil maaga pa lang ay alam na ng MILF na mga pulis ang kanilang kaputukan. Hindi itinigil ng MILF ang pagpapaputok kahit ang SAF ay tumigil na dahil akala nila ay kinilala na sila ng MILF. Nang lumabas ang mga pulis mula sa taniman ng mais na nakataas ang mga kamay, pinaputukan pa rin sila. Nang bumagsak na ang mga SAF commandos, tinaggalan sila ng bullet-proof vest at pinagbabaril pa rin. May isa pang video na naging viral sa internet na nagpakita ng pagbaril sa isang SAF sa ulo nito ng malapitan. Sa kabila ng mga nabanggit,  sinasabi sa report ng CHR na walang masaker na naganap!......ganyan ka-“galing” ang mga ahensiya ni Pnoy!

Sa trahedya na dulot ng bagyong Yolanda, walang ginawa si Rosales upang matulungan ang mga inaping biktima na hindi nakatikim ng tulong dahil sa kapabayaan ng mga ahensiya ng gobyerno. Hindi rin nito pinakialaman ang panloloko sa pagpapatayo ng rehabilitation facilities dahil sa paggamit ng sub-standard na mga materyales.  Ang mga pagpapabayang ito sa mga inaping Pilipino  ay hindi ba pagyurak sa kanilang karapatan? Bakit hindi man lang kumibo si Rosales at ang CHR niya? Dahil ba BFF niya si Soliman?

Sa Maguindanao massacre, ano ang ginawa ni Rosales? Naghuhumiyaw ang mga ebidensiya ng hindi makataong pagpatay sa mga taong inosente. Bakit hindi tumulong si Rosales sa pakikipaglaban para sa mga naulila ng mga biktima upang lalong bumigat ang kaso ng mga Ampatuan at mga kasabwat nila? Hindi ba niya naisip na kung kikilos siya, maaaring makahingi ng tulong sa international community o kasama nilang ahensiya sa ibang mga bansa upang ma-pressure ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpabilis ng paglitis na sa ngayon ay usad-pagong? Takot ba siya sa mga Ampatuan?

Bakit hindi tutukan ni Rosales ang mga overstaying na mga nakakulong sa Bilibid at iba pang kulungan sa buong bansa, na karamihan ay matatanda, ang iba ay may malalang sakit at halos mamatay na? Lumutang na ang iba sa mga ito ay natalo sa kaso dahil walang pambayad sa abogado. Bakit hindi niya “linisin” ang record ng mga pasilidad na ito upang mabawasan ang laman ng mga kulungan upang lumuwag ang mga ito? Hindi ba makataong karapatan ng mga nakakulong ang magkaroon ng maayos na kulungan kung ang gamit ng correction facilities na ito ay mabago ang takbo ng kanilang buhay tungo sa kabutihan? Malilipatan ang Bilibid sa Nueva Ecija, pero paano ang ibang kulungan? Ayaw ba niyang mag-inspection sa mga kulungan dahil nandidiri siya?

Ano ba talaga ang papel ng CHR na ang ibig sabihin ay COMMISSION ON HUMAN RIGHTS? Hanggang ngayon ay marami ang hindi nakakaunawa kung ano ang kanilang pinaggagawa. May mga sitwasyon na dapat nilang pakialaman subalit hindi nila ginagawa dahil siguro maigsi lang ang media mileage. 
Ngayon, tatlo na ang mga babae sa administrasyon na friends ng MILF – sina Ferrer, Deles, at  Rosales. At kung questionable performance naman ang pag-usapan, apat na silang babae….. pang-apat si Soliman.

0

Noon pa man, sinabi ko nang Masaker ang nangyari sa Mamasapano...hindi incident o encounter

Posted on Tuesday, 17 March 2015



Noon pa man, sinabi ko nang Masaker
ang nangyari sa Mamasapano…hindi incident o encounter
Ni Apolinario Villalobos

Maliban sa hindi incident o encounter ang nangyari sa Mamasapano, kundi masaker, at ang 44 na SAF commandos ay hindi “fallen”, kundi “victims”. Sa salitang “fallen”, maaaring ipakahalugan itong hindi sinasadya, pero sa salitang “victims”, ito ay nangangahulugang sinadya.

