Popoy
Posted on Thursday, 19 March 2015
Popoy
(para kay Daniel Earl “Popoy” Defante)
Ni Apolinario “Bot” Villalobos
Sa murang gulang, buong tapang na namuhay
Sinuong ang mga pagsubok upang magtagumpay
Kapos man sa karaniwang mga pangangailangan
‘Di nawalan ng pag-asa, salat man sa pinag-aralan.
Hindi naringgan ng pagdaing, kahit siya’y gulapay
Tahimik niyang nilabanan, mga balakid sa buhay
‘Di nakitaan ng pagkabahala ang kanyang mukha
Dahil alam na laging sa likod niya ang Manlilikha.
Iba si Popoy…talagang iba siya, lahat ay may sabi
Kahit sa pagtulong sa kapwa, ‘di siya nag-aatubili
Sa abot ng kanyang makakaya, kahit walang pera
Sa ibang paraan, pagtulong sa kapwa’y pinapakita.
Magalang sa nakakatanda, magiliw sa nakababata
Madaling lapitan, taos sa puso’ng pagtulong sa iba
Iyan si Popoy itinuring na anak, kapatid at kaibigan
Dahil sa kagandahan ng ugali’y hindi makakalimutan!
Discussion