Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto....pero dapat siyang managot, pagbaba niya sa puwesto
Posted on Monday, 23 March 2015
Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto
…pero dapat handa siyang managot pagbaba niya sa puwesto
Ni Apolinario Villalobos
May punto ang isang propesora ng UP na ininterbyu sa pagsabi
na huwag pilitin ang pangulo kung ayaw niyang humingi ng tawad dahil sa
kapalpakan ng operasyon sa Mamasapano na naging sanhi ng kamatayan ng 44 SAF
commandos, at ilang sibilyang lokal na naipit sa palitan ng putok.
Paulit-ulit na pinalulutang ang mga mali ng pangulo, tulad
ng: pagbigay ng pahintulot sa suspendidong hepe ng PNP na si Purisima na
makialam sa operasyon; pag-etsa puwera kay Roxas na hepe ng DILG at sa OIC ng
PNP sa mga huling pakikipag-usap niya kay Purisima at Napeῆas; at ang hindi pagbigay ng
karampatang halaga o urgency sa operasyon, kaya hindi niya na-monitor at naging
dahilan upang hindi siya makapagbigay ng mas malinaw na desisyon nang maipit na
sa Mamasapano ang mga SAF commandos. Sa kabila ng lahat, walang epek sa pangulo
ang nangyaring trahedya, kaya ang pinaka-simpleng “I am sorry” ay hindi man
lang niya nasambit.
Sa isang talumpati, umasta siyang “ama” na nawalan daw ng
mga “anak”….hanggang doon na lang. Ang tinutukoy niya ay ang pagkamatay ng mga
SAF commandos. Subalit ang magpakita na siya’y kinokonsiyensiya kaya dapat siyang
himingi siya ng pasensiya, ay hindi man lang pumasok sa kanyang isipan.
Ang tingin ngayon ng mga Pilipino sa pangulo ay isang
sinungaling. Ang masaklap sa ginagawa niyang pagtatakip sa kasalanan gamit ang
kasinungalingan ay lumalala habang naglalabas siya ng mga saloobin na
nakaangkla pa rin sa kasinungalingan. Sa halip na mabawasan ang mga
kasinungalingan ay lalo pang nanganganak ang mga ito, hanggang sa umabot sa
puntong wala nang makitang paraan upang siya ay makabawi, DAHIL SA
PAGKAPATONG-PATONG NA NG MGA KASINUNGALINGAN.
Paano niyang i-deny ang mga na-rekord na niyang mga
nakaraang talumpati na salungat sa mga kasalukuyan niyang sinasabi? Tulad na
lamang ng may lakas-loob niyang pagsabi na ang BOI report ang magbibigay ng
linaw sa kaso ng Mamasapano kaya ni hindi na niya kailangan pang bigyan ng kopya
nito. Ni hindi siya nagpaunlak ng interbyu at bandang huli, dahil sa ugali
niyang paninisi, pati si Roxas ay sinisi, at hindi daw nagparating ng
imbitasyon ng BOI sa kanya para sa isang interbyu, ganoong maaari naman talaga
siyang magkusa. Ang malinaw ay nag-presume siya na magiging kuntento na ang BOI
sa pag-pick up ng mga impormasyon mula sa kanyang mga talumpati. Subalit nang
lumabas ang resulta na nagdidiin sa kanya, nataranta yata kaya pinatawag ang
BOI sa Malakanyang! Nang mabisto ng media ang miting niya sa BOI at pinasabog
ito, napahiya yata kaya, buong “katapangan” na nagsabi ang Malakanyang na hindi
nila babaguhin ang BOI report…dapat lang dahil bago nakarating sa kanila ang
isang kopya, may nabigyan nang mga ibang tao!
Pwede nang tanggapin ang sinasabi ng Malakanyang na may
prerogative si Pnoy o may karapatan sa paraan ng pagbigay ng kautusan na
maaaring sumira ng umiiral na “chain of command”, PERO DAPAT IHANDA NIYA ANG
SARILI NIYA SA RESULTA AT TANGGAPIN KUNG ITO AY PALPAK KAHIT PA MAY PANANAGUTAN
DIN ANG KANYANG INUTUSAN…KAYA, PAREHO SILANG DAPAT MANAGOT…LALO NA SIYA BILANG
TAONG NAGBIGAY NG UTOS!
Hindi makakawala sa pananagutan ang pangulo sa kanyang
pananagutan dahil sa trahedyang nangyari sa Mamasapano. Hindi siya maaaring
maghugas- kamay, dahil kaakibat ng responsibilidad niya bilang lider ang
tumanggap ng sisi sa mga bagay na may direkta siyang kinalaman dahil sa
prinsipyo ng “command responsibility”.
Ang hinihintay ng maraming Pilipino ay ang pagbato ni Pnoy
ng paninisi kay Gloria Arroyo dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano! Isang
classic na kwento yan kung sakali na only in the Philippines mangyayari! Dapat
mag-ingat si Pnoy dahil baka mag-krus pa ang kanilang landas pagbaba niya sa
puwesto, kung hindi matuloy ang nilalakad na pagpa-confine ni Gloria Arroyo sa
kanilang bahay dahil sa lumalala niyang kalagayan.
Discussion