Tungkol naman sa MILF, hindi binigyang pansin ang bali-balitang Malaysian citizen si Iqbal. Ano ang ginagawa ng isang banyaga sa pinag-uusapang isyu na may kinalaman sa soberinya ng Pilipinas? Ito ba ang dahilan kung bakit pinilit nila na dapat ay observer ang Malaysia sa usapan? Ano ang interes ng Malaysia sa Mindanao? Ang alam ng mga Pilipino ay may “kinalimutan” ang mga kinatawan ng gobyerno na sina Deles at Ferrer sa usapan – ang tungkol sa sa claim ng Pilipinas sa Sabah, na ayaw namang bitiwan ng Malaysia.

Tungkol naman sa Bangsamoro Basic Law, hindi mawawala ang lambong ng pagdududa dito, hangga’t hindi pinapalitan ang mga kinatawan ng Pilipinas sa negotiating panel na sina Deles at Ferrer, pati na ang Malaysia bilang observer.

At sa kaso naman ni Pnoy, mahihirapan na siyang makabangon sa kanyang matinding pagkalagapak dahil sa PRIDE!


0

Ang iba't-ibang senaryong nagbabanta sa Mindanao at Pilipinas...kung hindi agad magkakaroon ng kapayapaan

Posted on Wednesday, 4 February 2015



Ang iba’t-ibang senaryong nagbabanta sa Mindanao at Pilipinas
… kung hindi agad magkakaroon ng kapayapaan
ni Apolinario Villalobos

Dahil sa tindi ng mga kaguluhan at kalituhang nagresulta sa sunud-sunod na bulilyaso ng administrasyon ni Pnoy Aquino, hindi maiwasang maglaro ang imahinasyon ng mga Pilipino, at lalong hindi sila masisisi dahil ang mga nangyayari ay halos nakatuon sa mga maaaring mangyari, tulad ng mga sumusunod:

1.      Kung magre-resign o ma-impeach si Pnoy bago sumapit ang pagtatapos ng kanyang termino, mapapasama sa kanyang pagbaba ang mga sinasabing kakutsaba niya na sina, Abad, Purisima, Alcantara, at Soliman. Kakaharapin nila ang malalaking kaso na ihahain ng iba’t ibang grupo.  Maiiwan si Laila de Lima na tingin ng iba ay manipis lang ang  mantsa ng katiwalian sa pagkatao nito, pero, dahil sa delikadesa ay maaaring mag-resign din. Ang makikinabang sa ganitong senaryo ay si Binay dahil bilang Bise-Presidente, siya ang papalit kay Pnoy….lalong dusa ang madadanasan ng mga Pilipino. Pagkakataon nan i Binay na magpakitang gilas sa taong bayan, na kailangan niya dahil sa may pagkadesperado niyang kagustuhang tumakbo bilang presidente.

2.      Kung magtutuloy-tuloy ang mga protesta sa kalye ng Maynila at iba pang malalaking lunsod laban sa pamahalaan, subalit hindi pa rin magre-resign si Pnoy, mawawalan ng saysay ang kanyang basbas sa 2016 eleksiyon na hinihintay ni Roxas. Aalukin ni Binay si Roxas ng puwesto sa line-up niya sa 2016 bilang Bise-Presidente at kakagatin naman ni Roxas dahil desperado siyang maupo maski Bise-Presidente man lang.

3.      Kung hindi na talaga mapigilan ang mga pagprotesta ng mga Pilipino na ang mga dahilan ay katiwalian sa pamahalaan ni Pnoy Aquino at kahinaan nito sa pagpapatakbo ng gobyerno, gagamitin itong dahilan ni Estrada na tumakbo bilang Presidente at makakalaban niya si Binay. Ang mangyayari ay pagpili ng mga Pilipino sa wikang Ingles na: choice between the devil and the deep black sea…oopps!, deep blue sea pala. Magpi-feeling savior si Erap na magsasabing tatapusin na niya ang problema sa Mindanao tulad ng pagkubkob sa Camp Abu Bakar, noong panahon niya.

