Ang Pagtitiwala sa Kapwa ay Pagbibigay ng Pag-asa
Posted on Tuesday, 3 March 2015
Ang Pagtitiwala sa
Kapwa
Ay Pagbibigay ng
Pag-asa
Ni Apolinario Villalobos
Marami tayong nakikitang palaboy sa ating paligid na
kalimitan ay hinuhusgahang mga tamad. Ganoon din ang mga nakatira sa bangketa,
ilalim ng tulay at kariton na tinitingnan ng karamihan na pasanin ng lipunan.
Subalit ang hindi alam ng marami, ang mga taong ito ay nagsisikap kaya
namumulot ng mga mapapakinabangan pa sa basurahan, sa halip na manghingi sa
ibang tao o magnakaw. Ang ibang nakausap kong nakatira sa bangketa, ilalim ng
tulay at kariton ay may mga trabahong matino, maliit nga lang ang sweldo na
wala pa sa minimum. At ang pinakamasakit
pakinggan mula sa kanila ay ang hinanakit na hindi sila pinagkakatiwalaan, kaya
ang iba ay talagang hindi makahanap ng trabaho.
Mapalad ang mga taong halos mawalan na ng pag-asa sa buhay
subalit may nakikilalang tao na handang tumulong nang walang kundisyon o
kapalit. Tulad na lang ni “Gilbert” na humiwalay sa asawang lulong sa bawal na
gamot at ayaw paawat sa bisyong ito. Ang ginawa niya ay binitbit ang nag-iisang
anak at pinaalagaan muna sa magulang at siya naman ay nakipagsapalaran kung
saan-saang lugar upang kumita gamit ang kanyang kaalaman sa pagkarpentero,
hanggang makarating sa Cavite. Napasama siya sa mga kontratistang gumagawa ng bahay
subalit maliit lang ang mga proyekto kaya ang kita niya hindi rin halos sapat
sa kanyang pangangailangan lalo pa at nagpapadala rin siya ng pera sa kanyang
magulang upang magamit sa kanyang anak.
Napadpad siya sa aming lugar at sa simula ay nakitira sa
isang malayong kamag-anak at nakihati sa mga gastusin sa bahay. Subalit ang
nangyari, hindi rin pala mapagkatiwalaan dahil ninanakawan pa siya, at palaging
ginigipit sa kanyang bahagi sa mga gastusin kaya napilitan siyang magsangla ng
kanyang mga gamit sa pagkakarpintero.
Sa puntong ito, tiyempong may pinagawa sa kanya ang
magkapatid na naisulat ko na noon at ginawan ng tula na ang pamagat ay “Ang
Dalawang Babae ng Maragondon”. Ang nakakatanda sa kanila, si Emma ay may
carinderia, at ang nakababatang si Baby naman ay tumutulong sa kanya. Sa kabila
ng pagiging single parent in Emma ay naitataguyod niya ang bunsong anak, at si
Baby naman ay tumutulong din sa pagpapagamot ng kanyang asawa na dina-dialyis
dahil sa sakit sa bato.
Hindi nag-atubiling tumulong ang magkapatid kay “Gilbert”
nang malaman nila ang kuwento ng buhay nito. Ang nakita nila ay ang pagsisikap
na ginagawa ni “Gilbert” kahit ito ay kapos. Pinaalis ito sa tinitirhan ng
kanyang malayong kamag-anak, kaya hinayaan ng magkapatid na habang walang
naiipon at nakikitang matirhan ay pansamantalang matulog sa kubo na kinakainan
ng mga kostumer nila.
Ang sabi ni Emma na natanim sa isip ko nang kausapin ko siya
ay, “…kailangang matuto tayong magtiwala sa ating kapwa upang maski paano ay
mabigyan sila ng lakas sa kanilang pagsisikap”. Dagdag pa niya, “…sa pagtulong,
wala nang tanong-tanong pa, sa halip ay tingnan ang agarang pangangailangan
nila”.
Ngayon, habang walang
makitang trabahong pansamantala si “Gilbert”, naglilinis siya sa paligid, lalo
na sa harapan ng carinderia. At ang kainaman, dahil kilala na rin siya ng mga
kaibigan ng magkapatid, tinatawag din siya kung may ipapagawa ang mga ito sa
kanilang bahay.
Ang hindi ko makalimutan sa mga sinabi ni “Gilbert” nang
makausap namin ay noong hinahanapan daw siya ng pera ng kanyang malayong
kamag-anak na tinitirhan, binulatlat niya sa harap nito ang kanyang mga gamit
upang ipakitang talagang wala siyang pera. Nasa iisang backpack lang naman ang
kanyang mga gamit dahil pinasanla na sa kanya ang kanyang mga gamit sa
pagkakarpintero. Ang dagdag pa niya, “….pati nga ang iilang pirasong beynte singko
sentimos na iniipon ko ay inilabas ko na”.
Sino ang hindi magtitiwala sa isang taong sa kapipilit na
magsikap, ang turing sa beyte singko
sentimos ay kayamanan na?....iyan ang nakita nina Emma at Baby kay Gilbert.
Discussion