4.      Kung hindi matutuloy ang inaasam na pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) bago bumaba si Pnoy dahil dumadami ang kumakalas na mga kongresista sa pagsuporta dito, magkakaroon ng ugnayan ang MILF, BIFF, at MNLF. Gagawa sila ng compromise agreement at idadahilan na lang ang magkapareho nilang Islamic cause, kaya balik sila sa original na adhikain na pagtiwalag sa Pilipinas upang magkaroon ng sariling bansa ang mga Muslim. Lalawak ang gusto nilang masakop na hindi saklaw sa mga pinag-usapan sa BBL. Napatunayan kasi na mahina ang leadership ng MILF,at iiral ang kagustuhan ng BIFF at MNLF,  at nahalata rin ng tatlong grupo na animo ay takot ang pamahalaan sa pakikidigmang harap-harapan.

5.      Kung magsanib-puwersa ang MILF, BIFF at MNLF, maaaring humingi ang mga ito ng tulong sa Malaysia na may katuwaang papasok sa eksena dahil magkakaroon na ito ng pagkakataong tanggalin nang tuluyan ang pagbawi ng Pilipinas sa Sabah. Malinaw na ito pa rin ang hangad ng Malaysia kahit pa sabihing mediator ito sa usaping pangkapayapaan sa Mindanao kaya hindi isinama dito ang claim ng Pilipinas sa Sabah. At maaari pa ring isali ang Bangsamoro sa federal government ng Malaysia. Dahil ayaw mapahiya ng liderato ng MILF, lahat ay gagawin nila para lang masabing nagtagumpay sila sa ngalan ng kapayapaan.

6.      Kung magkakaroon ng cover-up sa gagawing imbestigasyon ng maraming grupo sa Mamasapano Massacre na magiging dahilan ng iba’t ibang resulta,  lalabo ang pagkakaroon ng hustisya para sa mga namatay at nasugatan. Dahil dito ay magkakawatak-watak ang PNP at AFP. Magkakaroon na naman ng kudeta at maaaring magtagumpay dahil kasama na ang mga kapulisan sa aaklas.

7.      Kung sa gitnang Mindanao ay mabubuhay na naman ang nakalimutan na sanang hidwaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim, magkakaroon ang mga apektadong lugar ng mga teritoryo ng MILF, BIFF at MNLF. Makikisakay na rin sa kaguluhan ang Abu Sayyaf. Gagawing sentro ng mga terorista na gumagalaw sa Asya ang Mindanao. Dahil dito, mabubuhay na naman ang mga grupong Kristiyano na lumalaban sa adhikaing isinusulong ng Bangsamoro.

8.      Kung titindi ang naghalu-halo nang kaguluhan ay lalong mamamayagpag ang pagnegosyo ng bawal na gamot sa Pilipinas, lalo na at napatunayan ang kaluwagan ng mga batas at patakaran laban dito, kaya kahit sa loob ng mga kulungan nakakapagpatuloy sa pagnegosyo ang mga nakakulong nang mga drug dealers. Mamamayagpag din ang extortion ng maliliit na grupo na ang iba ay na-train na sa paggawa ng bomba, pero ang pinakamalaking extortion group ay Abu Sayyaf pa rin. Mindanao ang gagawing balwarte ng mga terorista na kikilos sa buong Asya!

Sa alin man sa mga nabanggit na senaryo, malinaw na ang talo ay mga Pilipino sa kabuuhan, Muslim man o Kristiyano, lalo na at nakasentro ang mga kaguluhan sa pagmintina ng kabuuhan pa rin ng Pilipinas kahit na may Bangsamoro na. Kawawa sina Fatima at Maria…sina Abdullah at  Juan dahil sa kasakiman ng iilan!

Dahil sa mga kaguluhang nangyayari at mga agam-agam na hindi nagpapatulog ng mahimbing sa mga Pilipino…sino ang may sala, o sinu-sino sila?  Ang sagot diyan ay ang palasak sa Ingles na: your guess is as good as mine!

0

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno...at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy

Posted on Wednesday, 28 January 2015



Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno
…at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Ang massacre ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao, ay nagpapakita nang kaampawan ng liderato ni Pnoy. Hindi buo…hindi matatag…walang laman – puro hangin…ampaw! Mismong kalihim ng DILG at OIC ng PNP ay hindi alam ang isang malaking operasyon na gagawin ng SAF ng PNP dahil ang target ay isang foreign terrorist na wanted din sa ibang bansa. Ang pagsilbi ng mga naipong warrant of arrest ay isang immediate actionable na responsibilidad na may kaakibat na tactical operation, subalit dahil hindi ito pangkaraniwan, dapat pinaalam din kay Mar Roxas bilang kalihim ng DILG at pati sa OIC ng PNP bilang respeto.

Putok ang balitang ang nagmani-obra ay ang suspendidong hepe ng PNP na si Purisima kaya lalong naging naging kwestiyonable ang lahat dahil ginawang tanga ang itinalagang OIC. Kahit wala pang imbestigasyong ginagawa ay malakas tuloy ang hinala ng lahat na ang tagumpay ng operasyon ay magsisilbi sanang “personal vindication” ni Purisima mula sa mga paratang sa kanya. Ang problema, nag-boomerang kaya lalo siyang nadiin…lalong nalubog sa kahihiyan, kung totoo nga ang mga pumutok na balita na ang pinagmulan naman ay isang heneral. Sa nangyari, dawit uli ang BFF ni Purisima na si Pnoy...na may kakambal yatang kamalasan!

Tulad ng inaasahan, tila may sacrificial lamb na umamin – ang director ng SAF. Subalit bakit hindi niya ginawa ito agad upang maiwasan ang mga ispekulasyon? Pwede namang magpatawag siya ng press conference. Ang ginawang paghintay muna ng director na makapagsalita ang pangulo ay nakakapagduda, dahil gusto yata niyang magkaroon sila ng iisang “tono” ng pangulo – walang conflicting statements. Ibig sabihin, magsi-second the motion na lamang ang SAF Director sa anumang sasabihin ng pangulo, na nangyari nga.

Ang nagmukhang tanga na sina Roxas at OIC ng PNP ay nagkakamot ng ulo, ganoon din ang iba pang mga opisyal ng PNP na hindi rin napagsabihan tungkol sa operasyon. Ang masakit, sila ang pinapaharap sa mga press con kaya sisinghap-singhap habang naghahagilap ng isasagot sa mga katanungan. Malinaw pa sa sikat ng araw na sila ay natraidor! Daig pa nila ang taong binaril at duguan na, ay sinisipa pa, dahil siguradong sila ang babagsakan ng sisi. Magastos na naman sa tubig at sabon dahil sa mga hugasan ng kamay sa Malakanyang! Samantala, ang pag-amin ng direktor ng SAF ay hindi pinaniniwalaan.

Dahil malakas ang pagputok ng pangalan niya sa media, dapat kusang lumabas si Purisima at itanggi ang paratang kung walang katotohanan. Pero wala yatang takot at kaba dahil alam niyang as usual, ay ipagtatanggol siya ng kanyang best friend na si Pnoy! Nakakasakit din sa loob na marinig sa pangulong ituring ang massacre na isang “incident” lamang.

Kung may natitira pang pride o pagmamahal sa sarili si Mar Roxas, ang pinakamaganda niyang gawin ay mag-resign, dahil binibitin din lang siya ni Pnoy kahit sa suporta na kailangan niya (Roxas) pagdating ng eleksiyon sa 2016. Kung magbibitiw siya, baka madagdagan pa ang mga supporters niya dahil sa awa.